13

455 16 1
                                    


“Pat, nakita mo ba si mommy?” tanong ni Bullet sa pinsan niya.

Ilang oras din siyang tumulong sa pagbabantay ng grocery store bago bumalik sa bahay nila. Sabado naman ngayon at wala siyang pasok kaya nagpasiya siya na tumulong na muna sa store. 

“Kanina pa siya nasa kwarto ate Bullet. Lumabas lang siya kanina kasi may nagdeliver ng sulat tapos nakita ko na lang siya na umiiyak na nang bumalik sa kwarto niya.”

Natigilan siya at nagtatakang iniwan na sa sala si Patpat. Mabilis ang mga hakbang na tinungo niya ang silid ng ina. Mariing naipikit niya ang mga mata nang marinig ang paghikbi ng ina habang nakatayo siya sa labas ng kwarto nito. Sa pagkakataon na iyon ay hindi naman ito nagwawala na katulad ng madalas na mangyari kapag nalalasing ito at naalala nito ang daddy niya.

Pinihit niya ang seradura ng pinto para silipin ito pero natigilan siya nang makita na hindi ito nag iisa sa kwarto dahil kasama nito ang tiyahin niya. Nakita niya ang mommy niya habang balisa ito at pabalik balik na naglalakad sa may paanan ng malaking kama. Nilapitan ito ni tita Eula at pilit na inagaw ang bote ng alak mula dito. Nagmatigas naman ang kaniyang ina at tinignan lang ng masama ang kapatid.

“Ano na naman ba ito, ate Gloria? Maglalasing ka na naman?”

Napaismid lang ang mommy niya nang harangin ito ng tiyahin niya. Nanatili lang siyang nakatayo sa may pinto habang nakikinig sa pag uusap ng dalawa.

“Sinabi na ng doktor sa'yo noon pa na bawal ka ng uminom ng alak. Ano bang ginagawa mo?” inis na inagaw muli ng tiyahin niya ang bote ng alak mula sa mommy niya.

Naghilahan ang dalawa hanggang sa malaglag ang bote sa sahig at mabasag iyon.

Nanlaki ang mga mata niya at gusto na sanang mamagitan sa mga ito pero alam niyang hindi pwede dahil away iyon ng mga matatanda. 

“Kasalanan mo!” inis na sigaw ng mommy niya.

“Magpapakalasing ka na naman? Magpapakabaliw ka ng dahil sa pagmamahal mo kay Freddy?”

“Hindi ako baliw!”

“Baliw ka! Pagdating sa kaniya nababaliw ka. Iyon ang totoo!”

“Tumigil ka na!” nanlilisik ang mga matang itinulak ng kaniyang ina ang sarili nitong kapatid. “Wala kang alam sa nararamdaman ko. Gusto nang makipaghiwalay sa akin ni Freddy. Nagpadala na siya ng annulment paper. Naiintindihan mo ba iyon? Tuluyan na niya akong iiwan.” Umiiyak na sabi pa nito. 

Natutop niya ang mga labi para pigilan ang pag alpas ng mahinang mga hikbi niya. Hindi makapaniwalang ipinilig niya ang ulo kasabay ng unti unting pagsikip ng dibdib niya.

Daddy paano mo nagawa sa amin ito ni mommy? Talaga bang wala ka ng pakialam sa amin?

Gusto niyang sumigaw at umiyak hanggang sa mapagod siya. Ilang beses niyang hiniling ng mga sandaling iyon na sana ay tamaan na lang siya ng kidlat dahil pakiramdam niya ay wala ng mas masakit pa sa nalaman niya.

“Wala akong alam?” pagak na natawa ang tita Eula niya. “Ate, pareho lang tayong iniwan ng asawa. Ang pagkakaiba lang natin, niloko ako ng asawa ko at kahit mamatay ako ngayon ay hindi mawawala ang galit ko sa kaniya. Pero ikaw? Hindi ko alam kung talaga ngang niloko ka ni Freddy. Dahil sa tingin ko ginawa lang niya ang tama. Sinunod lang niya ang sinasabi ng puso niya at iyon ay ang makasama ang babaeng totoong mahal niya.”

“Shut up! Wala kang alam sa totoong nararamdaman ko. Hindi mo alam ang pakiramdam na magising na nasa isang madilim na lugar at ni hindi mo alam kung sino ang lalaking lumapastangan sa'yo.”

“Ate…..”

“Oo, alam kong malaki ang utang na loob ko sa'yo Eula. Ikaw ang tumulong sa akin para maisagawa ko noon ang plano kong pikutin si Freddy. Ginawa mo iyon kasi alam mong mahina ako, alam mong hindi ko kakayanin kapag nakita ulit ni Pia si Freddy at nagpakalayo layo sila na katulad ng plano nila noon. Lahat kayo, ikaw, sila mommy at daddy at pati na rin ang iba pa, mahina ang tingin ninyo sa akin.”

“Hindi totoo 'yan.”

“Alam ko, Eula, alam na alam ko dahil nararamdaman ko naman ang turing ninyo sa akin. Pero sa ginawa ninyo, tinuruan lang ninyo akong mas lalong maging mahina. Kumapit ako kay Freddy, siya lang ang palaging nagsasabi sa akin noon na kaya ko, na hindi ako mahina na katulad ng sinasabi ng iba. Pero iniwan din niya ako at tinanggap ko iyon dahil alam ko na malaki ang kasalanan ko sa kaniya. Pinakawalan ko siya dahil alam kong kahit anong gawin ko ay hinding hindi ako mamahalin ni Freddy. Mahal na mahal ko si Freddy at kahit kailan ay hindi ko magagawang tanggapin na hindi siya ang ama mi Bullet. Ibinabalik niyon sa akin ang lahat ng sakit na naranasan ko at parang pakiramdam ko ay napakarumi kong babae.”

Gimbal na napaatras siya. Hindi niya mapigilan ang unti unting paglakas ng mga hikbi niya. Kulang na lang ay sumabog na ang dibdib niya dahil hindi na niya makayanan pa ang matinding sakit dahil sa mga natuklasan niya. Parang may bombang sumabog sa loob ng katawan niya na siyang naging dahilan kung bakit nagkapira piraso ngayon ang puso niya.

“Bullet!”

Mabagal na nag angat siya ng tingin nang marinig ang pagtawag sa kaniya ng ina.

Mas triple pa ang sakit na naramdaman niya nang mapansin ang pagkagulat at pagsisisi sa mga mata nito. Iglap lang ay nag unahan na sa pagpatak ang mga luha niya.

“Anak, magpapaliwanag ako.”

Umiling lang siya at mabilis ang mga hakbang na tinalikuran ang ina. Hindi niya pinansin pa ang malakas na pagtawag at pag iyak nito.

Masyadong magulo ang isip niya kaya paano niya pakikinggan ang mga paliwanag nito?

Papaano niya tatanggapin ang katotohanan na hindi pala ang daddy Freddy niya ang totoong ama niya?

BLACK SOULS SERIES BOOK 1: KENTON DEL TIERRO (Ongoing)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon