Kahit masamang masama ang loob dahil sa mga natuklasan at namumugto ang mga mata ay pinilit pa ring pumasok ni Bullet sa eskwelahan. Lunes ngayon at may quiz pa sila sa English subject kaya hindi pwede na basta na lang siya umabsent.
Habang kumakain ay panay ang buntong hininga niya. Nang magising siya kaninang umaga ay masakit na masakit ang ulo niya. Hindi na nga siya nag almusal dahil wala siyang ganang kumain. Pagsapit naman ng tanghalian ay mag isa lang siyang nagtungo sa cafeteria dahil absent si Megan ngayon. Wala tuloy siyang mapagsabihan ng mga problema niya.
Matamlay na isinubo niya ang kutsara na may lamang kanin at parang pinipilit na lang niya ang sariling lunukin iyon. Masama pa rin ang pakiramdam niya hanggang ngayon dahil magdamag siyang hindi nakatulog sa dami ng mga bagay na gumugulo sa isip niya.Nang maalala ang sitwasyon nila ng ina ay parang gusto na naman niyang mapabunghalit ng iyak. Daig pa nilang dalawa ang mga pulubi na namamalimos ng pagmamahal at atensiyon mula sa daddy niya. Hindi niya maintindihan kung anong klaseng sitwasyon mayroon ang mga magulang niya. Hindi sila normal na katulad ng ibang pamilya na nakikita niya at iyon ang higit na mas masakit sa kaniya.
Kinausap siya ng tita Eula niya kagabi at ito ang mismong nagsabi sa kaniya ng buong katotohanan tungkol sa nangyari sa mommy niya. Mula nang mawala ang batang dinadala ng ina ay mas lalo pa daw naging malamig ang pakikitungo dito ng daddy niya. Madalas na nagtatalo ang mga ito kaya natutong magrebelde ang mommy niya. Gabi-gabi itong nagpupunta sa mga bar at nagpapakalasing. Ang huling natatandaan daw noon ng mommy niya ay may kausap itong estrangherong lalaki bago ito tuluyang nalasing at nang magising ay nasa motel na ito.
Ang hinala nito ay may kung anong drugs na inilagay ang lalaki sa inumin nito kaya nawala ito sa sarili at agad na napasunod sa mga gusto ng lalaki. Nang magising daw ito ay mag isa na lang ito sa silid at wala na halos matandaan sa mga nangyari.
Alam ng pamilya ng kaniyang ina ang totoong nangyari dito ng gabing mawala ito dahil hindi tumigil ang daddy at lolo niya sa paghahanap dito. Ilang linggo pagkatapos nang nangyari ay natuklasan ng mommy niya na buntis ito. Bunga siya ng pagkakamali. Bunga siya ng kawalanghiyaan ng kung sinong lalaki man na gumahasa sa mommy niya.“Hey!”
Parang hinigit pataas ang puso ni Bullet nang marinig ang tinig ni Kent mula sa likuran niya. Naramdaman niya ang marahang pagtapik ng palad nito sa ibabaw ng ulo niya bago ito naupo sa tabi niya.
“Kanina pa ako nagtetext sa'yo, tinawagan din kita pero hindi naman kita macontact.” Nagtatakang tanong nito. Matamlay na umiling lang siya at hindi ito tiningnan.
“Lowbat ako.”
“Ikaw o ang cellphone mo?” itinukod nito ang siko sa ibabaw ng mesa at nakapangalumbaba na pinagmasdan siya.
“Pareho.” Parang wala sa sarili na nasambit niya. Saglit na hindi ito nakaimik at pinagmasdan lang siya.
“Bullet?” mayamaya ay tawag nito sa kaniya.“B-bakit?”
Narinig niya ang pagbuntong hininga ni Kent bago nito inagaw ang kutsara mula sa kaniya. Dinampot nito ang baso na may lamang tubig at saka iyon inilapit sa bibig niya na para bang isa siyang bata na kailangan pa nitong alalayan sa pag inom.
“Drink.” Seryosong utos nito sa kaniya.
Huminga siya ng malalim at ng ibaba niya ang tingin ay saka lang niya napansin na punong puno na pala ng kanin ang bibig niya. Kung hindi pa siguro siya inawat ni Kent kanina ay baka nabulunan na siya. Sinunod niya ang utos ng binata at halos inisang lagok lang niya ang isang basong tubig.
Hindi pa ito nakontento na alalayan siya sa pag inom dahil dinukot nito mula sa bulsa ng slacks nito ang panyo at walang imik na pinunasan ang bibig niya. Daig pa niya ang robot na nakamasid lang sa ginagawa nito.
“Why?” nagtatakang tanong nito nang mapansin na halos hindi na niya ito inaalisan ng tingin. Kumurap ang mga mata niya.
Tumigil ito sa pagpahid ng panyo sa bibig niya at ikinurap din nito ang mga mata na para bang sa pamamagitan niyon ay gusto nitong mag usap sila.
Nagulat siya ng bigla itong tumalikod sa kaniya. Inabot nito ang mga kamay niya at hinila siya palapit dito. Nawalan siya ng balanse kaya tigagal na napasubsob siya sa malapad na likod nito.
“K-kent…” naipikit niya ang mga mata nang marinig ang bulungan ng mga estudyante na nakakita sa ginawa nito.
“Umiyak ka na, nandito na ako kaya pwede ka nang umiyak.” Iniyakap nito ang mga braso niya sa baywang nito na para bang wala itong balak na bigyan siya nang pagkakataon na makawala pa dito.
Sa loob ng ilang araw na hirap na hirap siya ay parang ngayon na lang ulit siya nakahinga ng maayos. Parang unti unting natanggal ang tinik na nakabaon sa dibdib niya.
Ibinaon niya ang mukha sa mabangong likod ni Kent habang nagsisimula nang mag unahan sa pagpatak ang mga luha niya. Nawala na ang hiya niya kahit alam niyang marami ang nakakita sa ginawa ng binata. Pakialam ba niya sa mga ito. Ang importante lang sa kaniya ngayon ay ang maramdaman ang kakaibang comfort na ibinibigay sa kaniya ng katawan ni Kent.
Kahit wala pa naman siyang naiisip na solusyon sa problema niya ay sapat na sa kaniya na nandoon sa tabi niya si Kent. Kahit wala naman itong sinasabi basta nararamdaman lang niya ang presensiya nito ay sapat na iyon sa kaniya. Napailing siya at pinunasan ang mga luha sa pisngi niya.
Hay Kent! Ano ba kasing ginagawa mo sa akin?
BINABASA MO ANG
BLACK SOULS SERIES BOOK 1: KENTON DEL TIERRO (Ongoing)
General FictionNagulo ang tahimik na buhay ni Bullet mula nang tulungan niya ang isang kaklase sa pambubully ng isang mayabang na schoolmate nila. Sa pag aakalang kasabwat ng mga bully si Kent ay aksidenteng nasuntok niya ito sa mukha. Mula noon ay naging magulo...