All Apologies

2.2K 110 5
                                    




                 

"Happiness is not something ready made. It comes from you own actions.-Dalai Lama"

***

Hindi ako nakatulog ng maayos.

Nang iniwan ako ni Arizona sa parking lot ng walang paalam, gusto ko siyang habulin.

Pero kahit gaano karomantic ang eksena sa isip ko, hindi pwede.

Masyadong obvious kung hahabulin ko ang kotseng sinasakyan niya.

Kaya hayun, naiwan ako na nakatingin lang sa kotse habang papalayo ito.

Lumingon kaya siya para makita niya na mukha akong nalugi?

Kung hindi man, wala akong dapat ikagulat.

Alam ko ang ugali niya.

Hindi niya tinatago ang nararamdaman niya.

Kung naiinis siya, nagdadabog.

Kung inaaway, gumaganti.

Kahit pa iniisip ko na sana maging understanding siya sa akin dahil sa girlfriend niya ako, daig ko pa ang humihingi ng milagro.

Habang naglalakad pauwi, inisip ko kung paano ako makakasama sa lakad namin bukas.

Totoo naman ang sinabi ko na hindi pa din ako tinatantanan ni Nanay tungkol sa sapatos.

Dahil sa pangungulit niya, hindi ako makapagconcentrate sa pagrereview.

Kahit sinabihan na siya ni Tatay na pabayaan na lang ang lahat at huwag na masyadong bigyan ng kulay ang ginawa ni Arizona, wala pa din itong tigil sa katatalak na nakakahiya ang nangyari.

"Bukal naman sa loob mo na tulungan siyang mag-aral di ba? Bakit kailangan bigyan ka pa ng sapatos?"

Nanahimik na lang ako dahil sa totoo lang, nakukulili na ang tenga ko sa paulit-ulit na pagtatanong niya.

Nakokonsensiya na din ako.

Hindi ko pwedeng sabihin ang tunay na dahilan dahil siguradong lagot ako kapag nalaman nila ang tungkol sa amin.

Baka sa mukha ko dumapo ang sapatos na binigay ni Arizona.

***

Bago ako natulog, sinabi ko kay Tatay na hindi ako pinayagan ni Nanay na manood ang sine kasama ang mga Warriors.

Sa sagot niya, mukhang nag-usap na silang dalawa.

"Pasensiya ka na, anak, at napagastos tayo sa repair ng jeep."

Kahit sinabi ko sa kanya na meron naman akong pera, hindi pa din ito nakumbinsi.

"Kausapin mo ulit ang Nanay mo," iyon lang ang naipayo niya sa akin.

***

Nasa kusina si Nanay at hinuhugasan ang mga pinagkainan.

Kahit alam ko na ang sagot niya, naglakas-loob pa din ako dahil sa gusto ko ding sumama sa mga Warriors.

Sa loob ng apat na taon na magkakasama kami, bihira akong pumayag kapag meron silang gala.

Bukod sa alam ko na hindi papayag si Nanay dahil mas gusto nito na makapagpahinga ako pagkatapos ng practice, mas iniisip ko na ipunin na lang ang perang pambili ng ticket at popcorn.

Maliit lang naman ang kita ni Tatay sa pamamasada at kapag may sira ang jeep, lalo kaming kinakapos.

Napansin ni Nanay na nakatayo ako sa gilid at tinigil nito ang pagkukuskos ng kalderong pinaglutuan niya ng adobong sitaw.

Arizona DreamingTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon