Dahil wala pa naman sa sports hall ang PE teacher ay nagpaalam na muna si Bullet kay Megan na babalik sa classroom nila para kunin ang panyo na naiwan niya sa bag niya. White t-shirt at jogging pants ang uniporme nila ngayong biyernes dahil P.E ang huling subject nila. Dahil mainit ay tagaktak na ang pawis niya. Idagdag pa na nasira ang hairband niya at kanina pa siya naiirita dahil sa magulong buhok niya.
Patakbong bumalik siya sa classroom at naghalungkat sa bag ng ballpen.Itatali na lang niya pataas ang mahabang buhok at saka iyon tutusukin ng ballpen sa gitna para hindi malaglag ang mga hibla niyon.
Dahil malapit nang magsimula ang activity ay nagmamadaling inilagay niya sa bulsa ng jogging pants ang panyo at ibinuhol pataas ang buhok saka isinuksok ang ballpen sa gitna para hindi malaglag ang mga hibla niyon. Saktong natapos na siya sa ginagawa ay dumating naman si Pipoy at nahihiyang lumapit sa kaniya.
“Hello..” nahihiyang pagbati nito.
“Nagsimula na ba ang activity?” nakangiting tanong niya.
“Mamaya pa siguro, may kausap pa si sir Sanchez. P-para sa'yo nga pala.”
“Ha?” natigilan siya nang ibigay nito sa kaniya ang hairband na kulay pink at may heart design pa sa bandang gitna. “Para sa akin?”
Tumango ito at nahihiyang nagyuko ng ulo.
“Nakita ko kasi kanina na nasira na ang hairband mo. Gusto ko lang magpasalamat sa tulong mo sa akin kaya ibinili kita ng bago. Alam kong hindi madali ang ginawa mo. T-thank you, Bullet.”
Saglit na pinagmasdan niya si Pipoy. Alam niyang sinsero ito sa pagpapasalamat kaya hindi na siya nag atubili pang tanggapin ang hairband.
“Salamat.” Sabi niya at nakangiting isinuot ang hairband.
Nang mapasulyap siya sa pinto ay muli siyang natigilan nang mapansin na nakatayo doon si Kent at masama ang tingin sa kanilang dalawa ni Pipoy.
“Kent!” tawag niya dito.
Umiling lang ito at nakasimangot na tinalikuran na siya. Gusto sana niya itong habulin pero narinig na niya mula sa ibaba ng building ang malakas na pagpito ng PE teacher nila. Nagdadalawang isip man ay mas pinili niyang unahin ang gagawin dahil baka mapagalitan pa siya ng teacher kapag hindi agad siya bumalik.
Ano kaya ang problema ng isang iyon?
BINABASA MO ANG
BLACK SOULS SERIES BOOK 1: KENTON DEL TIERRO (Ongoing)
General FictionNagulo ang tahimik na buhay ni Bullet mula nang tulungan niya ang isang kaklase sa pambubully ng isang mayabang na schoolmate nila. Sa pag aakalang kasabwat ng mga bully si Kent ay aksidenteng nasuntok niya ito sa mukha. Mula noon ay naging magulo...