DAHIL sa patuloy na pagpupumiglas ni Kaykay ay nahirapan si Zeus sa paglalakad. Hindi nito napansin ang nakausling bato sa daraanan kaya muntikan na silang bumagsak na dalawa. Mabuti na lamang at mabilis na nabalanse ng binata ang katawan.
"Put me down, you moron! Put me down!" Tili siya nang tili hanggang sa makapasok sila sa loob ng bahay. Ibinaba siya nito sa couch.
"Bakit ba ang sungit-sungit mo?" tanong ni Zeus sa kanya. Kumuha ito ng tuyong tuwalya. Napatingin ito sa paa niya na may pilat dulot ng kanyang pagkakaaksidente. Hinaplos nito ang pilat, pagkatapos ay tinuyo nito ng tuwalya ang katawan at buhok niya. Gusto ni Kaykay na maglupasay sa kilig, pero pinigilan niya ang sarili.
"Ako na! Kaya ko ang sarili ko." Inagaw niya ang towel dito.
"Awsus! Kunwari ka pang pinapalayas ako. Miss mo rin ako, 'di ba? 'Di ba?" Sinundot-sundot pa siya nito sa tagiliran.
"Tumigil ka nga! Isa pa at sasapakin na kita!" banta niya rito. Tumayo siya at naglakad.
Ngunit nakalimutan ni Kaykay na hindi pala kaya ng isang paa niya ang maglakad. Kaya nang ihakbang niya iyon ay lumagapak siya sa sahig. Napangiwi siya dahil sa sakit.
"Ang kulit mo talaga." Nilahad ni Zeus ang kamay nito para alalayan siya.
Inabot niya ang kamay nito. Pero may iba pala na gimik ang binata. Sa halip na alalayan lang siya nitong tumayo, kinabig siya nito sa beywang at binuhat. Dinala siya nito sa silid niya at ipinasok sa banyo.
"It's time for you to take your bath. Ano'ng gusto mo, paliguan kita?" tanong ni Zeus sa kanya nang ibaba siya nito.
"Hindi na kailangan. Lumabas ka na. Labas!"
"Alright! Ihahanda ko na lang ang mga damit mo," sabi nito, saka tumalikod.
"Wait lang," pigil niya rito. Pero isinara na ni Zeus ang pintuan ng banyo.
"Kapag may kailangan ka, sumigaw ka lang. Darating kaagad ako," pahabol pa ni Zeus.
SUMABAY SI Zeus sa hapunan sa kanila nang gabing iyon. Pero siyempre, hindi pa rin ni Kaykay kinikibo ang binata. Kahit na ito na ang naghugas ng pinagkainan nila.
Pero nagulat na lang siya nang sabihin nitong doon ito matutulog sa kanila. At nang tingnan niya ang silid nito, nakita niya roon ang mga damit nito. Hindi nga ito nagbibiro. Naiinis siya kaya kinompronta niya ito.
"Ikaw ba ay nananadyang inisin ako? Ano ang pumasok sa kukute mo at dinala mo rito sa bahay namin ang lahat ng gamit mo?" tanong niya kay Zeus. Naroon sila sa terrace. Ang mga magulang niya ay tulog na. Sinadya niyang kausapin si Zeus habang tulog ang mga ito.
"Kasi gusto kitang alagaan," walang gatol na tugon nito.
"Alagaan ha? Hindi kita kailangan."
"Huwag ka nang kumontra pa. Pasasalamat ko ito sa 'yo dahil pinapansin na ako ni Camille ngayon."
Ouch naman, sa isip ni Kaykay. Si Camille na naman ang bukam-bibig nito. Naririndi na siya sa pakikinig dito.
"Pinakialaman ko kasi 'yong cell phone mo. Doon ko nakuha ang number niya."
Ngali-ngali niya itong batukan. Nag-tress passing na nga ito sa puso niya, pati cell phone niya ay pinakialaman pa nito.
"Pero hindi lang dahil doon. You made me realize a lot of things. Isa na doon ang pagiging mayabang ko. Alam kong gwapo talaga ako pero hindi ko dapat ipagmayabang iyon."
Napangiti siya. Fast learner pala ito. Kung ganito lahat ang mga estudyante niya, magiging madali lang ang buhay-teacher sa kanya. Pero mas maganda rin minsan na may challenge sa buhay.
"Oy, nag-smile siya," tudyo sa kanya ni Zeus. "Pero maiba ako, ikaw pala 'yong babaeng nakasalubong namin dati ni Camille sa mall. Hanep, hindi kita nakilala."
"Grabe ka naman. Nagpagupit lang ako ng buhok, 'di mo na ako nakilala?"
"May make up ka kasi noon. Pero kung ako ang papiliin, mas gusto ko 'yong dating ikaw. Kasi kapag nakakalakad ka na, sigurado akong pag-aagawan ka ng mga lalaki."
"Papuri ba 'yan o ano?"
"Maybe both." Ngumiti ito.
Tumango siya. "Sana, sa pamamagitan ng transformation kong ito, makakahanap na ako ng partner ko habang-buhay."
Tumaas ang isang kilay ni Zeus pero hindi ito nagkomento. Kung kanina ay nakangiti ito, ngayon naman ay nag-iba ang timpla ng mukha nito.
"Ikaw na nga rin mismo ang nagsabi na pinapansin ka na ni Camille ngayon, ibig sabihin, malapit ka na niyang sagutin. Eh, hindi naman yata puwedeng ikaw lang ang may love life. Kailangan ko rin ng inspirasyon para mabilis akong makalakad at bumalik na sa dati ang lahat," aniya.
"Ikaw ang bahala. Matutulog na ako." Tumayo ito at iniwan siyang mag-isa sa terrace.
"Ano'ng problema no'n?" bulong niya.
Hindi muna siya bumalik sa kanyang silid. Pinagmamasdan niya ang mga kumikislap na bituin sa mga langit nang bigla niyang narinig na bumukas ang pinto ng silid ni Zeus.
"Saan ka pupunta?" tanong niya rito. Nakabihis kasi ito.
"Tumawag kasi si Camille," anito, saka itinaas ang cell phone. "Sige, aalis na ako."
Nagmamadali itong lumabas ng bahay.
Hindi na niya mabilang kung ilang pagkakataon na siyang iniwan ni Zeus para kay Camille. Muling tumulo ang mga luha niya. Ayaw na niyang umasa at maghintay kung kailan darating ang araw na pipiliin siya nito at mananatili ito sa tabi niya. Pinalalaya na niya si Zeus sa kung sinumang babae na gusto nito. Hindi niya kayang pantayan si Camille. Sa itsura, sa mga narating sa buhay at higit sa lahat, hindi niya ito kayang pantayan pagdating sa pagmamahal ni Zeus.

BINABASA MO ANG
ZEUS: THE ATHEIST GAMER ( CLASH OF CRUSHES: TRILOGY 1) BY: SHINDER23
Romance"Naka-diaper pa lamang tayo, alam kong ikaw na ang nakatadhana para sa akin." Hiniling ng kanyang tiyahin kay Kaykay na baguhin ang ampon ng mga ito na si Zeus. Masyado kasing arogante ang lalaki. Hindi ito pumupunta sa simbahan. Dakila rin itong ta...