NAKATULOG si Rena at hindi niya alam kung paano siya napunta sa kuwarto niya. Wala siyang maalala. Paggising niya ay katabi niya sa kama si Erman. Nagising si Erman nang siguro'y maramdaman ang paggalaw niya.
"A-anong nangyari?" tanong niya.
Umupo ito. Hubad-baro ito. "Hirap kang huminga sa kakaiyak kaya pinatulog kita," sabi nito.
"Ilang oras na akong natutulog?"
"May apat na oras din."
"Si Mama!" Bumalikwas siya ng bangon.
"Okay na siya," sabi ni Erman.
Nilingon niya ang binata. Nakatayo na ito at nagsusuot ng damit. "Kailangan lang niya ng mahabang pahinga. And I think you need a rest too. Masyado ka nang stress at siguro hindi nasasapat ang naiinom mong dugo. Halika, doon tayo kakain sa food center," sabi nito.
Inakbayan siya nito at sabay na silang lumabas. Pagdating nila sa food center ay maraming estudyante'ng kumakain. Huminto sa paghakbang si Rena nang mamataan niya ang pamilyar na dalagita. Hindi lamang niya maalala kung saan niya ito nakita. Hindi niya inaasahan na sa puwesto ng dalagita sila pupunta ni Erman. May kasamang babae ang dalagita, siguro'y mas matanda rito.
"Hi, kuya Erman!" nakangiting bati ng dalagita kay Erman.
Ngumiti si Erman. Pagkuwa'y tiningnan siya nito. "Siya pala si Angelica, Rena. At ang kasama niya ay si Charmaine. Mga bagong estudyante sila ng academy," pakilala ni Erman sa dalawa.
Naalala na niya, si Angelica ang kasama ni Torn sa panaginip niya.
"Hi, Ate Rena!" masiglang bati sa kanya ni Angelica. Si Charmaine naman ay tipid ang ngiti sa kanya.
"Nice to meet you both," sabi niya sa mga ito.
Tiningnan niy ang bagkain ng dalawa, si Charmaine ay kumakain ng kanin at ulam. Pero si Angelica ay blood juice lang ang sinisimsim. Alam na niya na bampira ito.
"Wait lang, Rena, kukuha ako ng blood juice mo," apila ni Erman. Iniwan sila nito.
Biglang tumahimik sa mesa nila. Napansin niya na panay ang lingon ni Angelica sa gawing kanan nito kung saan may bakanteng silya. Minsan pa'y nakangiti ito. Wala naman itong nginingitian. Napatingin siya sa bakanting silya, bigla kasi iyong umisod paatras at kaagad ding bumalik. Tiningnan niya si Angelica na tila may sinundan ng tingin hanggang sa pinto. Sandali siyang kinilabutan. Pero parang siya lang ang nakapansin sa silya at ang dalawang kasama niya ay walang pakialam.
May isang oras ang nakalipas bago nakabalik si Erman. Dala na nito ang dalawang baso ng blood juice. Umalis na si Charmaine at Angelica. May klase pa raw ang mga ito.
"Pasensiya na natagalan ako. May kinausap pa kasi akong kaibigan," sabi ni Erman.
"Okay lang," aniya saka sabik na nilagok ang laman ng baso niya. Ilang araw na rin siyang hindi nakakainom ng dugo kaya siguro nanghihina siya. Mabango pa rin sa kanya ang mga tao.
Dumating pa ang second batch ng mga estudiyante halos mapuno na ang food center. Narinig na niya ang galit na tinig ni Rebecca, siguro'y nakukulitan na sa mga binatilyong estudyante.
"Mag-aaral ulit ako, Rena. Para maipasa ko na lahat ng exam na binibigay ng matataas na opisyales ng mga maharlikang bampira," mamaya'y sabi ni Erman.
"Talaga?" Sumigla siya dahil sa sinabi nito. Patunay lang iyon na desidido itong pakasalan siya.
"Pero sabi mo nga, hindi pa rin tayo puwedeng ikasal dahil engaged ako kay Rios," malungkot na sabi niya.
"Nakausap ko si Tito Dario, maaring mawalang-bisa ang engagement ninyo ni Rios kapag nalagpasan ko ang halaga ng donasyon niya sa Panginoon ng mga dark blood vampire. Ibig sabihin, kung ano man ang donasyon na inialay niya sa Panginoon namin para sa pagpapakasal niya, kailangan ko iyong higitan. Kailangan ko munang alamin kung ano ang donasyon niya para makapag-isip ako ng mas mataas ang halaga roon. Parang sa mga maharlikang katutubo, kung sino ang may pinakamalaking dore ay siya ang mapalad na maikasal sa anak ng mga ito. Kapag nahigitan ko ang donasyon ni Rios, papayag na ang Panginoon ng mga maharlikang bampira na sa akin ka maikasal," paliwanag ni Erman.