PINAHIRAN ni Luke ng damo ang espada nito saka ibinalik sa sisidlan niyon na nasa likuran nito. Ga-balikat na ang buhok nito pero wala halos nabago sa mukha nito. Humakbang ito palapit kay Janet. Kinabahan siya sa akalang siya ang isusunod nitong papatayin. Hindi kasi siya sigurado kung nakikilala pa siya nito.
"Luke, ako ito, si Janet. Nakikilala mo pa ba ako?" pakilala niya.
"I know you. What are you doing here? You're not safe here?" anito.
Kahit papano'y naibsan ang kaba niya. Hindi na siya nagtataka kung bakit hindi siya nakadama ng pananabik. Matagal niyang inasam ang pagbabalik nito, pero pakiramdam niya'y wala na itong puwang sa buhay niya. Ayaw niyang maging stupida pero hindi rin niya masisi ang kanyang sarili kung bakit inalis niya sa kanyang sistema si Luke. Tama lang ang ginawa niya dahil kung hindi niya ito kinalimutan at hindi siya nagmahal ng iba ay baka hanggang ngayon ay nasasaktan pa rin siya.
"Matagal kitang hinintay. Umasa ako na babalik ka. Pero hindi ka bumalik," wika niya. Hinayaan niyang tumulo ang kanyang luha. Sa paraang iyon ay mailalabas niya ang natitirang emosyon sa puso niya para kay Luke.
"I'm sorry," sabi lang nito. Ibang-iba na ito kumapara sa Luke na nakilala niya. Maging sa pananalita at kilos nito.
Nilapitan niya ito at akmang hahaplusin ang mukha nito pero marahas nitong ginagap ang kamay niya at inilayo sa mukha nito. Nagulat siya sa kilos nitong iyon.
"Luke is dead. He never comes back," anito sabay bitiw sa kamay niya.
Dumalas pa ang pagluha niya. Nagsikip ang kanyang paghinga. "I know. But you're still alive."
"No! I'm a vampire, Janet! I can't be your lover anymore! I can't give you a normal life! I am nobody!" asik nito.
"You're wrong! You're still the man I loved!"
"Loved?"
Nahimasmasan siya. Paano ba niya sasabihin rito na hindi na ito ang lalaking mahal niya ngayon? Hindi na siya nakaimik nang may sumulpot na halimaw salikuran ni Luke. Bago pa nakahuma si Luke ay bumulagta na ang halimaw. Kasunod nito'y namataan niya si Rafael, na siyang pumuksa sa halimaw.
Tinangka ni Rafael na hulihin si Luke pero mabilis itong nakatakas. Nang may paparating na mga halimaw ay nagmadali si Rafael na kargahin siya. Dinala siya nito sa rooftop ng isang gusali.
"Sorry, hindi kita nabalikan kanina. Na-trap kasi ako sa loob ng bahay ninyo. Ang dami palang halimaw doon," paliwanag ni Rafael.
"Bakit ka pa pumasok doon?"
"Nakita ko kasi si Luke na dumungaw sa bintana. Malamang naroon na siya bago tayo dumating. Naroon siya sa pink na kuwarto."
"Pink na kuwarto? Kuwarto ko 'yon, ah."
"Basta, doon ko siya nakita kaya nagmadali akong puntahan siya pero hinarang ako ng mga halimaw. Itong si Erman naman ay late nang nagpahatid ng mensahe sa akin na umuwi na tayo dahil ginamit nila ang chopper sa paghakot ng mga tao na lumipat sa safe house sa Mactan. Hindi kaagad ako nakalabas ng bahay dahil dinumog ako ng mga halimaw. Nang narinig ko ang sigaw mo ay nagpursige na akong makalabas. Mabuti naman at tinulungan ka ni Luke, kung hindi ay baka lulunukin ako ng buo ni lolo Zack," kuwento nito.
Na-distract siya sa pagtawag nitong 'lolo' kay Zack. "Okay. Kalimutan na natin 'yon. Pero pakiusap, huwag mo namang tawaging 'lolo' si Zack," aniya.
Ngunitian siya nito. "Takot ka bang tawagin din kitang 'lola?" biro nito.
Inirapan niya ito. Nang tumahimik ay naiisip na naman niya si Luke. Mamaya'y nagyaya na si Rafael na bumalik na sila sa academy. Pinakiusapan niya ito na huwag nang ikuwento kay Zack ang nangyari, lalo na ang tungkol kay Luke.