TINITIGAN lang ni Rena ang babaeng pumasok. Pamilyar ito sa kanya pero hindi niya maalala kung saan niya ito nakita. Nakasuot ito ng maong na pantalon at puting coat. Naisip niya, baka doctor ito.
"Hi, Rena! Ako si Charie. Malamang hindi mo ako naaalala. Sinusundo kita. Kailangan mong pumunta sa laboratory two," nakangiting sabi nito.
Walang imik na sumunod naman siya dito.
Naglalakad sila sa pasilyo nang masalubong nila ang pamilyar na lalaki. Matalim ang pagkakatitig nito sa kanya. May pakiramdam siya na kilala niya ito. Lmagpas na sila rito pero panay ang lingon niya sa lalaki. Ni hindi ito lumingon sa kanya.
"Sino 'yon, Charie? Bakit ang sama ng tingin niya sa akin?" tanong niya sa kasama.
Tiningnan lang siya ni Charie. Hindi ito umimik hanggang sa makarating sila sa laboratory 2. Bumungad sa kanya ang sandamakmak na higanteng incubator at mga laboratory equipment. Sinalubong siya ng isa pang magandang babae. Namumukhaan niya ito.
"Welcome back, Rena! Ako si Narian," pakilala kaagad nito.
May nangyari siguro sa kanya kaya hindi niya nakikilala ang mga ito. Ngumiti lang siya. Iginiya siya ni Narian papasok sa isang maliit na kuwarto. Isang matangkad na lalaki na nakasuot ng puting coat ang nadatnan nila. May hawak itong malaking injection.
Pinaupo siya ni Narian sa gilid ng kama. Pagkuwa'y hinubad nito ang hospital gown niya. "Bakit mo ako hinuhubatran?!" asik niya.
"Sssshh... huwag kang mahiya. Sanay na si Doc. Sandro sa katawan ng mga babae. Relax ka lang diyan, baby," sabi nito.
Wala siyang saplot sa katawan nang pinahiga siya ni Narian sa kama. Lumapit sa kanila ang guwapong doctor.
"Narian?" takang untag ng lalaki kay Narian.
"Yes, Doc?" napalingong sagot ng dalaga.
"Bakit ikaw ang nag-a-asist? Nasaan si Charie?" kunot-noong tanong ng lalaki.
"Ah, e tinutulungan niya si Rafael doon sa nagwawalang halimaw. Huwag kang mag-alala, Doc. Nakapag-aral ako ng two years Medical Technology bago naging pulis."
"Huwag ka masyadong magaslaw rito, baka makabasag ka," sabi ng guwapong doctor.
"Gusto mo ba mahinhin, Doc? Babagalan ko na lang ang kilos ko," sabi pa ni Narian.
Pero mukhang hindi naman napipikon si Alessandro. Hindi na ito kumibo. Inihanda na ni Rena ang sarili sa pagtusok ng malaking karayom sa kanang braso niya. Makirot at naramdaman niya ang pagdaloy ng mainit na likiko sa mga ugat niya.
Makalipas ang ilang sandali ay biglang nanginig ang mga kalamnan niya. Nanunuyot ang lalamunan niya. Mainit ang pakiramdam niya sa kanyang katawan. Paglapit ulit ng doctor ay may hawak na itong isang baso ng pulang likido. Sa kabilang kamay nito ay may hawak na test tube na may lmang kulay berdeng likido.
Pinahawak nito kay Narian ang baso ng pulang likido. Pagkuwa'y pinatakan nito ng berdeng likido ang puson niya.
"Aaaahh!" sigaw niya nang pakiramdam niya'y nabubutas sa sobrang init ang tiyan niya. Gusto niyang pumiglas ngunit namanhid na ang buong katawan niya. Nanlaki ang mga mata niya nang pagtingin niya sa tiyan niya ay nagkaroon ng malaking butas roon. Umuusok ito. Hindi na niya maramdaman ang sakit.
May maliit na tabletang kulay itim na inilagay ang doctor sa butas ng tiya niya. Pagkatapos ay mabilis na kumipot ang butas hanggang sa tuluyang mawala. Kinuha naman ng doctor ang baso ng pulang likido saka pinatakan ng kaunti ang hintuturo nito.