'I WOKE UP AT 1953'
By ChericaezneroL
General Fiction***
UMIIYAK ako. Ilang beses tumulo ang luha ko pero wala akong pakialam. Patuloy akong tumakbo sa masukal na daan hanggang sa nakita ko ang ilaw, isang ilaw galing sa maliit na lente. Nang marating ko ito ay tumingala ako sa liwanag nito. Nasisilawang napaatras ako at doon ko naramdaman ang malakas na puwersa na nagmula sa kung ano. Tumilapon ako sa sobrang lakas nito at bumagsak sa mabatong lupa.
Naramdaman ko ang napakasakit na epekto nito sa akin at nanginginig na sumubok na makatayo. Pero nang ipu-puwesto ko pa lang 'yung kamay ko sa lupa upang i-angat ito ay nahihilong bumagsak din ako ulit. May kung ano ring likido ang unti-unting dumaloy sa aking noo kaya mas lalo akong nanghina.
Bago pa man ako mawalan ng malay ay may narinig akong mga yabag ng paa na papalapit sa akin at may sumigaw sa pangalan ko.
"Odette!"
At tuluyan na akong napapikit.
NANG idilat ko ang mga mata ko ay wala na ang sakit na naramdaman ko kagabi. Hindi ko mawari kung kagabi nga iyon dahil napaka imposible naman kung sa ilang oras lang ay gumaling na ako.
"Mabuti't gising ka na, Allora."
Napalingon ako sa lalakeng biglang pumasok sa kwarto ko. Nang masilayan ko ang lalaki ay napako rin ang tingin ko sa kwartong kinatitirikan ko.
T-Teka, kanino ang kwarto na ito? Hindi ito ang kwarto ko. At lalong lalo na hindi ako si Allora!
Naguguluhang palipat lipat ang tingin ko sa lalake at sa kabuuan ng kwarto, "S-Sino ka? Paano ako napunta dito? Nasaan ako?!" sigaw ko habang tinatakpan ang sarili ko gamit ang malapad at kupas na kumot, doon ko nakitang iba na ang suot kong damit kaya mas lalo akong nag-hysterical sa harapan niya.
"Allora, huminahon ka nga! Dinala kita dito dahil natagpuan kita sa gubat nang walang malay. Ano ba'ng ginagawa mo doon? Hinahanap mo pa rin ba si Sinus?"
"S-Sinus? Sino'ng Sinus? Wala akong kilalang Sinus at hin--teka nga, sino ka ba? Hindi ako si Allora! Odette ang pangalan ko. At hindi ako galing sa gubat, galing ako sa.."
Napahinto ako sa pagsasalita nang mapagtanto ko ang nangyari kagabi. Hindi, hindi puwede. 'Yung mga humahabol sa akin! Kailangang mahuli ang nagtangkang manghalay sa akin kagabi. Kailangan ko nang umuwi! Kailangan ko nang umalis.
Natatarantang tumayo ako at lumayo sa higaan. Hinanap ko 'yung suot kong bag kagabi pero hindi ito nahagip ng aking mga mata.
May pares na kamay ang pumigil sa akin at puwersahang pinihit ako paharap, "Allora, ano ba? Ano ba'ng ginagawa mo? Kumalma ka nga muna!" sigaw nito habang mahigpit na nakahawak sa magkabilang braso ko.
Itinabig ko ito at nakakunot noong sinagot siya, "Nasaan ang bag ko? Kailangan ko nang umalis!"
Mas nagsalubong ang kilay nito at mariing napatitig sa akin, "Anong bag ang sinasabi mo? Wala kang dalang bag nang matagpuan kita. Allora, huminahon ka! Limang araw ka nang walang malay kaya naiintindihan ko kung naguguluhan ka ngayon. Pag-usapan natin 'to ng maayos at mahinahon. Taliwas ang mga hinahanap at pinagsasasabi mo sa naaalala ko."
Nang matapos siyang magsalita ay parang isa-isang nagbalik lahat ang hapding naramdaman ko noong gabing iyon. Biglang sumakit ang aking ulo kaya nanginginig na napakapit ako sa balikat niya bago pa man manlambot 'yung mga tuhod ko't bumagsak.
Mapupungay na mata ang sumalo sa akin, "A-Allora, ayos ka lang ba? Hindi pa yata kaya ng katawan mo, halika't humiga ka ulit. Ba't kasi tumayo ka agad nang nagising ka, siguradong nabigla at nanibago ang katawan mo." malumanay nitong saad at inakay ako palapit sa higaan.
BINABASA MO ANG
Trinkets Of Dreams (Writing Contest)
RandomA One-Shot Story Writing Contest Opened November 2016