8

491 20 0
                                    


“Minsan ba naisip mong hanapin ang totoong daddy mo?”

Pawisan at hinihingal na tumigil sa pagtakbo si Kent sa gitna ng basketball court nang marinig ang tanong ni Dark. Nakahanap naman nang pagkakataon si Thaddeus na maagaw sa kaniya ang bola at mabilis na itinira nito ang bola sa ring.

Ngumiwi si Dark at nagpeace sign sa kaniya dahil sa nangyari. Tiningnan niya lang ito ng masama at muling nakipaggitgitan sa mga kaibigan para maagaw ulit niya ang bola. Napagkasunduan nilang maglaro ng basketball. Hindi naman sila nahati sa dalawang grupo dahil nagkaniya kaniya sila. Ang may pinakakaunting points ang siyang matatalo at manlilibre ng meryenda.

“Sabi ko naman sa inyo 'di ba ayokong pinag uusapan natin ang mga ganiyang bagay kapag nasa school tayo.” Sabi niya.

Nag aalala siya na baka may makarinig sa kanila kapag napag uusapan ang tungkol sa totoong pagkatao niya. Sa oras na malaman ng iba ang totoo ay siguradong magiging malaking eskandalo iyon. Maliban kasi sa mataas ang posisyon ng daddy niya ay nabibilang naman ang mommy niya sa isang relihiyosong pamilya at hindi gugustuhin ng mga ito na mapag usapan ng publiko.

“Wala naman ibang tao dito sa basketball court kaya okay lang,” ani Lenox. Pinagtawanan ito ng iba nilang kaibigan nang matumba ito sa sahig ng aksidenteng masiko ito ni Chad.

“Sorry!”

“Argh!” nakasimangot na hinila ni Lenox ang isang paa ni Chad kaya natumba na rin ito.

Hindi niya alam kung nainggit lang sila Jared o baka talagang pagod na ang mga ito dahil nahiga na rin ang mga ito sa sahig.

Pumalatak siya at yakap sa isang braso ang bola na tiningnan ang mga kaibigan niya. Kagaya niya ay pawisan at hinihingal na rin ang mga ito dahil sa mahigit kalahating oras na paglalaro nila ng basketball. Naupo lang siya sa tabi ni Thaddeus at hinayaan ang anim na nakasalampak ng higa sa gitna ng basketball court.

“Kapag naabutan na naman ako ni miss sungit dito baka paglinisin niya ako ng buong basketball court.” Naiiling na turan ni Cross sa kanila.

“Ewan ko nga ba kung bakit bigla ka na lang napapasunod ni Annika, may utang ka ba sa kaniya?” tanong ni Jared.”

“'Tol, hindi ko alam kung anong naisip ng daddy ko at bigla na lang niya akong pinagtrabaho sa karinderya na pag aari ng lolo ni Anikka. Akala ba ninyo gusto ko na inaalipin ako ng isang iyon? Kung alam lang ninyo kung anong klaseng pagtitimpi ang ginagawa ko para hindi ko siya—”

“Mahalikan?” singit ni Chad.

Naghiyawan pa sila nang mapansin ang pamumula ng mga pisngi ni Cross.

“Shut up!” naiinis na bulyaw nito sa kanila. “'Eh mas malupit naman si Chad kasi siya may stalker.” Lahat sila ay bumaling ng tingin kay Chad. Napalis ang ngisi sa mga labi nito at nag iwas ng tingin.

“Ako naman ang nakita ninyo?”

“Anong meron sa inyo ni Megan?” tanong niya.

“Wala, ewan ko sa isang iyon. Fan na fan ng Black Souls at balak pa tayong gawing bida sa Wattpad story niya.”

“Pumayag ka?” gulat na tanong ni Jarred.

“Siyempre hindi. Pero may magagawa ba ako para pigilan siya? At saka bakit ako ba ang pinag uusapan dito? Itong si Kent ang totoong may issue.”

