3

754 19 4
                                    


Pasado alas singko y medya na ng hapon nang makauwi ng bahay si Bullet. Hindi pa naman nagsisimula ang pang aalipin sa kaniya ni Kent pero parang gusto na niyang sumuko. Buong araw kasi ay hindi siya tinigilan ng tanong ng mga kaklase niya. Ang iba pa nga ay nagpaparinig sa kaniya at parang gusto na siyang hamunin ng away.

"Hay life!" laglag ang mga balikat na binuksan niya ang hindi naman kataasan na gate at pumasok na siya sa loob ng bahay. Sa sala ay ang sampung taong gulang na pinsan niyang si Patpat ang sumalubong sa kaniya.

May bumundol na matinding kaba sa dibdib niya nang makita ang pag aalala sa mga mata ni Patpat. Nangangatal ang mga labi sa takot na lumapit ito sa kaniya at yumakap ng mahigpit.

"Ate!"

"Anong nangyari?" nagpanic na agad siya nang mapansin ang pangangatal ng buong katawan nito.

"Si t-tita kasi-"

"Sandali!" bumitiw siya kay Patpat at patakbong tinungo ang silid ng ina. Hindi na niya nagawa pang kumatok dahil sa labis na pag aalala at nagmamadali ang mga kilos na binuksan niya ang pinto. Nakita niya ang mommy niya na nakasalampak ng upo sa sahig habang hawak yakap nito ang bote ng beer. Sa sahig ay nagkalat ang mga photo album at basag na mga bote ng alak.

"Mommy!" tinakbo niya ang ina at niyakap ito nang subukan nitong tumayo. "Mommy?" naaawang hinaplos niya ang pisngi nito.

Umungol lang ito habang nakayukyok ang ulo sa balikat niya.

"Uminom ka na naman."

Tumango ito. "Birthday ngayon ng daddy mo."

Natigilan siya. Alam niyang ngayon ang birthday ng ama at kanina ay tinawagan niya ito para batiin. Parang may higanteng bato ang bigla na lang dumagan sa dibdib niya nang marinig ang mahinang paghikbi ng ina.

"Hindi ako mahal ng daddy mo....hindi ako minahal ng daddy mo, Bullet."

"Mommy...."

"Ikaw lang ang nagmamahal sa akin pero ayoko ng ikaw lang, anak. Gusto ko na mahalin din ako ng daddy mo. Mahirap ba iyon?" parang bata na napahagulhol na ito sa mga bisig niya
habang yakap niya ito ng mahigpit.

Hindi na niya napigilan pa ang sariling emosyon at parang malakas na ulan na bumuhos na rin ang mga luha niya. Hindi niya alam kung dapat nga ba niyang sisihin ang ama sa nangyayari sa pamilya nila dahil mula pa noong maliit siya ay bihira lang naman niya ito makasama.

Hindi normal na pamilya ang pinagmulan niya. Noong bata pa siya ay madalas niyang naririnig na nag aaway ang mga magulang niya at palaging sinasabi ng daddy niya na pinikot lang daw ito ng mommy niya kaya nagpakasal ang mga ito.

Buntis na noon ang kaniyang ina kaya pinilit ng pamilya nito ang kaniyang ama na pakasalan ito. Hindi naging maganda ang pagsasama ng mga magulang niya at iyon ang naging dahilan kung bakit nakunan ang mommy niya sa sanggol na ipinagbubuntis nito noon.

Pagkalipas ng isang taon ay muli itong nagbuntis at siya na ang naging bunga. Nang maipanganak siya ay naging maayos naman daw ang pagsasama ng mga magulang niya ayon na rin sa lolo Berto niya. Pero mula nang pumanaw ang mga magulang ng kaniyang ina ay nagbago na ang daddy niya.

Madalas na umuuwi itong lasing kaya palaging nagtatalo ang mga magulang niya.

Hanggang sa nagdesisyon na ang daddy niya na magtungo sa Canada para magtrabaho. Anim na taong gulang pa lang siya noon at wala pang masyadong naiintindihan sa mga nangyayari. Ang natatandaan lang niya ay naging mabuting ama naman ito sa kaniya.

Kahit palaging nagtatalo ang mga magulang niya ay hindi ito naging pabaya sa kaniya. Kahit ngayon na nasa ibang bansa na ang daddy niya at bihira na lang umuwi ay hindi ito nakakalimot na tawagan at kamustahin ang kalagayan niya.

BLACK SOULS SERIES BOOK 1: KENTON DEL TIERRO (Ongoing)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon