“TWIN, sasabay ka ba sa akin o hindi?” tanong ni Aly sa akin habang nakatayo siya sa may gilid ng kama ko. Nakaayos na ito para pumasok sa school. Umiling ako bago tumayo. “Alam mo naman na grounded ako, diba? Ihahatid ako ng driver papasok ng school at susunduin,” sagot ko sa kanya. Napasimangot si Aly.“Buti na lang noong naga-grounded ako, dito pa nakatira si Jahann. Nakakalusot pa rin ako kay Dad,” ani Aly bago muling tumingin sa akin. “Sure ka? Pwede naman kasing sabay na tayong pumasok, tapos susunduin ka na lang mamaya,” suhestiyon nito. Muli akong umiling sa kakambal ko. “Hindi na, Aly. I’m fine,” ngumiti ako sa kanya para naman makumbinsi ko siyang ayos lang sa akin ang lahat. Iyon naman ang palagian ko ng ginagawa. Ipakitang ayos lang ang lahat.
“Okay, hindi na ako mamimilit. Pero let Jahann talk to Dad, okay? Malakas si Jahann kay Daddy, eh…” ngumisi na siya bago ako niyakap at lumabas na ng kwarto ko.
Hindi ko masabing totoo ang sinabi ni Aly. Alam kong pantay ang pagmamahal ni Daddy sa aming tatlo. Kaya lamang nagmumukhang malakas si Jahann kay Daddy ay dahil na rin para silang pareho kung mag-isip. Jahann will always be Daddy’s little snob.
Inayos ko na lang ang gamit ko at saka lumabas na rin sa kwarto ko. Naabutan ko pang naroon si Daddy at kausap si Mommy.
“Mom, Dad, alis na po ako,” paalam ko sa kanilang dalawa bago lumapit at humalik sa mga ito. Eversince that incident happened, hindi na ako makatingin halos ng diretso kay Mommy at Daddy. Hindi na rin nawawala ang kaba sa dibdib ko.
“Alright, take care, okay?” nakangiting paalala sa akin ni Mommy.
“Dumiretso ka ng uwi, Cherinna…” ani naman ni Daddy sa akin. Marahan akong tumango bago lumabas. Narinig ko pa ang pagsaway ni Mommy kay Daddy pero hindi ko na narinig ang naging tugon ni Daddy doon. Dumiretso na lamang ako sa sasakyan at nagpahatid na sa school.
I texted Ian already.
Actually, plano ko ngang wag pumasok ngayong araw para kausapin si Ian. I know, a sorry is not enough. It’ll never be enough. Pero kung mas patatagalin ko naman ang relasyon namin, mas masasaktan si Ian. It’s better this way. Kung magagalit siya sa akin, mauunawaan ko naman. Kung ayaw niya na akong makausap pagkatapos, mauunawaan ko rin. Kasalanan ko naman ang lahat ng ito kung tutuusin. Hindi ko na sana dinamay pa si Ian.
Naghihintay kami na mag-green ang light ng traffic lights nang mapatingin ako sa labas ng sasakyan. Napakunot ang noo ko nang makita ko si Ian na nakaupo roon at hawak ang phone nito. Agad ko namang pinagmasdan ang phone ko. Kanina pa ako nagtext sa kanya pero hindi siya nagreply sa akin.
Muli akong tumingin sa labas.
Sigurado naman akong si Ian ang nakaupong iyon. Baka may usapan sila ni Kevyn. Muli akong tumingin kay Ian at napakunot ang noo ko nang may lumapit na babae sa kanya. Hindi ko na masyadong natitigan ang mukha ng babae dahil umandar na rin ang sasakyan.
Sino ‘yung babae? Kapatid ni Ian? Pero wala naman siyang kapatid. Maybe she’s his friend. Napailing na lang ako na sumandal.
May sariling buhay rin naman si Ian. Nang sinagot ko siya, sinabi ko na rin na hindi ko siya papakialaman. Isa pa, tatapusin ko naman na ang relasyon namin ngayon. He deserves to be happy. At hindi ako ang makakapagbigay ng saya na iyon kay Ian. He deserves someone else. Someone better than me. Someone who will love him the way he loves her.
“Ma’am, alas-kwatro po, nandito na ako…” ani ng driver sa akin nang ihinto nito ang sasakyan. Marahan akong tumango. “Sige po,” paalam ko bago kinuha ang gamit ko at bumaba na. Naabutan ko naman si Jahann na nakasandal sa sasakyan nito habang nakakrus ang mga kamay sa dibdib. Tila may hinihintay.