SUMISIKIP ang dibdib ni Zack, habang pinagmamasdan niya si Janet na tulala habang nakatitig sa machine na nagpo-process ng can goods. Malaki ang ipinayat nito. Bakit nga ba nakatayo lang siya at tinitingnan ito? Tiniis niya ito dahil gusto niyang mabigyan ito ng panahon na makapag-isip kung ano ba talaga ang nais nitong gawin sa buhay. Naisip kasi niya, baka dahil sa biglaang pagdating ni Raven ay na-realize ni Janet na kontento na ito sa anak. Pero lalo lang lumala ang sitwasyon. Hindi pa rin pala handa si Janet na magkapamilya dahil hindi nito kayang ibalanse ang atensiyon sa mga taong mahal nito.
Naiinis siya sa kanyang sarili dahil hindi niya hinabaan ang pasensiya niya kay Raven. Hindi pala dapat siya basta umalis. Nang pumasok si Janet sa opisina ay kaagad niya itong sinundan. Doon niya ito naabutang humahagulgol. Nakaluklok ito sa nag-iisang silya sa tapat ng desk. Nilapitan niya ito habang nakatalikod ito sa kanya.
"I'm sorry," wika niya.
Tumigil ito sa pag-iyak. Tumayo ito sabay harap sa kanya. "Zack!" sambit nito sa ilalim ng pananabik.
Sinugod siya nito ng mahigpit na yakap. Ikinulong naman niya ito sa kanyang bisig. Humagulgol na ulit ito. Pinabayaan muna niya itong umiyak upang mas magkaintindihan sila.
"Enough. Hindi ka matutulungan ng pag-iyak mo," aniya nang pakiramdam niya'y wala nang katapusan ang pag-iyak nito.
"Sorry. Nawala sa isip ko na nandiyan ka pa. Sorry kung nasaktan kita," anito.
Bahagya siyang dumestansiya para makita niya ang mukha nito. Pinahid ng kamay niya ang luha sa pisngi nito. "Tama na. Alam kong hindi mo kakayaning mag-isa ang problema mo. Babawiin natin si Raven kay Luke," sabi niya.
"Salamat at hindi mo binaliwala ang nangyari. Pero ayaw siyang ibigay sa akin ni Luke."
"Hindi talaga niya gagawin iyon, unless, kung sasama ka sa kanya. Noon pa man ay naisip ko na gagawing dahilan ni Luke si Raven para makuha ka. At hindi ako siraulo para hayaan siya sa gusto niya. Nakakalamang lang siya dahil nagagawa niyang kontrolin si Raven. Ayaw kong nakikita kang nahihirapan, kaya kahit masakit din sa side ko na nakikihati ako sa atensiyon mo, handa akong magtiis dahil mahal kita, Janet. Alam ko hindi tatahimik ang relasyon natin kung may gumugulo sa atin. Kailangan mo munang maayos ang problema mo kay Luke. Hindi naman ako makasarili. "
"No, Zack. Hindi ka nakikihati ng atensiyon. Sorry kung nakalimutan kita. Masyado lang kasi akong na-excite sa pagdating ni Raven."
"Naiintindihan ko. Pero paano si Luke? Ayaw ko namang magdiwang kaagad gayung nariyan siya at ipinaglalaban ang karapatan niya. Ayaw kong maging sakim, na por que ako ang pinili mo ay puwede ko na siyang alisan ng karapatan. May pinagsamahan din kayo. Kahit bampira na si Luke ay nasasaktan pa rin siya," aniya.
"Kung may dapat sisihin sa nangyari, siya iyon, dahil naglihim siya sa akin! Kaya hindi niya ako masisi kung kamuhian ko siya."
Nararamdaman niya ang galit ni Janet para kay Luke. Hindi rin niya ito masisi. Ilang taon din itong nagdusa dahil sa nangyari kay Luke, 'tapos sa huli ay malalaman nitong naging biktima rin ito ng pangahas na plano ni Luke, na magkaroon ng anak na makapangyarihang bampira. Kaya dapat lang na hindi siya papayag na makuha ulit ni Luke si Janet. Marami na rin siyang naisakripisyo para mapaibig ito. Hindi niya hahayaang masayang lahat na effort at panahon niya. Kung noon ay kaya niyang pagtakpan ang mga kabiguan niya, ngayon ay hindi na o-obra ang nakasanayan niyang rewtwal upang mabalewala ang sakit na nararamdaman niya.
"Wala akong magagawa kung iyan ang desisyon mo, Janet. Ang mahalaga, hindi ka nagpalinlang kay Luke. Naging desperado lang siya dahil kay Raven. Malakas ang loob niya na makukuha ka niya. Huwag kang mag-alala, hindi ko hahayaang makarating sa Russia si Luke. Nakausap ko na si Dwen, at handa siyang makipagtulungan sa atin. Alam kasi ni Dwen, na kapag umuwi ng Russia si Luke ay papatayin ito ng mga sundalo sa templo. Wala nang patutunguhan si Luke, dahil pinagkakaisahan din siya ng balck ribbon, dahil sa hindi nito pagtupad sa isang pangako na maibibigay niya sa mga ito si Raven," aniya.