“Hi daddy!” masiglang bati ni Bullet sa ama habang kausap niya ito sa SKYPE.
“Anak, natanggap mo na ba ang padala kong pera? Naihulog ko na kanina pa sa ATM mo.”
Tumango siya. “Dad, hindi mo na po sana ako pinadalhan pa ng pera kasi sakto naman sa amin ni mommy ang ipinapadala mo.”
Maliban sa perang ipinapadala nito na nakapangalan sa kaniyang ina ay naghuhulog din ito ng pera sa mismong ATM niya. Ayaw naman sana niya noong una na tanggapin ang bigay ng daddy niya dahil malaki naman ang kinikita ng grocery store at sapat naman sa kanilang dalawa ng ina ang pera na ibinibigay nito buwan-buwan.
“Mag ipon ka anak para may panggastos ka kapag nagcollege ka na.” Paalala sa kaniya ng ama.
Napangiti siya. Palagi nitong ipinapaalala sa kaniya na magastos mag aral sa kolehiyo kaya dapat lang daw na palagi siyang may nakatagong pera dahil hindi na daw maiiwasan ang mga biglaang bayaran lalo na kapag may project.
Paano nga ba niya magagawang maghihinakit dito kung wala naman itong ipinakitang hindi maganda sa kaniya? Kahit minsan lang niya ito nakasama ay naramdaman naman niya ang pagmamahal nito bilang ama.
Habang abala sa pagkwento ang daddy niya ng mga nangyayari dito sa ibang bansa ay kontentong pinagmasdan naman niya ang mukha nito sa monitor ng laptop niya. Hindi niya ito kahawig at kahit ang pagiging mestiso nito na namana nito sa ama na isang amerikanong sundalo ay hindi rin niya nakuha.
Ayon sa tita Eula niya ay ang mommy daw niya ang kahawig niya. Kahit sa kilos at pananalita ay hindi daw sila nagkakalayo ng ina. Ang morenang kutis niya ay namana niya dito. Tuwid at itim na itim ang hanggang baywang na buhok niya na siyang unang napapansin sa kaniya ng ibang tao.
Kahit hindi siya maputi ay palaging sinasabi sa kaniya ng best friend niyang si Megan na maganda siya. Innocent beauty daw ang tawag sa mga tulad niya. Maliit lang ang mukha niya na binagayan ng maliit at matangos niyang ilong. Medyo bilugan ang hugis ng mga mata niya. Ang mga kilay niya ay natural na manipis kaya hindi niya problema ang pagbubunot ng kilay na katulad ng madalas gawin ng ibang kaedad niya.
Sabi pa ng kaibigan niya ay simple lang naman daw siya sa unang tingnan pero sa oras na tinitigan na daw siya ng matagal ay kusang lumalabas ang natural na ganda niya.
“Kumusta naman ang grades mo, Bullet?”
“Okay naman po, daddy. Kailan ka po pala uuwi?”
Here we go again…
Parang may matalim na bagay ang sumaksak sa tapat ng puso niya nang makita ang pagkawala ng sigla sa mga mata ng kaniyang ama. Nag iwas ito ng tingin at mahinang tumikhim.
“Susubukan ko sa pasko anak, pero baka dalawang linggo lang akong magstay diyan.”
“Dad, si mommy po kasi palaging naglalasing at hinahanap ka—”
“Sa sunod na lang tayo mag usap, Bullet. Malapit nang magstart ang duty ko. Tatawag na lang ako sa'yo bukas, anak.”
Inaasahan na niya na ganoon ang magiging reaksiyon nito kaya tumango na lang siya at malungkot na nagpaalam na. Pagkatapos niyang makipag usap sa ama ay tiniklop na niya ang laptop at ipinatong sa bedside table.
Patamad na humiga siya sa kama at tumitig lang sa kisame. Hindi niya mapigilang isipin ang sitwasyon ng pamilya niya. Matagal na niyang tanggap na hindi normal ang sitwasyon ng mga magulang niya pero hindi niya maiwasan na makaramdam ng inggit sa ibang mga kaedad niya na may masayang pamilya.
“Hay!” malungkot na bumuntong hininga siya at nanatili lang na nakatitig sa kisame.
Napilitan siyang abutin ang cellphone na nasa ilalim ng unan niya nang marinig niyang tumunog iyon. Hindi na siya nag abalang tingnan pa ang pangalan ng caller at sinagot na agad niya ang tawag.
“Hello?”
“Friend! Nasaan ka ba?”
“Ano?” tumagilid siya ng higa at nakakunot noong pinakinggan ang ingay mula sa kabilang linya.
Nagtaka siya nang mapansin parang may kakaiba sa tinig ni Megan. Medyo malabo din ang signal nito kaya kinailangan pa niyang idiin ang cellphone sa tenga para lang mapakinggan ito ng mabuti.
“Hindi mo ba natanggap ang text ko sa'yo?”
“Anong text?”
“May rumble ngayon dito sa—ayyy! Basta pumunta ka na lang dito at iuwi mo na itong si Kent. Kanina ko pa itinext sa'yo kung saan ang location namin.”
“Kasama ka?!” napabalikwas siya ng bangon at biglang kumabog ng malakas ang dibdib niya nang marinig ang pangalan na binanggit nito.
“Basta pumunta ka na lang, saka na ako magpapaliwanag. Safe naman ako kasi nakapagtago ako pero itong si Kent—”
“Wala akong pakialam sa kaniya! Umuwi ka na kung ayaw mong isumbong kita sa pamilya mo.” May duda na siya kung bakit ito kasama ng Black Souls.
Wattpad writer kasi si Megan at gusto daw nitong pag aralan ang tungkol sa kilalang grupo sa campus nila para sa kwentong isinusulat nito. Siguradong nag ala-stalker na ang kaibigan niya at sinundan ang grupo nila Kent.
Hindi na rin nakapagtataka kung mapasabak man sa rumble ang Black Souls. Ilang beses na rin kasing nangyari ang ganoon dahil may mga grupo na gustong humamon sa grupo nila Kent. Marami kasi ang naiinggit sa mga ito dahil sa atensiyon at respeto na ibinibigay dito ng mga teacher at estudyante sa eskwelahan nila.
“Sige na friend—”
“Hello?” natigilan siya nang mawala sa kabilang linya si Megan.
Inis na humilata ulit siya sa kama at pilit na binalewala ang sinabi nito. Pakialam ba niya kung mapahamak si Kent? Naiinis pa rin siya dito dahil sa ginawa nito sa kaniya noong isang araw.
Pero papaano kung may mangyaring masama sa kaniya?
Tanong ng kabilang bahagi ng isip niya. Marahas na napabuntong hininga siya at padabog na bumangon ulit.
“Kainis! Bahala na nga!”
BINABASA MO ANG
BLACK SOULS SERIES BOOK 1: KENTON DEL TIERRO (Ongoing)
General FictionNagulo ang tahimik na buhay ni Bullet mula nang tulungan niya ang isang kaklase sa pambubully ng isang mayabang na schoolmate nila. Sa pag aakalang kasabwat ng mga bully si Kent ay aksidenteng nasuntok niya ito sa mukha. Mula noon ay naging magulo...