CHAPTER 4:

355 13 0
                                    

Puting kisame ang namulatan ni Kaykay nang magising siya. Iginala niya ang mga mata sa paligid. Naroon ang kanyang ina at kapatid na naka-upo sa sofa na nasa gilid ng kanyang kama.

"Kamusta ang pakiramdam mo, anak?" tanong ng kanyang ina. Nilapitan siya nito.

"Okay lang po, Ma."

Akmang babangon siya nang awatin siya nito. "Huwag ka munang kumilos. Tatawagin ko ang doktor mo."

Inalalayan siya nitong humiga. Luminaw sa balintanaw niya na naaksidente pala siya. Magtatanong pa sana siya ngunit lumabas na ang kanyang ina sa silid. Nasundan na lamang niya ito ng tingin.

Pinakiramdaman niya ang paa na natatakpan ng kumot. Hindi niya iyon maigalaw. Nag-panic siya.

"Ano'ng nangyari sa paa ko?" natataranta niyang tanong.

"Ate, huwag ka munang magkikilos. Baka mapaano ka," sabi ng kanyang kapatid.

"Bakit hindi ko maigalaw ang kaliwang paa ko?" mangiyak-ngiyak niyang tanong dito.

"Pansamantalang hindi mo muna magagamit ang iyong kaliwang paa dahil na-paralyze ito. May naipit kasi na ugat noong naaksidente ka. Kailangan mong magpa-physical theraphy para bumalik sa normal ang paa mo," paliwanag ng kanyang doktor. Kakarating lang nito at kasama nito ang isang nurse.

"Diyos ko!" Natutop niya ang bibig. Napaiyak siya. Hindi na siya makakalakad. Paano na ang kanyang mga estudyante? Sino ang magtuturo sa mga ito? Pero lalo siyang napaiyak nang maalala si Zeus. Ito ang inaasahan niyang mabubungaran niya paggising niya pero wala ito. Siguro ay kasama na naman nito si Camille. Nagtagis ang mga bagang niya sa naisip.

"Sino po pala, Doc, ang nagdala sa akin dito sa ospital?"

"Iyong nakabundol sa 'yo. Siya rin ang tumawag sa mga magulang mo. Binantayan ka niya rito hanggang umaga pero nagpaalam din siya dahil may importante siyang lalakarin ngayon. Pero babalik din daw siya kapag tapos na iyon."

"Sige po, salamat."

Nang magpaalam ang kanyang doktor ay siya namang dating ng kanyang Tiya Rose at Marie. Umiyak siya nang umiyak sa balikat ng kanyang tiya.

HANGGANG sa makalabas na si Kaykay sa ospital ay hindi pa rin siya dinalaw ni Zeus. Masama ang loob niya. Nasasaktan siya. Kahit man lang sana bilang isang kaibigan ay dumalaw ito sa kanya. Pero kahit anino nito ay hindi niya nakita. Nahihiya naman siyang magtanong sa ina niya o kaya sa kanyang tita.

Sana nga ay namatay na lang siya sa aksidente para hindi na niya naramdaman ang sakit sa kanyang puso sa tuwing naaalala niya si Zeus. Pero ganoon talaga ang buhay. May mga masasaya, may mga nalulungkot at nasasaktan. May mga bagay na nangyayari na malayo sa kanyang inaasahan. Ang akala niya ay mahal rin siya ni Zeus, kahit bilang kaibigan lamang. Pero nagkamali siya. Wala itong pakialam sa kanya. Ang importante lamang dito ay ang mga gusto nitong gawin. Pero ano pa ba ang magagawa niya? Kailangan niya na lang tanggapin iyon. Maging matatag siya at kailangan niyang ipagpatuloy ang kanyang buhay.

Nang tumigil ang taxi na sinasakyan nila ay inalalayan siya ng kanyang ama para bumaba. Pinaupo siya nito sa wheelchair.

Pero pagpasok niya sa loob ng kanilang bahay ay nagulat na lang siya nang makita niya si Zeus na malapad ang mga ngiti sa kanya. Nasa tabi pa nito si Camille.

Ano'ng ginagawa ng haliparot na 'yan dito sa bahay namin? tanong niya sa isip. Hindi niya mapigilan ang sariling maging maldita sa mga oras na iyon. Inirapan niya ang dalawa. Pero hindi ang mga ito natinag. Malawak pa rin ang ngiti ng mga ito nag batiin siya ng "Welcome Home." Ang sarap ng mga itong hambalusin ng silver niyang saklay.

ZEUS: THE ATHEIST GAMER ( CLASH OF CRUSHES: TRILOGY 1) BY: SHINDER23Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon