Unang Kabanata
***** "Mula noon pinangako ko sa sarili ko na kahit kailan, hinding hindi ko na siya pakikialamanan. Napatunayan ko rin na mahal nga niya yung babae, Grabe pala siya magmahal." *****
<Nobyembre, 1995>
Hating gabi na , naglalakad pa ko sa daan, wala man lang akong makitang taong nagdaraan sa lansangan, madilim, malamig, nakakabingi ang katahimikan.
San nga ba ako nanggaling,
ano na nga ba ang nangyari kanina,
nag inuman kaya kami,
nalasing nanaman kaya agad ako?
Sa hindi kalayuan, nakita ko ang barkada, tinawag ko sila, pero sila tumingin lang tapos lumayo na, unti-unting nawala at kinain ng madilim na paligid.
Anu nanaman kaya ang nagawa ko at iniwan nanaman nila ko.Lagi naman eh. kahit konti lang ang nagawa kong kasalanan, de-deadma-hin nanaman ako, sino ba naman ako, wala lang - isang taong nakikigulo sa magulo na nilang buhay.
Umuwi ako sa bahay na tinutuluyan namin, sa boarding house na pagkamahal, bulok naman, pero ok narin kesa wala, malapit kasi sa eskwelahan, tipid sa pamasahe. Kaya nga iyong mga 'yun kahit may mga kaya sa buhay, pinili na doon para daw sama-sama sila.
Ako? pano na ba ko napunta doon, pano ba ko napunta dito sa Maynila. Nagtatanim at taga-buhat lang naman ako sa probinsya namin.
Buti nalang at salutatorian ako, nabigyan tuloy ako ng scholarship ng mayor sa'min. Doon samin? aba , hangang-hanga ang mga ka-klase ko sa akin,
pero dito ...
Pumunta ako dito pamasahe lang ang dala, ekstrang pera na P350, hindi ko alam kung anong mundo ang haharapin ko dito, ang baon ko lang, lakas ng loob at ang pag asa na makatapos ng pag aaral at isa pa pala, ang makabuo ng isang masayang barkada (na hindi ko pa nararanasan) at isang banda gaya ng nasa TV kahit wala pa akong alam tugtugin.
Sa pagdating ko ng Maynila, unang araw, may nakabunggo akong dalaga, dalagang alam kong kailanman ay hindi ko malilimutan ang itsura, napakaganda niya. Nakilala ko pa, Lisa raw ang pangalan niya.
Nagpatuloy ako sa paglakad at sa di kalayuan nag umpisa ang lahat..
Sa kamalas malasang pagkakataon, dito ko naranasang habulin ng holdaper, anu kaya ang makukuha niya sa kin, konting pera? Syempre tumakbo ako, bakit ko ibibigay toh, sayang.
Habang tumatakbo ko sa may kanto, may humatak sa kin...
Sandali.. nandito na pala ko sa bahay, oh bakit kaya umiiyak tong si Benjo, teka nag away kaya kami?
"Benjo, may problema ba?". Hay naku, di naman ako pinansin, alam ko na ang sagot, nag away nga siguro kami.
Nga pala, siya si Benjo, yung humatak sa akin, natakot nga ako kasi akala ko kasamahan siya ng holdaper. Mukha kasi siyang Gangster.
Kasama kasi siya sa isang malaki at takaw gulong frat sa eskwelahan nila dati. Tinanong ko nga siya kung bakit siya sumasali sa mga ganun, sabi niya, family problem lang daw.
Pero ngayon, hindi na siya myembro, para daw iyon sa isang minamahal.
Naging magkaibigan nga kami, best friend ko pa. Leader ng isang bandang itatayo nila. Kaya nga pala ko nakatira dito, pinatira niya ko kahit maraming may ayaw sa akin, kalahati na nga lang ang ipinaa-ambag niya sa kin sa renta kahit nakakuha na ko ng part time job sa isang resto. Kahit maraming may ayaw sa akin, di lang niya ito pinapansin. Naawa siguro siya sa 'kin nung kinuwento ko ang naging buhay ko sa probinsya na dahilan kung bakit ako nakipagsapalaran dito.
Makaakyat na nga sa itaas,..
Uyy..tulog silang lahat, hindi na nangagbihis, yung isa oh.. may luha pa, kasabay tumutulo ng laway, Nag away siguro sila ng syota niya.
Siya si Caloy, ang laging nababasted.
Ang sama kasi ng ugali, kala niya gwapo siya. Siya nga pala ung unang tumutol na patirahin ako dito sa boarding house nila, siksikan na nga daw sila, makikisiksik pa daw ako. Pero mabait din yan, lalo na pag tinuturuan ko ng assignment sa Trigonometry. Nililibre ba na man ako. Himala nga eh. Pero pagkatapos, balik nanaman siya sa dati.
Dalawang linggo na mula ngayon, nagkaroon siya ng isang napakalaking problema, ang kaisa isang babaeng pumatol sa kanya nabuntis niya. Ayun, di niya alam ang gagawin niya.Papatayin daw siya ng erpat niya, nabenta na daw ang mga ari arian nila, pati ang jeep nila mapag aral lang siya sa matinong eskwelahan.
Eh walang pang tao sa boarding house kundi ako pa lang, kaya kahit di niya masyado kinakausap, napilitan siya, wala na siyang pagpipilian eh. Sinabi niya sa akin lahat, pinakita pa nga pati yung litrato ng babae, di naman kagandahan pero anu magagawa natin, yun lang ang pumatol sa kanya eh. Saka yun talaga ang tinatawag na true love, hehe..
Minsan, hapon na, pauwi ako, naglalakad ako doon sa may Recto, may nakita akong dalawang tao sa may gilid malapit dun sa may sulok ng masikip na daan. Naghahalikan lang pala,"pero teka", sabi ko sa isip ko. Parang nakita ko na ang babaeng yun, hindi ko lang matandaan kung saan.
Pag dating ko sa bahay, nandun si Caloy, naalala ko na, yun ung syota niya. Sinabi ko sa kanya yung nakita ko.
Lumapit siya sa akin, kala ko magpapasalamat, nagulat nalang ako nung makatanggap ako ng malakas na sapak, hindi ko na matandaan kung dumugo ba ang ilong ko noon.
At ako pa ang masama, bakit ko raw sinisiraan ang syota niya, namura pa ako.
Madami pa siyang sinabi, di ko na matandaan yung iba , Isa lang ang di ko nakalimutan. Nung sinabi niyang, "Wag mo kong papakialamanan, kung ayaw mong makitang hinahanap mo! Gago!!!".
Mula noon pinangako ko sa sarili ko na kahit kailan, hinding hindi ko na siya pakikialamanan. Napatunayan ko rin na mahal nga niya yung babae, Grabe pala siya magmahal.
...Itutuloy
BINABASA MO ANG
Ang Unang El Bimbo [COMPLETED]
Romance********This book was written 2008. Ganun katagal nang nakatago sa baul ko. Heto, ipapabasa ko na sa'yo. ********* THEME: Dark and Sad WARNING! : This is not your ordinary Wattpad story.. SYNOPSIS: MINSAN, MAY MGA BAGAY NA DI MO INAASAHAN PERO NA...