“Ako?” nagtatakang itinuro niya ang sarili. “No way,”

“Bakit sabi ng driver mo halos mamatay ka daw sa pag aalala no’ng biglang nawala si Bullet at hinanap pa ninyo.”

Sa inis niya ay ibinato niya kay Chad ang bola. Maagap na nasalo naman nito ang bola at ibinato kay Lenox na ipinasa naman kay Jared hanggang sa pagpasa pasahan na nilang pito ang bola.

“Masyadong exaggerated si manong driver, bakit naman ako mag aalala?”

“At nagsama sama na naman po ang mga pasaway. Hoy, Cross! Umuwi na tayo, hinahanap na tayo ni lolo dahil marami daw tao sa karinderya ngayon.”

Muling nagtawanan ang mga kaibigan niya nang marinig nila ang sinabi ni Annika na kadarating lang. Mabilis ang mga hakbang na lumapit ito sa kanila at naniningkit ang mga mata na napako ang tingin nito kay Cross.

Inis na bumangon naman si Cross at tiningnan ng masama ang babae. Tumitig lang siya sa dalawa at sa halip na mainis sa sinabi ng babae na mga pasaway sila ay parang mas naaliw pa siya. Napansin din niya sa paraan nang pagtitig dito ng kaibigan niya ay nasisiguro niya na may kakaiba nga talaga sa mga ito. Kilala niya si Cross, hindi ito papayag na basta na lang ito pagsalitaan at sigawan ng kung sino. Pero bakit pagdating kay Annika ay parang tumitiklop naman ang mga tuhod nito?

Nakangising tiningnan niya lang ang dalawa bago niya naramdaman ang pagsiko sa kaniya ni Thaddeus.

“Nandiyan na ang sundo mo 'tol,”

“Ha?” naikurap niya ang mga mata at sinundan ng tingin ang direksiyon na itinuro nito.

Biglang bumilis ang tibok ng puso niya nang makita si Bullet na papalapit sa direksiyon nila. Mabilis na tumayo siya at patakbong lumapit dito. Hindi naman sa ayaw niyang marinig nito ang pinag uusapan nilang magkakaibigan pero may palagay kasi niya na hindi ito titigilan sa pang aasar ng mga kaibigan niya. 

“Bakit nandito ka?” tanong agad niya kay Bullet.

Kumunot ang noo nito at tumingin sa kaniya.

“Wala ka bang ipag uutos?” nagtatakang tanong pa nito.

“Ah…” shit!

Buong araw niya itong hindi ipinatawag kahit pareho silang nasa eskwelahan. Alam naman kasi niya na busy ito ngayon dahil examination week na nila. Kaya na rin siguro mabilis itong nakatulog noong isang gabi kahit nasa kalsada ito ay dahil sa matinding pagod at puspusan siguro ang pagrereview nito.

“Nagpunta lang ako dito para magpasalamat sa ginawa mo noong isang gabi. Pasensiya na kung umuwi agad ako at hindi ko na hinintay pa na magising ka. Siguradong hahanapin kasi ako ni mommy at isa pa ayokong malate sa first subject kaya umuwi na agad ako. Para sa'yo nga pala,”

“Ha?” natigilan siya nang iabot nito sa kaniya ang maliit na food container. Transparent iyon kaya nakita agad niya ang laman. “C-cookies?”

“Thank you gift ko sa'yo sa—”

“Uy! Cookies! Pahingi!”

Parehong nanlaki ang mga mata nila ni Bullet nang makita si Lenox na tumatakbo papalapit sa direksiyon nila. Mabilis na hinawakan niya ang kamay nito at magkasabay pa silang tumakbo palayo.

“Saan tayo pupunta?”

Saan nga ba? Shit! Kahit kailan talaga Lenox ang takaw mo!

BLACK SOULS SERIES BOOK 1: KENTON DEL TIERRO (Ongoing)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon