ANG akala ni Erman ay matutuwa si Rena sa ginawa niyang pagpaslang kay Ruki, ang day walker vampire na bumihag rito. Pero lalong nagalit ang dalaga. Hindi niya maintindihan, magmula noong madalas itong sumasama sa kanya sa mga operasyon ay palagi nang mainit ang ulo nito. Hindi pa sila nag-aaway ni minsan.
Pinabayaan na muna niya ito. Baka kung sasabayan niya ang init ng ulo nito ay lalong lumala ang sitwasyon. Tatlong taon na silang magkasintahan, at sa loob ng mga taong iyon ay nagging masaya siya at ganoon din ito. Kaya kahit anong pagbabago pa ang ipakita nito ay buo ang tiwala niya na hindi basta matatapos ang relasyon nila.
Isang oras nang nakatambay sa food center si Erman pero wala pa rin si Rena. Nakahanda na ang mga pagkain sa paborito nilang mesa. Alas-onse na ng gabi kaya wala na masyadong tumatambay sa lugar na iyon. Tahimik ang paligid nang biglang dumating si Symon at Rafael. As usual, nagtatawanan ang dalawa. Kabisado na niya ang mga ito. Kahit madalas nag-aasaran at nagkapikunan ay dikit pa rin sa isa't-isa. Hindi niya alam kung kailan nagsimula ang closeness ng dalawa.
Huminto ang mga ito sa tabi niya at doon nag-asaran.
"Nakakagutom pala ang pagsasarili," sabi ni Symon.
Natawa siya roon. Hindi niya napigil ang sarili na sumabad sa usapan ng dalawa. "Nakakita ka na naman ng hot legs, ano?" aniya.
"Alam mo na, 'yon, Man," si Rafael. Kinindatan siya nito.
"Ayos, ah! Ikaw na ang virgin na manyak!" sabi niya sabay humalakhak.
"Shut up, idiots! Parang hindi kayo dumadating sa punto na naiinitan," napipikong sabi ni Symon.
Tinapik ni Rafael ang kanang braso ni Symon.
"Symon, sasabihin ko na ba kay Rebbeca na nagagandahan ka sa katawan niya?" tanong nit okay Symon.
Nagtagis ang bagang ni Symon. Pinalakhan nito ng mga mata si Rafael at inambahan ng suntok. "Tarantado! Gusto mo ipalunok ko sa 'yo 'tong kamao ko? Kapag nakarating 'to kay Mommy, malilintikan ako!" galit nitong sabi.
Humalakhak si Rafael. "Ano ba ang lasa ng kamao mo? Hindi ko pa natitikman 'yan," sarkastikong sabi nito.
"Kasing sarap ito ng labi ni Charie. Kailangan niyang malaman na ikaw ang nagnakaw ng halik sa kanya noong namatay ang ilaw kagabi," ganti ni Symon.
Hindi pa nakahuma si Rafael ay biglang sumulpot si Charie kasama si Rebbeca. "Ikaw 'yon, Rafael?" gulat na tanong nito.
Napatitig din si Erman kay Charie. Nakakahiya ang senaryong iyon para kay Rafael. Pero sa pagkakilala niya sa binata ay hindi ito ang tipo na ikahihiya ang nangyari, bagkus ay maninindigan pa ito. Manang-mana ito sa tatay nitong kasing bagsik ng lion.
Nasaksihan niya kung paanong pasimpleng binatukan ni Rafael si Symon. Pero wala sa hitsura ni Rafael ang pagkapahiya o napipikon.
"Bibinggo ka sa akin mamaya, Mon," paangil na sabi nito sa nakangising si Symon. Pagkuwa'y naglakad ito palapit kay Charie.
Si Rebbeca na nasa likuran ni Charie ay nanginginig na sa sobrang kilig. Samantalang napuna niya si Symon na nakasulyap madalas sa kinikilig na babae. Doon siya na-excite. Sa malagkit na titig ni Symon sa nahuling babae. Kakaiba rin itong bumanat si Symon, parang ahas, patago kung umatake.
"Eh, ano naman kung ako? Ipapakulong mo na ba ako sa kasong pagnanakaw ng halik?" sapagkuwa'y pilyong sabi ni Rafael kay Charie.
Natigagal si Charie.
"Ayiiie!" hindi natimping sigaw ni Rebbeca.
Kitang-kita ni Erman ang pamumula ng mukha ni Charie.