-27-

58.1K 1.8K 228
                                    


MAAGA pa lang ay ginising na ako ni Aly kinabukasan. Halos hindi rin naman ako nakatulog dahil sa nangyari nang nagdaang gabi. Iniisip ko pa rin kung totoo ba ang nangyari o nananaginip lang ako.

Gusto kong paniwalain ang sarili ko na panaginip lang ang nangyari.

Hindi siya umalis. Nasa kwarto lamang niya siya at malamang ay nag-aayos na para sa pagpunta sa Ai's lalo pa't wala pa kaming pasok ulit.

Matapos akong maghilamos at magsepilyo ay bumaba na ako para tumulong sa paghahanda ng almusal. Tahimik lang si Aly habang pinanunuod ang kasambahay namin sa paggawa ng pancakes na lulutuin nito.

"Ayusin ko lang 'yung lamesa..." sabi ko sa kanya bago kumuha ng mga plato na ilalagay sa lamesa.

"Twin, sobra ka ng isa..."

Natigilan ako ng magsalita si Aly. Dahan-dahan akong nag-angat ng tingin sa kanya. "What?" mahinang tanong ko.

"Umalis na kagabi si Jahann. Lumipat siya ng bahay..." sagot naman sa akin ni Aly.

Napatingin ako sa upuan ni Jahann. Katabi iyon ng upuan ko, sa gawing kaliwa ng upuan ni Daddy.

Nananaginip pa rin ba ako?

Umalis ba talaga siya?

"Sayang, maaga kang natulog kagabi. Hindi ka na nakapagpaalam sa kanya," umupo si Aly sa upuan ko. "Ikaw na lumipat sa upuan ni Jahann, ha? Katabi si Daddy, eh. Late pa naman akong laging nakakababa. Baka araw-araw akong masermunan..." ngumiti si Aly sa akin.

"Bakit ako?" mahinang tanong ko sa kanya. Hawak ko pa rin ang isang plato na hindi ko pa nailalagay sa pwesto dapat ni Aly.

"Sige na, Twin. Dito na ako sa upuan mo. At akin na nga yang plato," kinuha nito ang hawak ko at pinaupo ako sa upuan ni Jahann.

"Aly..."

Tumayo naman ito at nagpunta sa kusina.

Napailing ako. "This is just a dream. Nandito pa si Jahann..." mabilis akong tumayo at umakyat papunta sa kwarto ni Jahann.

Nanlalabo na ang mga mata ko.

"Jahann..." kumatok ako sa pinto ng kwarto niya.

"Jahann, open up..." hindi ko na napigilang mapahikbi. "It's me..." isinandal ko ang noo sa pinto. "Nandyan ka, diba?" patuloy pa rin akong kumakatok. "Open up..."

Napahagulgol na ako nang walang sumagot sa akin... kahit ano.

Nanginginig ang kamay na binuksan ko ang pinto ng kwarto ni Jahann. Sinalubong ako ng nakakabinging katahimikan. Ganoon pa rin ang ayos ng kwarto ni Jahann... maliban sa mga gamit sa lamesa nito na wala na roon...

Humakbang ako upang mas makapasok pa sa loob.

Mas lalong lumakas ang pag-iyak ko nang makita ko ang camera na iniregalo ko kay Jahann noon na nakalapag sa gitna ng kama nito. Umupo ako roon at kinuha iyon.

Hindi panaginip ang lahat.

What happened yesterday was real. He left.

He didn't... I pushed him away. I was the reason why he left.

Pilit kong pinatitigil ang sarili ko sa pag-iyak.

Wala akong karapatang umiyak. Wala akong karapatang masaktan dahil sa una sa lahat, ako 'yung nananakit dito. Sinaktan ko si Jahann. Itinulak ko palayo si Jahann...

Wala akong karapatang magreklamo na nasasaktan ako.

Wala akong kahit na sinong mapagsasabihan ng nararamdaman ko...

Played by Fate - Book 1Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon