*Chapter 3: Attraction Confirmed!

2K 22 6
                                        

ALIW NA ALIW si Leslie sa pamimili ng mga damit na bibilhin niya para sa kanyang mga kapatid sa probinsiya. Kasama na rin niyang bibilhan ng damit ang kanyang ina.

Isusukat na sana niya ang isang bestidang kulay pink nang biglang tumunog ang kanyang celfone.

"Leslie, kanina ka pa sinusundan ni Joshua. Nasa labas siya ng kinaroroonan mo ngayon. Nag-aabang-" Boses iyon ni Mang Celso.

"Ha!? Ano-?" Napabulalas niyang sabi. Pambihira naman! Naiinis niyang sabi sa sarili. Kung kelan napasarap na ang kanyang pamimili saka naman siya nadistorbo. Sa dinami-daming mga tao sa mall, bakit pa siya nakita ng binata? Coincidence...? Pero kung kanina pa ito nakasunod sa kanya, bakit hindi na lang ito nagpakita sa kanya? May balak ba itong sundan siya kahit saan siya magpunta? What for-?

"Eh, Mang Celso, ano po ang gagawin ko ngayon? Lalapitan ko siya o tatakasan?" Nalilito niyang tanong dito.

"Sabi ni Boss hayaan mo raw siyang sundan ka. Lumabas kana ngayon diyan at sumakay ka ng taxi. Magpahatid ka sa Marigold Street at bumaba ka sa Grace Apartelle, malapit lang iyon dito. Naghihintay roon si Aling Nelly ang tagapangasiwa roon. Alam na niya kung ano ang gagawin. Mag-panggap ka na doon ka nakatira, room 206 ang unit mo." Mahabang salaysay nito.

"Okay," aniya. Agad niyang binayaran sa cashier ang mga napiling damit. Gusto pa sana niyang mag-shopping pero wala ng oras.

Lumabas siya ng shopping mall na deretso ang tingin at hindi nagpahalata na may sumusunod sa kanya. Gaya ng instruction ni Mang Celso, sumakay siya ng taxi at nagpahatid sa Marigold Street at saka siya pumasok sa gate ng Grace Apartelle. Doon ay sinalubong naman siya ng isang matandang babae na siyang caretaker ng apartelle.

"Leslie, nandito ka na pala. Mukhang marami kang nabili ngayon, ah." Kaswal na komento nito na para bang matagal na silang magkakilala. Inabot nito sa kanya ang susi ng unit 206. Nang tumingala siya sa second floor ng apartelle, nasa pinakadulo ang unit na iyon.

"Salamat po Aling Nelly. Pasensiya na po sa biglaan kong pagdating..." aniya.

Biglang tumunog ang doorbell  sa labas ng gate, may tao sa labas.

"Dito ka lang muna at titingnan ko kung sino ang dumating." Humakbang na papuntang gate ang ale.

Pumuwesto naman siya sa isa sa mga upuang naroon na nakahilera sa bulwagan ng apartelle. Anim ang silyang napalibot sa isang round table na yari sa kahoy. Napailalim ito sa isang di gaanong kalakihang puno ng mangga na kasalukuyang namumulaklak. Ipinatong niya ang mga pinamili sa ibabaw ng mesa. Binuklat niya ang bagong kabibili lang na Metro Magazine  at nagkunwaring nagi-enjoy sa pagbabasa.

Narinig niyang nabuksan ang maliit na tarangkahan sa may gate. Nag-angat siya ng tangin. Si Joshua pala ang panauhin. Rumehestro kaagad ang pagkabigla sa kanyang mukha sa biglaang pagpapakita nito. Sana epektib ang akting ko...dalangin niya.

Nakangiting lumapit sa kanyang kinaroroonan ang binata.

Pabilis nang pabilis ang pintig ng kanyang puso. Nakaramdam siya ng strange excitement na lumukob sa kabuuan ng kanyang katauhan. Oh boy...this is it!

  "Leslie, hinanap ka nitong guwapong binata, kakilala mo raw siya. Mukha namang mapagkatiwalaan ang mukha kaya pinapasok ko na," anang matanda.  

"J-joshua, bakit nandito ka? Paano mo ako nasundan dito?" agad niyang tanong dito.

"H-hi Leslie..." Bati ng binata sa kanya na ang mga mata ay nakatutok agad sa kanyang mukha, sabay upo sa silyang katabi ng dalaga.

"Sige, iiwanan ko na muna kayo at may gagawin pa ako sa kusina." Nakangiting sabi ng ale habang humakbang na palayo.

"Salamat po,  Manang, " wika ng lalaki sa papalayong ale. Tumikhim ito, sabay hinalikan sa kaliwang bahagi ng pisngi ang katabing dalaga. " Musta ka na?" anitong nakangiti.

Kapantay Mo Ay Langit (On Going)Mga kuwentong kahuhumalingan mo. Tumuklas ngayon