CHAPTER 10:

387 12 0
                                    

NAGING representative si Kaykay ng paaralan nila para sa isang seminar na gaganapin Cebu sa loob ng limang
araw. Pero tutol doon si Zeus. Ayaw siya nitong payagan.
Sinabi nito na umatras na lang siya at iba na lang ang gumawa niyon.

"Mabilis lang naman 'yong limang araw. Huwag mo lang akong laging isipin, 'di mo mapapansin na bumalik na pala ako." Niyakap niya ito para kahit papaano ay gumaan ang pakiramdam nito.

"Sasama na lang ako sa 'yo," sabi nito habang hinahaplos ang braso niya.

"Hindi rin kita maaasikaso habang nandoon ka."

Frustrated itong kumalas sa kanya. Naiintindihan naman niya ito. Ilang araw pa nga lang silang magnobyo, maghihiwalay pa sila.

"Dadalhan na lang ng pasalubong. Ano ang gusto mo?"

"Ikaw ang gusto ko."

"Zeus naman, eh. Sandali lang naman ako---"

"Okay. Pero huwag na huwag kang titingin sa ibang lalaki doon, ha?" Hinalikan siya nito sa pisngi.

Kinurot niya ito sa braso. "Tulungan mo na lang akong mag-impake."

Kinaumagahan ay hinatid siya ni Zeus sa airport. Nahiya naman siya sa mga co-teachers niya dahil sa panunudyo ng mga ito. Kilala na ng mga ito si Zeus dahil ito ang naghahatid at sumusundo sa kanya sa eskwelahan.

"Seryoso nga talaga 'yang boyfriend mo sa 'yo. Imagine, hinatid ka pa niya rito," komento ng isang kasamahan nila.

"Kung ako sa 'yo, Kay, isasama ko na iyan sa Cebu. Nakakatakot na baka kapag wala ako, may ibang umagaw diyan," wika naman ng isa pa.

Narinig iyon lahat ni Zeus. Gayunpaman, hindi naman ito nagkomento. Nakatingin lang ito sa kanya.

NASA HOTEL na kung saan sina Kaykay tutuloy sa loob ng limang araw. Pagkabukas niya ng cell phone ay hindi na siya nagtaka kung halos mapuno ng mensahe ni Zeus ang inbox niya. Nalulungkot din naman siya dahil nagsisimula pa nga lang ang love story nila, naghiwalay pa sila ng limang araw.

Nang buksan niya ang kanyang Facebook ay nagulat pa siya dahil online rin si Zeus. Pinadalhan siya nito ng mensahe.

Zeus: Nakakalungkot. Nandito ako ngayon sa loob ng room mo kasi ang dami nating alaala rito. Para kasi sa akin, hindi semento ang dingding nito, kundi mga memories natin.

Kaykay: Ha-ha! Ang korni mo talaga.

Natuwa siya dahil dinadaan nito sa biro ang lungkot na nadarama.

Zeus: Korni na kung korni. Basta mahal kita.

Kaykay: Ano'ng ginagawa mo diyan ngayon?"

Zeus: Miss na kita.

Natawa si Kaykay. Iba ang tanong niya ngunit iba rin ang sagot nito. Nagpadala na lang siya ng mensahe na "I love you" rito para matapos na ang pag-emote nito. Pinapatawag na kasi sila para pumunta sa venue ng seminar.

Iyon na yata ang pinaka-malungkot na araw ni Kaykay sa Cebu. Pansamantala niyang nakakalimutan si Zeus kapag nasa seminar sila. Tatlong araw na sila sa Cebu. Pero ang isang araw ay katumbas na yata ng isang buwan. Sobra na niyang miss si Zeus. Kung puwede lang sanang hilahin niya ang araw ay gagawin niya.

Pero nagtaka si Kaykay pagkagising niya na wala man lang siyang natanggap na kahit isang mensahe galing kay Zeus. Ch-in-eck niya rin ang kanyang Facebook pero wala ring mensahe. Nang tingnan niya ang profile ni Zeus ay naka-online naman ito. Nagpadala na lang siya ng mensahe rito bago maligo. Pagbalik niya ay walang reply mula rito. Napabuntong-hininga siya. Ano kaya ang nangyari at hindi ito nag-reply sa kanya?

HAPON NA nang makabalik sina Kaykay sa hotel. Kaagad niyang kinuha ang kanyang cell phone, ngunit nadismaya siya nang wala pa ring mensahe galing kay Zeus. Napilitan siyang i-text si Marie para makibalita.

Nalaman niyang lasing na lasing daw si Zeus. Buong araw daw itong uminom at hindi ito makausap.

Nagtaka siya. Ano kaya ang problema nito? Sinubukan niya itong tawagan, pero ring lang nang ring ang cell phone nito. She sighed. Isang araw na lang at uuwi na sila. Kakausapin na lang niya ito ng personal.

Nagpapasalamat siya at natapos na ang seminar nila. Dumeretso siya sa bahay ng tita niya dahil gusto niyang makita si Zeus. Simula kasi nang maging sila ay bumalik na ito sa bahay ng tita niya. Hindi magandang tingnan na magnobyo sila tapos magkasama sila sa iisang bubong.

Pero nagulat siya nang madatnan si Camille sa bahay ng tita niya. Ngumiti siya rito. Alanganin naman itong gumanti sa kanya.

"Nandito ba si tita?" tanong niya rito.

Hindi ito sumagot. Nagbaba ito ng tingin. Noon dumating si Zeus galing sa kusina. May dala itong juice. Parang natigilan ito nang makita siya. The look in his face was different from last days, like he was in pain...and anger. Iyong parang nasasaktan ito pero parang nilalabanan nito iyon.

"Hi," bati niya rito.

Hindi ito nagsalita. Umupo ito sa tabi ni Camille, saka ibinigay rito ang juice. Napakurap siya. Nanikip ang dibdib niya. Kaya pala hindi nito sinasagot ang mga tawag at text niya, dahil may ibang babae pala itong kasama. Mga walang-hiya! Halos alam ng lahat sa campus na sila ni Zeus, pagkatapos ngayon ay iba na pala ang kasama nito.

Paano nito nagawa ang ganitong bagay sa kanya? Kahit hindi niya tanungin ito, alam na niya kung ano ang nangyayari. Bakit kailangan pang magkahawak ang kamay nito at ni Camille?

Bago pa tuluyang tumulo ang mga luha niya ay tumalikod na siya. No words can explain the tearing sensation in her heart.

Nakalabas na siya sa gate nang tuluyang namalisbis ang mga luha niya. Inabot pa siya ng halos sampung minuto bago may dumaang sasakyan. Tila nakiramay ang mundo sa sugatan niyang puso.

Dapat pala ay hindi siya nagpadala sa nararamdaman niya. Una pa lang ay alam na niyang si Camille ang gusto ni Zeus. Ang bruhang babae na iyon, aarte-arte pa, may gusto rin pala. Kung sana ay sinagot nito si Zeus dati, hindi sana siya masasaktan nang sobra ngayon. 

ZEUS: THE ATHEIST GAMER ( CLASH OF CRUSHES: TRILOGY 1) BY: SHINDER23Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon