"O-okay... s-sorry... a-akala ko kase... a-akala ko..."
Hindi ko na kinayang makipagtitigan sa mga mata niyang nagsusumamo... Nagsusumamong tumigil na ako at lubayan siya. Ganitong tingin din ang nakita ko sa kanya nang makipaghiwalay siya sa 'kin noon.
Tinalikuran ko siya at mabilis na naglakad palayo. Hindi ko napigilang mapahagulgol habang tumatakbo. Nagbibilang na ng sampu ang mga tao. Papatak na ang panibagong taon.
Subalit heto ako. Pumapatak ang mga luha dahil sa panibagong sakit na nakamtan.
Nakasakay ako sa sasakyan ko at nakaalis sa kainan ko nang walang nakakapansin... dahil abala ang lahat sa pagsasaya. Ayoko din namang mang-abala. Kaya ko namang patahanin ang sarili ko.
Nasaksihan ko ang isa isang paglitawan sa kalawakan ng mga makukulay na paputok. Mapait akong napangiti. Sasalubungin ko na naman ang bagong taon nang may kirot sa puso.
Hindi ko alam kung saan ako pupunta. Nalagpasan ko nang hindi namamalayan ang condo ko. Tuloy tuloy lang ang pagmamaneho ko. Dire-diretso, hanggang sa mapatigil dahil sa dalawang daan na magka-iba ang direksyon. Napagpasyahan kong tahakin ang sa kanan at umuwi sa Bulacan dahil malapit na lang din naman.
"L-la..." Si lola ang lumabas upang pagbuksan ako ng gate matapos 'kong kumatok.
"Apo? Anong ginagawa mo rito?" Kaagad ko itong niyakap nang mahigpit nang bumukas ang gate. Muli akong napahagulgol nang haplusin niya ang buhok ko.
Dinamayan ako ni lola buong gabi. Ginawa niya ang lahat upang mapatahan ako kahit hindi ko pa nasasabi kung ano ang dahilan.
Alas sais na ng umaga nang makatulog ako. Kaya hapon na nang magising ako. Dumiretso ako kaagad sa banyo upang maligo at magbihis. Pababa ako sa hagdan nang yayain akong kumain nila lolo ng tanghalian ngunit tumanggi ako. Wala akong nararamdamang kahit anong gutom.
"S'an ka pupunta, 'te?" Tanong naman ni Angelo.
"Hayaan mo ang ate mo, matanda na siya, alam na niya ang mga ginagawa niya." Napatingin ako kay lola dahil sa sinagot niya. Binigyan ko ito ng tipid na ngiti na kaagad niyang sinuklian.
Mukhang alam ni lola kung saan ako pupunta. Dahil iyon naman talaga ang takbuhan ko sa tuwing gusto kong takasan ang mundo. Akala ko nga hindi na, iba na... akala ko ang lalaking pinakaminahal ko na... ngunit siya pa mismo ang dahilan kung bakit gusto kong layasan ang realidad ngayon.
Ang realidad na ayokong tanggapin.
Napapatanong tuloy ako sa sarili ko. Paano kung hindi niya naman talaga ako minahal? Dahil napakadali lang ng lahat para sa kanya? Napakalamig niya pa ngayong muli kaming nagkita pagkatapos ng isang taon.
Napapikit ako habang nilalanghap ang sariwang hangin nang sa wakas ay marating na rin ang sikretong talon na kahit papaano ay nakakatulong sa aking tumahan at nakapagbibigay ng kapayapaan.
Mas gusto kong pumaparito keysa sa kwarto ko dahil nakakaginhawa sa pakiramdam pagmasdan ang pagbagsak ng tubig sa talon at ang pakinggan ang huni ng mga ibon.
"Aya?" Bumukas ang mga mata ko nang makarinig ng pamilyar na boses.
Napaatras ako nang bumungad sa harapan ko si Xavi. Pabilis nang pabilis ang tibok ng puso ko. Ngunit pasakit din nang pasakit ang kirot sa bawa't tibok.
BINABASA MO ANG
Fallin All In You
Teen FictionSinging Series #1 : "Nothing in life comes easy..." The reason why Aliyah Mikaya Dela Torre rejected Baron Xavier Gailford's offer to use each other for fame. Yes, it was always her dream to get recognized by people... But she never once thought tha...