MASAYA si Rena dahil sa kabila ng mga pinangangambahang banta ni Rios ay nakikita na niya'ng puno ng determinasyon si Erman. Purgirido ito sa pag-aaral. Nagkaisa ang matataas na opisyales ng organisasyon para mabigyan sila ni Erman ng proteksiyon. Kahit sinabi ng mga ito na hindi lubos na mapipigil ng mga ito ang banta ni Rios, buo naman ang loob niya na magtatagumpay sila.
Unti-unti na ring nakaka-recover ang mama niya, pero limitado pa rin ang oras ng pakikipag-usap niya rito. At least kahit papano ay nalaman na niya ang katotohanan tungkol sa kanyang ama. Kaya hindi siya magtataka kung bakit ganoon na lang ang trato sa kanya ng kinalakhan niyang ama.
Busy sa pag-aaral si Erman at sa mga pagsusulit na ibinibigay rito ng nakakataas na opisyales ng maharlikang bampira. At sa ikawalang gabi na mag-isa lang siya sa kanyang kuwarto ay hindi siya kaagad nakatulog dahil pakiramdam niya'y sinisigaan ang katawan niya. Naligo na siya ng malamig na tubig pero mainit pa rin ang pakiramdam niya.
Humiga siya sa kama at pinilit makatulog. Antok na antok na siya pero hindi siya makatulog. Mamaya'y para siyang nakakalimot, hanggang sa blanko na ang isip niya.
Kumislot si Rena nang maramdaman niya na may mainit na bagay na humahaplos sa pisngi niya. Pagmulat niya ng mga mata ay mukha ng lalaki ang nakita niya. Hindi niya ito kilala pero may kakaibang reaksiyon ang puso niya.
Paglinga niya sa paligid ay wala na siya sa loob ng kuwarto, kundi sa isang kagubatan na tanging nagsisilbing liwanag ay ang bilog na buwan. Nakahiga siya sa lupa. Inilahad ng lalaki ang kanang kamay sa kanya.
"Hold my hand, please," sabi nito.
Umupo siya, pero hindi siya humawak sa kamay nito. Nakatitig lang siya sa maamong mukha nito. Madilim ang aura nito, siguro dahil sa pulos itim nitong kasuutan at ga-leeg nitong itim at kulot na buhok. May maganda itong mukha, pero dahil sa mapulang eyeballs nito ay alam niya na bampira ito.
"Who are you?" tanong niya.
"Just hold my hand, no question ask," demanding na sabi nito.
Dahandahang inaabot niya ang kamay nito, ngunit nang maglalapat na ang kamay niya sa palad nito ay biglang kumirot ang sikmura niya. Sa halip na hawakan ang kamay nito ay sa puson niya siya humawak dahil sa kirot.
"Argh!" daing niya.
Nagulat siya nang biglang humaba ang mga kuku ng lalaki. Nag-iba ang anyo nito. Naglabasan ang malalaking ugat sa mukha at leeg nito at tumubo ang mahahaba nitong pangil.
"If I would not have your body and soul; must better you die!" asik nito at bigla nitong kinalmot ang tiyan niya.
"Uhh!" sigaw ni Rena.
Bumalikwas siya ng upo.
"Hey, what's wrong?" tanong ni Erman na nasa tabi niya at napaupo rin. Hubad baro ito.
Nang makita niya ito ay bigla siyang yumakap rito. Mabilis pa rin ang tibok ng puso niya. Hinahapo siya. Nagpapasalamat siya dahil panaginip lang ang nangyari.
"I have a bad dream," sumbong niya sa binata pagkakalas niya rito.
Ikinulong nito ang mukha niya sa mga palad nito. "Don't mind that bad dream. That's only a dream," sabi nito.
"Pero para siyang totoo. Dati, boses lang ng lalaki ang naririnig ko, ngayon, nakikita ko na siya sa panaginip," aniya.
"Sinong lalaki?"
"Hindi ko siya kilala."
"Baka si Rios 'yon," hula nito.
Iyon din ang iniisip niya.