Napaka-mapagbiro talaga ng tadhana.
Pero ang bukod-tanging hindi ko maintindihan ay bakit sa'ting dalawa pa?
Minsan isang gabi'y hindi ako makatulog.
Naaalala... Naaalala na naman kita.
Ang sakit. Ang sakit na makita at malaman, harap-harapan,
Parang kahit anong oras ay pwede na akong masiraan ng bait dahil sa'yo, sa inyo.
Nasa kaniya na ang puso mo pero ang akin ay nakahandog na, hindi mo pa inangkin.
Ang sakit. Sobrang sakit na para na akong mauubusan ng lakas.
Hindi ko na sigurado kung may haharapin pang bukas dahil sa'yo, pero hangga't kaya ko pa,
Hangga't kaya ko pa ay titiisin ko.
Ang sabi mo'y tumatangis ka nang dahil sa kaniya.
Hindi mo na nga yata kakayaning mag-isa dahil siya, siya na ang buhay mo.
Sa kaniya na nga yata umiikot ang mundo mo.
Mahal, mahal na mahal mo siya dahil pagmamahal niya lang ang 'yong nakikita.
Nagkakasama't nagkakatuwaan,
Ayoko ng isipin pa kung ilang beses mo na siyang nahalikan sa labi o maski sa pisngi man 'yan.
Ayoko. Ayoko dahil masakit. Ayoko dahil kahit kaya ko pa,
Ayokong hangga't kaya ko pa, ay gugustuhin ko nang sumuko.
Hangga't kaya ko pa, palalampasin ko.
Hiningi mo ang aking payo sa kung ano ang gagawin mo: ang palayain mo na siya o ang patuloy siyang mahalin?
Masakit. Napakasakit isipin na gano'n siya kahalaga sa'yo pero hangga't kaya ko pa ay nagpanggap ako.
Nagpanggap ako kahit na pareho nating alam ang tunay kong nararamdaman sa'yo.
Alam kong alam mo pero hangga't kaya ko pa, magtitiis ako.
Magtitiis ako kasi mahal kita.
Mahal kita.
Kaya kahit miserable ako, kahit alam kong ako ang talo sa huli,
Hangga't kaya ko pa,
Mamahalin kita nang walang kapalit.
Hangga't kaya ko pa,
Magiging masaya ako para sa'yo.
kyeriella