Chapter 3

12.4K 435 4
                                    


PAGBALIK ni Zack sa templo ay tapos nang kumain ang bagong kasal. Ayon sa isang security ay umalis ang mga ito para mamasyal. Maaring bukas makalawa ay babalik na ang mga ito sa Pilipinas. Humilab ang sikmura niya matapos ang walang tigil na pagsuyod niya sa mga lugar na umano'y may naglipanang masamang bampira. Ligtas pa ang Germany sa rabia-apocalyse virus kaya payapa pa ang pamumuhay ng mga tao.

Pagpasok niya sa kusina ay nadatnan niya roon si Janet na naghuhugas ng mga gamit na kobyertos. Hagard nang tingnan ang dalaga, siguro dahil sa walang tigil na pagtatrabaho. Mukhang malayo ang nararating ng isip nito dahil hindi man lang nito naramdaman ang presensiya niya. Pinasadahan niya ng tingin ang kabuuan nito. Hapit na pantalong maong lang ang suot nito at putting blouse na hapit din sa katawan nito.

Mainit sa mga mata niya ang ganoong balingkinitang katawan ng isang babae, lalo pa't katamtaman ang pamimintog ng mga hita nito at kaninang umaga pa niya napansin ang malulusog nitong dibdib. Na-distract lang siya sa pakikitungo nito sa kanya, na para bang takot na takot ito sa kanya.

"May pagkain pa ba?" walang abog na tanong niya.

Kamuntik nang mabitawan ng dalaga ang hinuhugasan nitong baso dahil sa labis na pagkagulat. Bigla itong lumingon sa kanya. Pinamutlaan ito ng mukha. Sa pagkakataong ito ay hindi niya puwedeng baliwalain ang masyadong sinsitibong reaksiyon nito. Duda siya na baka may sakit ito sa puso.

"Are you okay, Janet?" tanong niya, habang humahakbang palapit rito.

Tumango ito. Pagkuwa'y binalikan nito ang ginagawa.

"I think you need enough time to rest. Huwag mo nang hintayin kung kailan uuwi ang bagong kasal. Bumalik ka na sa academy para makapagpahinga ka," sabi niya rito.

"Uuwi naman daw po kami mamayang madaling araw," anito.

"Good. Teka, sino pala ang kasama mong napunta rito?"

"Hinatid po ako dito ni Erman. Tinurukan lang niya ako ng pampatulog para hindi mo mamalayan ang paglipat namin dito. Mamayang gabi ay darating si Erman para sunduin ako," sabi nito.

Lumuklok siya sa tapat ng hapag. Binuksan niya ang pagkaing natatakpan sa harapan niya. "Kumain ka na ba?" pagkuwa'y tanong niya rito.

"Mamaya na po," sagot nito.

Tiningnan niya ito. Kaya pala matamlay ang aura nito.

"Mamaya mo nang tapusin iyang ginagawa mo. Kumain ka muna," sabi niya.

"Sandali na lang naman po ito."

"No! Umupo ka dito sa tapat ko at kumain! Inaabuso mo na ang sarili mo!" Kinagalitan na niya ito.

Kunot-noong lumingon sa kanya ang dalaga. Pagkuwa'y naghugas ito ng kamay at kumuha ng plato. Hindi ito makatingin sa kanya habang nagsasalin ng pagkain sa plato nito. Pagkatapos ay umupo ito sa pinakadulong silya sa gawing kaliwa niya na may isang dipa ang agwat sa kanya. Ang weird ng dating nito sa kanya. Wala naman siyang sakit na nakakahawa pero kung makaiwas ito sa kanya ay parang takot.

"Janet, hindi ako ang uri ng bampira na basta na lang nananakmal. Please lumapit ka naman nang kaunti sa akin. Dito sa harapan ko para hindi tayo parang mga bingi na nag-uusap. Come here," hindi natimping sabi niya rito.

Walang imik na sumunod naman ito. Umupo ito sa katapat niyang silya. Halatang minadali ang pagpusod nito sa mahabang buhok dahil nagkalat ang ilang hibla at ang iba'y nakatakip na sa mukha nito. Bihira siya nakakatagpo ng babaeng katulad nito, na parang takot sa lalaki. Gusto niya itong bihisan at imulat ang isip nito sa mga bagay na hindi nito alam.

...Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon