SINIRA ng naglipanang virus ang pamilya at mga pangarap ni Janet. Maging ang lalaking kay laon niyang minahal ay sabay na naglaho kasama ng mga pangako nito sa kanya. Sa sobrang sakit ng kanyang naging karanasan ay hindi niya inaakala na magiging maligaya pa siya sa bagong mundong ginagalawan niya. Subalit nang makilala niya si Zack Vivanco, ang lalaking sumagip sa kanyang buhay ay tila unti-unting napupunan ang mga bagay na nawala sa kanya.
At sa paglipas ng mga panahon ay hindi niya inaasahan na mababaling sa kanya ang atensiyon ng binata, samantalang noon ay hindi man lang siya matapunan ng tingin. Subalit isang panaginip ang umuusig sa kanya na aywan niya bakit nasasangkot si Zack sa isang insidente na naging sanhi umano ng pagkasira ng kanyang pangarap.
Pinabulaanan niya ang panaginip na iyon at iginiit sa sarili na hindi iyon makakatotohanan. Mas matimbang ang pagmamahal na nasagap niya sa binata. Ngunit paano niya maipaglalaban ang kanyang damdamin gayung isang multo ng nakaraan ang pilit siyang ginugulo?