"ANO'NG ginagawa mo rito?" tanong ni Kaykay kay Zeus. Kakatapos niya lang gawin ang kanyang lesson plan. Palabas na siya sa faculty room nang makita niya ang binata na naka-upo sa lobby kaya nilapitan niya ito.
"Sinusundo ka. Tumawag kasi si Mama at sinabi niyang doon ka raw sa bahay maghapunan kasi may importante yata siyang sasabihin," tugon nito.
Napataas ang isang kilay niya. "Sana tinext mo na lang ako kasi kaya ko namang pumunta sa bahay ninyo na mag-isa."
"Bakit kailangan mo pang pumunta mag-isa kung puwede namang magkasama na tayo."
Hindi alam ni Kaykay kung namutla ba siya o namula dahil sa sinabi ni Zeus. Simula pagkabata ay palagi na silang magkasama at ng iilan pa niyang pinsan pero hindi pa rin siya sanay sa mga salitang binibitawan nito. Masyado itong matamis kung magsalita. Kaya walang duda kung maraming babae ang nagkakandarapa rito. Minsan nga noong doon ito natulog sa kanila, hindi siya nakatulog nang maayos dahil panay ang tawag ng mga babae nito. Hanggang mag-alas tres ng madaling araw ay nag-uusap pa ang mga ito.
Inaamin niyang gwapo naman talaga si Zeus, malakas ang dating nito at macho, walang duda roon. Nakadagdag rin sa appeal nito ang pagiging mapag-biro. Hindi na siya nagtataka kung bakit madali itong makagaanan ng loob.
"Bakit? Wala kang ka-date ngayon?" tanong niya rito habang palabas sila sa campus.
"Pupunta ba ako rito kung mayroon?"
"Sigurado ka?"
"Nang-aasar ka ba?" tila naiinis na wika nito.
"Hindi kasi ako makapaniwala, eh. Sigurado ka bang wala kang date ngayon o baka nakalimutan mo lang?" tanong ulit niya.
"Obvious ba?"
"As in wala?"
"Sige, ipagdiinan mo pa," sabi nito.
Tumahimik na lang si Kaykay nang makita ang gusot na mukha ni Zeus. Nakita niyang humugot ito ng malalim na hininga bago binuksan ang pinto ng sasakyan nito.
Pumasok siya sa loob at hindi na nagsalita.
"Bakit kayong mga babae kapag nililigawan ang dami ninyong arte? Kapag hindi naman namin kayo pinapansin, nagagalit kayo? Anong klaseng chromosome mayroon kayo sa katawan?" tanong sa kanya ni Zeus habang nasa biyahe sila.
She can't help but laugh. "Nakakita ka na ng katapat mo, ano? Well, XX chromosome kaming mga babae. At hindi iyon bacteria sa katawan, iyon ang nagde-determine ng gender ng isang tao."
"Kung gano'n, anong klase ng bacteria? Salmonella, lactobacillus?"
"Ewan ko sa 'yo. Ano ba kasi ang problema mo?" tanong niya.
"Si Camille," malungkot na banggit nito sa pangalan ng babae. Co-teacher niya ito sa isang public high school kung saan siya nagtuturo. Camille was beautiful, smart and petite. Hindi na siya nagtataka kung bakit nagustuhan ito ni Zeus.
"Ano ang problema sa kanya?"
"Hindi siya naniniwala sa mga sinasabi ko," himutok nito.
"Aba, ang galing naman niya. Sana lahat ng babae ay kagaya niya. Matalino at marunong tumingin sa lalaki kung inuuto lang ba siya o hindi," komento niya.
"Gusto mong ihulog kita rito sa gitna ng kalsada?" sikmat sa kanya ni Zeus.
"Eh, nagbibiro lang ako. Kasi naman, siguro feeling niya ay inuuto mo lang siya---"
"Hindi ko siya inuuto," depensa nito sa sarili.
"Alam mo, Biology teacher ako, hindi love guru. Pero 'yang mga hirit at diskarte mo kasi ay hindi kapani-paniwala, eh. Kumbaga sa parte ng katawan ng tao, bulok na."
BINABASA MO ANG
ZEUS: THE ATHEIST GAMER ( CLASH OF CRUSHES: TRILOGY 1) BY: SHINDER23
Romance"Naka-diaper pa lamang tayo, alam kong ikaw na ang nakatadhana para sa akin." Hiniling ng kanyang tiyahin kay Kaykay na baguhin ang ampon ng mga ito na si Zeus. Masyado kasing arogante ang lalaki. Hindi ito pumupunta sa simbahan. Dakila rin itong ta...