Bawat isa sa atin ay may depenisyon ng pagmamahal.
Pagmamahal na tayo lamang ang makakaintindi't makaaalam.
Ngunit ano nga ba ang basehan natin sa sinasabing pag-ibig?
Pag-ibig na nagbibigay ng saya ngunit may hatid din na sakit.
Naaalala mo pa ba, mahal no'ng sinabi ko sa'yong gusto kita?
No'ng kahit ako'y nasasaktan na ay hindi ko ipinakita.
No'ng kahit alam mong hindi pa malalim ang pagkakahulog ko.
Hindi mo ako sinalo o pinigilan, bagkus ay hinayaan mo lamang ako.
Mahal, bakit hinayaan mo lamang ako?
Bakit kabaligtaran ng mga sinabi mo ang 'yong ginawa?
Gusto kita noon pero ngayon ay mahal na.
Mahal, bakit pakiramdam ko ay ayaw mong maniwala?
Bakit pakiramdam ko ay wala ka talagang pakialam?
Na parang pinararating mo na hindi ito pagmamahal, na hindi totoo ang aking nararamdaman sa'yo.
Hindi ba pagmamahal ang paghihintay ko sa'yo?
Ang paghihintay sa araw na maisip mo,
Maisip mong nandito lamang ako't naghihintay...
Naghihintay sa'yo.
Naghihintay sa pagkakataong ibibigay mo. Sa pagkakataong ibinigay mo na sa iba.
Pero ano't binalewala ka nila?
Hindi ba pagmamahal ang pag-aalala ko sa'yo?
Kapag ikaw ay may problema't galit ka sa mundo,
Kapag nakikinig ako sa bawat mong kwento tungkol sa'yo at sa kaniya, kahit na ang sakit-sakit na.
Mahal, hindi ba 'yon pagmamahal sa'yo?
Kung hindi pagmamahal ang nararamdaman ko sa'yo,
Kung hindi ito pagmamahal,
Ano 'to?
Hindi ba pagmamahal ang pagtanggap ko sa bawat mong mali?
Ang pagpili ko sa'yo kahit sabihin nilang hindi, "huwag siya, iba na lang"
Ang pag-intindi ko sa'yo sa t'wing ituturing mo ako gaya ng mga pinahulog mo sa'yo.
Hindi ba pagmamahal ang nararamdaman kong 'to?
Kung hindi ito pagmamahal,
Ano 'to?
Kung hindi ito pagmamahal,
Bakit ako nahihirapan?
Bakit sa dinami-rami ng nariyan at handa akong mahalin ay ikaw at ikaw pa rin ang hinahanap-hanap ko?
Bakit hindi ko magawang kalimutan ka na lamang?
Kung hindi ito pagmamahal,
Bakit nakakayanan kong tiisin ang hapdi sa puso ko?
Sa puso kong pilit binubuo ang sarili niya pero patuloy mong sinisira, dinudurog at ibinabato sa iba.
Kung hindi ito pagmamahal,
Marahil ako ay nahihimbing. Isang bangungot.
Tama, isang bangungot lamang ito at nais ko ng magising.
Pakiusap...
Kung hindi ito pagmamahal,
Ako'y iyong gisingin nang mamulat ako sa realidad kung saan walang ikaw at ako ay ako lamang.
Kung hindi ito pagmamahal,
Palayain mo na lamang ako sa sarili kong kahibangan.
Kung hindi ito pagmamahal,
Tama na, huwag mo na lamang akong paglaruan.
kyeriella