Rachel's POV
Balot ng kadiliman ang loob ng kotse ni Stacy maliban sa kaunting liwanag na nanggagaling sa instrument panel. Patuloy na umuugong ang sasakyan. Mabagal at maayos ang takbo ng kotse ni Stacy sa kahabaan ng kalsada. Sumulyap ako sa side-mirror. Nasa buntot namin ang kotse ni SPO4 Mark Dalisay. Tinted ang windshield niyon, pero I could tell from its plate number and physical characteristics that it's him.
"Stacy," tawag ko sa kanya. "Nakikita mo iyong itim na sedan sa likod natin?"
Sumulyap si Stacy sa rear-view mirror. "Oh anong mayroon doon?" Tanong niya nang parang nagpapatawa.
"Parang hindi mapanatag ang loob ko eh. Parang sinusundan tayo." Lumunok ako bago muling tumingin sa harap ng daan.
"Sino ba iyon? Secret admirer mo?" Tanong niya habang humahalakhak.
Binigyan ko siya ng masamang titig sa mata. Agad naglaho ang ngiti sa labi niya. "Ok, sorry na!" Bulalas niya. "Nag-jojoke lang eh." Nginusuan niya ako.
"Pasensya ka na. Natatakot lang talaga ako eh." Hinalukipkip ko ang mga braso ko.
Tinapakan ni Stacy ang pedal ng sasakyan na naging dahilan para pumreno iyon. Sa harap namin, may nakahintong pampasaherong jeep na nagsasakay ng mga pasahero.
"Anong gusto mong gawin ko beshie?" Ibinaling niya ang ulo niya sa akin.
"Bilisan mo pag-drive para maligaw iyong bumubuntot sa atin," mungkahi ko.
Hinimas ni Stacy ang baba niya, at saka tila nagliwanag ang pagmumukha niya. "Ah may naisip ako. May alam akong shortcut papunta sa amin."
Kinabig ni Stacy pakaliwa ang manibela hanggang sa lumiko ang nguso ng kotse niya. Dineretso niya ang kahabaan ng kalsada hanggang sa susunod na kanto. Kinabig niya ulit ang manibela. Lumiko ang kotse niya papasok roon sa masikip na eskinita. Kadiliman sana ang sasalubong sa amin doon kung hindi dahil sa headlight ng kotse niya.
"Alam mo ba itong dinaraanan natin?" Tanong ko kay Stacy.
Umililing siya habang pumapalatak. "Kahit kailan talaga wala kang tiwala sa akin." Bumuntong-hininga siya.
"Uy ano ka ba? Siyempre may tiwala ako sa iyo." Pinunasan ko ng palad ko ang bakas ng mga pawis na nakakapit sa noo ko. Tiningnan ko ulit ang side-mirror. Sumilaw sa mga mata ko ang labis na liwanag mula sa headlight ng kotse ni SPO4 Mark Dalisay. Medyo mas malayo siya sa amin kumpara kanina, pero dahan-dahan siyang nakakakuha ng momentum para makahabol.
Napaigkas ako sa tatlong sunud-sunod na malakas na busina mula sa likod ng kotse namin. Didikit na sa puwit ng kotse namin ang nguso ng itim na sedan. Paulit-ulit ang pagbusina niyon hanggang sa bulyawan ko si Stacy.
"Stacy! Tapakan mo iyong gas!"
Napasandal ako sa upuang katabi ni Stacy nang biglang humarurot ang sinasakyan namin. Binaybay namin ang mahabang eskinita nang walang tigil. Lumalakas ang pag-ungol ng makina ng kotse habang tuloy-tuloy kami sa pag-accelerate. Nang malapit na kami palabas ng eskinita, binagalan ni Stacy ang takbo ng kotse hanggang sa bumalik ulit sa karaniwan ang bilis niyon.
"Oh, sumusunod pa ba?" Tanong ni Stacy.
"Wala na. Malayo na mula sa atin." I let out a sigh of relief.
Kumanan si Stacy sa Matagumpay Street, at pagkatapos ng maraming pagliko sa iba't ibang street. Natanaw ko na rin sa wakas ang bahay nila. Bukas ang garahe nila. Palaging iniiwan iyong bukas ni Stacy.
"Ayan. Mabuti na lang wala pa parents ko. Bukas pa ng hapon ang uwi. Mag-stay ka muna sa amin," anyaya ni Stacy.
Gumuhit ang ngiti sa labi ko. Napalitan ng tuwa ang mukha ko habang papasok kami sa garahe, but not before hearing the beeping noise again.
Paulit-ulit ang pamilyar na malakas na busina. Tumingin ako sa side mirror.
"Nasundan pa rin tayo ng hinayupak na iyon!" Bulalas ko kay Stacy.
Huminto sa 'di kalayuan ang itim na kotse ni SPO4 Mark Dalisay. Bumukas ang pinto sa tabi ng driver's seat niyon. Humalik ang itim niyang sapatos sa aspalto. Unti-unting lumitaw ang buong katawan niya sa labas. Binalibag niya pasara ang pinto ng kotse. Nakatitig ang matalas niyang paningin sa kinaroroonan namin. Nakasalubong ang mga kilay niya.
"Stacy! Ipasok mo na ang kotse sa garahe!" Utos ko.
Kasabay niyon ay ang saglit na pagharurot ng kotse ni Stacy hanggang sa makapasok iyon nang tuluyan sa loob ng garahe.
"Ako na ang magsasara ng garage door!" Sabi ko.
Binuksan ko ang pinto sa gilid ko. Sumandal ako sa kotse para alalayan ang paglalakad ko. Mahirap talaga kapag kulang ng isang binti! Matapos ang ilang hakbang, itinulak ko naman ang sarili ko sa katabing dingding. Sumasayad ang balikat ko roon hanggang sa marating ko ang "switch" ng garage door sa tagiliran ng bungad.
Nang pindutin ko iyon, unti-unting bumaba ang garage door mula sa itaas. Huli kong nakita si SPO4 Mark Dalisay mula sa kinaroroonan niya na dumukot ng cellphone mula sa bulsa niya. Maya-maya, sumara na nang tuluyan ang garage door. He was no longer in sight.
Bumuntong-hininga ako. Napalagapak ako sa sahig habang naghahabol ng hininga. My body was exhausted. Pinilit kong pakalmahin ang utak ko.
Ang tahimik na paligid ay umingay nang tumunog ang cellphone ko.
DING!
Kinuha ko ang cellphone ko mula sa bulsa ko, at napansin kong may nag-message sa akin sa Messenger. I tapped the icon on the touchscreen.
Bumungad sa notifications ko ang buong pangalan ni SPO4 Mark Dalisay, with the following message:
Mark: "UMALIS KAYO JAN!! MAY TAO SA BACKSEAT NG KOTSE NIYO!!"
BINABASA MO ANG
Friend Request [Rated SPG] #SA2018
HorrorEverything was fine until Rachel received a friend request from someone on Facebook.