"WILL you marry me, honey?" tanong ni Luke kay Janet, habang nakaluhod ito sa kanyang harapan.
"Yes!" walang pag-aatubiling sagot niya.
Niyakap siya nito at siniil ng halik ang kanyang mga labi. Kaya pala bihis na bihis ito ay inimbitahan siya roon sa magarang hotel. Kumuha pa ito ng eleganteng kuwarto para sa kanila. Sa loob ng kuwarto ay naka-set up ang mesa na may nakahaing masasarap na pagkain. Hindi niya inaasahan na doon magpo-propose ng kasal ang limang taon niyang nobyo na isang Mexican-American.
"I am the luckiest woman on earth now, Luke. Thank you so much!" sabi niya sa binata nang magkasalo na sila sa masasarap na putahe.
"No, honey, I have that luck that's why I choose to stay here with you. I have nothing to wish for, 'cause you will be mine for the rest of my life. I love you so much," masuyong wika nito.
"I love you too, Luke," naiiyak na ganti niya.
Ginagap nito ang kanang kamay niya saka kinintalan ng mapusok na halik. Pagkabitiw nito ng kamay niya ay bigla na lang yumanig ang buong gusali. Nagkasabay pa silang tumayo.
"What happend?" balisang tanong niya.
"Stay here, honey," sabi ni Luke. Hinablot nito ang backpack nito.
"Where are you going?" tanong niya.
"Just stay here, honey! Don't go out what ever happen. I'll be back!" Hinalikan pa siya nito sa labi bago siya tuluyang iniwan.
Hindi siya mapakali. Mamaya'y may kung anong sumabog sa labas. Akmang lalabas siya ngunit sinalubong siya ng nagliliyab na apoy...
BUMALIKWAS ng bangon si Janet nang mahinuha na nanaginip na naman siya tungkol sa masaklap niyang nakaraan. Limang taon na ang nakakalipas magmula noong magyari ang insidente pero sariwa pa rin ang sugat sa puso niya dulot ng pagkawala ng kanyang mga magulang, lalung-lalo na ng lalaking pinakamamahal niya. Hanggang ngayon ay wala pa rin siyang balita tungkol kay, Luke. Wala pa rin silang natatanggap na report kung kabilang ba si Luke sa natupok ng apoy sa hotel na tinuluyan nila. Humagulgol na naman siya.
Lunes ng umaga, sumama si Janet kay Elias at Erman para bisitahin ang mga tao sa safe houses. Hindi pa rin siya tumitigil na isa-isahing tingnan ang mga taong naka-survive mula sa naglipanang halimaw. Baka sakaling kabilang sa mga ito si Luke. Pagkagaling nila sa isang isla sa Mactan ay dumeretso sila sa bayan na umano'y marami pang tao na ayaw lumikas. Lulan sila ng chopper. Inilapag ni Elias ang chopper sa ibabaw ng gusaling hindi pa yari. Malawak kasi ang espasyo roon.
Iniwan siya ng mga ito para halughugin ng mga ito ang lugar at makombinsi ang mga tao na lumikas. May isang oras na siya sa loob. Nang mapuno ang pantog niya ay nagdesisyon siyang lumabas para umihi. Kumubli siya sa likod ng chopper saka iniraos ang pamumutok ng kanyang pantog. Pagkatapos niyang umihi ay naglakad siya tatlong hakbang upang masilip ang ibaba ng gusali. Nalula siya sa sobrang taas ng kinaroroonan niya.
Nang kumilos siya pabalik na sana sa chopper ay kumislot siya nang pagpihit niya sa kanyang likuran ay nakatayo roon ang lalaking itim ang kasuotan at nasa hitsura nito ang pagiging bampira. Iniisip niya na baka isa lang ito sa security ng sangre academy at sumunod sa kanila, pero nang tinangka niyang iwasan ito ay bigla nitong hinalit ang balikat niya.
"Ano ba!" asik niya ngunit ginapos siya nito.
Tinuhod niya ang pagitan ng mga hita nito. Napadaing ito at dagli siyang nabitawan. Tatakbo sana siya ngunit sumabit ang kanang braso niya sa kamay nito. Akmang sasakmalin siya nito ngunit nagtataka siya bakit bigla itong natigilan. Napatingin siya sa dibdib nitong may tumulos na palaso. Bumitiw ito sa kamay niya at bigla itong bumagsak sahig.