Sa dinami dami ng isinulat ko para sa'yo, pakiramdam ko ay kulang pa rin ang mga ito. Pakiramdam ko ay di pa rin sapat para masabi kong magaling ako. Pero hindi ko kailangang maging mas magaling sa'yo, nais ko lamang ay kaligayahan mo.
Sa dinami dami ng mga salitang inaalay ko para sa'yo, pakiramdam ko ay mali pa rin ang mga iyon. Hindi ko alam kung paano isasaayos ang mga salita, kung paanong mailalabas ko ang nararamdaman ko. Alam mo iyan, hindi ba? Dahil sa kabila ng hindi pa natin pagkikita, KILALANG KILALA MO AKO. Kahit hindi ako magsalita, alam mo kung ano ang nasa isip ko.
Sana okay ka lang...
Siguro o mas dapat kong sabihin na, ALAM KO, umiiwas ka sa akin. Hindi ko alam kung bakit at anong dahilan. Siguro mas nais mong makita ako kung paano ako matutong tumayo gamit ang sarili kong kakayahan na hindi umaasa sa'yo, kung paano ko maisasaayos ang mga bagay bagay nang hindi nagtatanong sa'yo. Dahil sabi mo nga, sapat na ang mga naibahagi at naituro mo sa akin para kayanin ko ang lahat.
Ilang ulit ko mang tangkain na ika'y kausapin, mukhang wala na talaga. Kahit pangarapin kong makita ka, marahil hanggang panaginip na lamang iyon.
Pero patuloy akong aasa, na isa sa mga araw na lumilipas ay masisilayan ko ang iyong mukha. Makikita ko na ang iyong mata na puno ng lungkot sa kabila ng iyong mga tawa, ang iyong mata na nagsisilbing liwanag sa madilim mong mundo. Ang iyong labi na kay sarap tingnan na kahit 'di ka magsalita ay may sagot ka na sa nais kong itanong at ang iyong mukha na kay tagal nang nais haplusin.
Mangyayari nga ba ang nais mo noon na ako ay mahalikan sa batok? Kay sarap isipin at balikan ang mga pinagsamahan sa hiram na sandali na bunga ng ating kahibangan. Ngunit ang lahat ng iyon ay hanggang doon na lamang at hinding hindi na maaaring madugsungan.
Mananatili na lamang ang mga alaalang iyon sa isang kahon, kung saan nandodoon ang lahat ng ating mga sikreto na ibinahagi sa isa't isa.
Ang kahon na iyon ay handa ng ilibing at hindi na bubuksan pang muli kahit kailan. Isang kahon kung saan nandoon ang mga masasaya at masasakit na alaalang ating pinagsaluhan.
Marahil ito na ang katapusan ng kwento nating dalawa. Wala ng book 2 o sequel man. Natapos na ang kabanata ng ating pag-iibigan, pagkakaibigan at pinagsamahan. Hindi pa man nais tapusin ay wala ng magagawa kung ang main character ay iniwan na ang isa. Wala ng dahilan para ipagpatuloy pa ang kwentong bunga ng paglalaro ng tadhana.
Lagi mo sanang pakatandaan, kung mangyari man tayo'y magkakilala sa ibang mundo at tayo'y malaya, ikaw ang pipiliin ko. Alam mo kung gaano kita kagusto kasama. Alam mo na hindi kita iniwan dahil gusto ko, kundi para manatili tayo kung saan nga ba tayo bago tayo magkakilala.
Wag mo sana akong kalimutan. Sana ay manatili ako sa puso mo gaya ng sinabi mo na hindi mo kakalimutan ang araw kung kailan tayo nagkakilala. Sana ay palagi mong alalahanin ang isang gaya ko sa tuwing sasapat ang araw na iyon. Sana...
Ayoko nang matapos ang liham na ito ngunit kailangan. Gaya ng pagiwan ko sa'yo noon, ayoko pero kailangan.
Nawa'y ang liham na ito ay magbukas ng panibagong kwento na ako na lamang mag-isa ang magsusulat. Sayang lamang dahil hindi nabigyan ng pagkakataon ang kwento nating dalawa na sabay nating sinulat na maibahagi sa iba. Siguro mas mabuti na iyon, para manatili lamang sa ating mga puso ang mga bagay na tayo lamang dalwa ang nakakaalam.
BINABASA MO ANG
Stories in a Box
RandomCollection of prologues that never had a chance to tell its story, my random thoughts and my personal blogs. Dig deep on my thoughts and you will know who am I. Understand what I feel and you will understand the world of love. Judge me if you want...