NABAGOK sa simyentadong pader ang ulo ni Zack matapos siyang sipain ng naka-bonet na lalaki. Hindi niya ito nakilala dahil balut na balot ang mukha nito at mga mata lamang ang nakikita. Ikiniling niya ang kanyang ulo upang manunbalik ang kanyang kamalayan. Nang papalapit na naman sa kanya ang lalaki ay inihanda niya ang kanyang sarili sa pagsugod rito.
Hindi siya sigurado kung miyembro ito ng black ribbon, pero kakaiba ang lakas nito. Napag-alaman niya na hindi lahat na miyembro ng black ribbon ay mga bampira. Pero ang isang ito ay naisisguro niya na isang bampira dahil sa taglay nitong lakas. Nang makalapit na ito sa kanya may isang dipa ang pagitan ay sinipa niya ito sa dibdib. Tumalsik ito at bumalya ang katawan sa pader.
Sandaling nawalan ng malay ang lalaki. Humakbang siya palapit rito ngunit nang abot kamay na niya ito ay may kung anong matigas na bagay ang tumama sa likuran niya. Pagpihit niya sa kanyang likuran ay namataan niya ang lalaking may hawak na kuwarinta y singkong kalibre at itinututok sa kanya.
"Leave him alone!" marahas na utos nito sa kanya.
"Who are you?"
"No question ask! Just leave him alone!" ulit nito.
Hindi siya nakinig, sa halip ay hinila niya ang kanang braso ng nahihilo pang lalaki na nasa likuran niya. Nagulat siya paglingon niya sa harapan niya ay paparating sa kanya ang balang pinakawalan ng kararating na lalaki. Dagling hinatak niya patayo ang hawak niyang lalaki saka ipingharang sa bala. Nasalo ng dibdib ng lalaki ang bala. Pero nanlaki ang mga mata niya nang nag-bounce lang ang bala sa katawan ng lalaki at mabilis na bumalik sa lalaking nagpakawala niyon.
Tumama sa dibidb ng lalaking di-baril ang bala. Mamaya'y bigla na lang itong bumagsak sa sahig. Hindi pa naka-recover sa nasaksihan si Zack ay nasakal na siya ng kamay ng lalaking katabi niya. Iniangat siya nito sa ere. Hirap na siyang huminga at nahihirapan din siyang magpalit ng anyo.
"Over here!" narinig niyang sigaw ng boses babae.
Hindi siya nakahuma nang bigla siyang suntukin sa sikmura ng lalaki. Sa sobrang lakas ng puwersa nito ay biglang nanilim ang paligid niya.
NANG muling magkamalay si Zack ay wala na sa paligid ang mga nakaengkuwentro niya. Wala na rin doon ang katawan ng lalaking tinamaan ng bala. Nang mamalayan niya na umaapoy na ang paligid ng gusali ay tumakbo siya pababa ng hagdan. May narinig siyang mga tinig na nagsisigawan, umiiyak at natatakot. Sinuong niya ang ga-higanteng apoy para lang mapasok ang isang kuwarto kung saan niya narinig ang tinig ng babae na humihingi ng tulong.
"Tulong!" sigaw na naman ng babae.
Natagpuan niya ito sa sulok ng kuwarto. Umiiyak ito habang yakap ang alaga nitong aso. Nasa mga mata nito ang takot nang lapitan niya. Inialok niya rito ang kanang kamay niya.
"Hold my hand, Miss," sabi niya rito.
Nanginginig ang kamay nito habang inaabot ang kamay niya. Hindi pa rin nito mabitawan ang aso.
"S-si Luke, nasaan si Luke?" nahihibang nang tanong nito.
"Sino siya? Kalimutan mo muna siya! Iligtas mo ang sarili mo!"
"Hindi ako puwedeng umalis hanggat hindi siya bumabalik!" sabi nito.
"Are you crazy? You're about to die here!"
"No!" nagmatigas ito.
Sa inis niyang kinarga niya ito kasama ang pinakamamahal nitong aso. Sinipa niya ang salaming bintana at binali ang window grill. Hindi na pumalag ang babae nang tumalon siya kasama ito. Mabilis silang nakalipat sa tuktok ng kabilang gusali.
Humahagulgol ang babae at bukam-bibig pa rin si Luke. Nang tuluyang tinupok ng apoy ang gusaling pinanggalingan nila ay nagwala ang babae.
"Luke!" sigaw nito.
Awang-awa siya sa babae, na halos hindi na makahinga sa kakaiyak. Hindi niya natiis na tingnan lang ito. Inakay niya ito patayo. Nagulat siya nang bigla itong pumihit sa kanya at yumakap nang mahigpit. Umiyak ito sa kanyang dibdib. Subalit higit niyang ikinagulat ang biglaang pagsikdo ng kanyang puso. Masyado iyong mabilis at malakas.
"Calm down. I'll take you home," sabi na lamang niya rito.
Nang wala na itong mailuha at nakatulala na lang ay dinala na niya ito sa kanilang himpilan.