"A-Ano'ng nangyari? Bakit wala na ang site?" natatarantang anas ni Kaye habang panay ang tipa sa keyboard. Hanap siya ng hanap sa internet site na nakitaan niya ng mga summoning spells pero wala na. Mukhang binura na iyon. Halos sumabog na ang ulo ni Kaye kakaisip ng paraan kung papaano mako-contact si Dem.
Tuluyang nakulong si Tolome. Sa huli ay umamin ito. Mukhang hindi rin kinaya ng konsensya ang ginawa. Inamin nito na sinamantala nito ang pagkakataong lango sa alak ang dalawang butcher. Pinalo nito ng dos por dos ang dalawa sa ulo para hindi na makalaban. Pinalabas nitong nawawala ang dalawa para hindi ito ang mapagbintangan. Dumaan daw ito sa bintana para palabasing nakasara ang kuwarto mula sa loob at lituin ang mga imbestigador. Pagkatapos ay inilagay nito ang mga katawan sa service ng sementeryo at dinala sa crematorium.
Inamin nito na nagawa nito iyon dahil sa ginawa nilang pamboboso sa dalagang anak. Naireklamo man nila iyon sa barangay, hindi daw ito nakuntento dahil naiisip nitong uulitin iyon ng dalawang butcher. Dahil doon ay inilagay na nito ang batas sa kamay at iyon ang ginawa.
Nakapagdesisyon na si Kaye. Hindi puwedeng habang buhay niyang indahin ang regrets na iyon. Doon din niya tinanggap sa sarili na hindi na niya kayang tagalan ang lahat. Gusto na niyang makita si Dem. Mababaliw na siya oras na hindi pa makita ang lalaki.
Isang linggo na siyang ganoon. Noong una, bumalik siya sa pagsa-summon ng mga demon. Ginamit niya ang mga dating paraang nalalaman hanggang sa walang nangyari. Kanina ay naisip niyang tumingin ulit sa internet. Nafu-frustrate na rin kasi siya dahil kahit ang summoning spell na ginamit niya noong muntikan na siyang mamatay ay mukhang wala na ring bisa. Kahit magtutuwad-tuwad siya ay hindi lumalabas si Dem!
"H-Hindi ito puwede..." nanghihinang anas ni Kaye ng makitang kahit ano'ng i-type niya tungkol sa mga demons ay wala na ring lumalabas. Bumagsak ang pakiramdam ni Kaye. Pakiramdam niya, tuluyan na siyang pinutulan ni Dem ng karapatang makita ito.
"Okay ka lang?" takang untag sa kanya ni Harold.
Tumango siya bagaman salungat ang sinasabi ng damdamin niya. Hindi siya okay! Papaano siya magiging okay? Hindi niya na makikita si Dem! Ah, windang na windang ang buong sistema niya. Ang puso niya, sumisigaw na. Gustong-gusto na niyang makita at makasama si Dem...
At doon napagtanto ni Kaye kung bakit ganoon katindi ang nararamdaman niya. Parang binagsakan na siya ng langit. Pakiramdam niya, ikamamatay na niya ang kaalamang wala na silang pagasa ni Dem...
She loved him deeply. Dahil sa pagmamahal na iyo ay nakahanda na si Kaye na gawin ang lahat para lang makasama ito. Kahit anong orasyon o incantation, kahit na ano'ng dapat na gamitin niyang materyales, gagamitin at hahanapin niya. Makita lang niya ulit ang binata...
"M-May alam ka bang summoning spell?" desperadong tanong ni Kaye kay Harold.
Napanganga ito. Napangiwi naman siya. Malapit na talaga niyang iuntog ang ulo. Pati si Harold, tinatanong na niya! Malala na nga talaga siya.
Natawa ito ng makabawi. "Summoning spell? Bakit? Saan mo gagamitin?"
"W-Wala. Napanood ko lang 'yung Supernatural," tukoy na pagdadahilan niya sa TV series na dati niyang napapanood. Bagsak na bagsak na ang pakiramdam ni Kaye. Nagisip siya ng paraan pa kung papaano makakuha ng ibang impormasyon hanggang sa naisip niyang pumunta sa Quiapo. Maraming manghuhula at manggagamot doon. Baka may maitulong ang mga iyon sa kanya.
Natawa si Harold sa dahilan niya. Siya naman ay napailing na lang sa sarili at minabuting isara na ang internet. Baka mahuli pa siya ng supervisor. Mahirap na. Ang ginawa ni Kaye ay itinuon na lang ang sarili sa trabaho.
BINABASA MO ANG
LEGENDARY DEVILS BOOK 1: THE ACCIDENTAL HERO
Bí ẩn / Giật gânPUBLISHED UNDER PRECIOUS HEARTS ROMANCES SINGLES. "She still loves him whatever he is, whoever he was and how imperfect he'd been. No matter how bad he was, she still accepts him how tainted he was..." Kapit sa patalim si Kaye dahil sa patong-pa...