“Nakakainis!” padabog na binuksan ni Bullet ang pinto ng stockroom at nakasimangot na pumasok siya sa loob.
Hanggang ngayon ay naiinis pa rin siya sa tuwing naaalala ang ginawa ni Kent. Parang gusto pa rin niyang masuka dahil sa patay na ipis na inilagay nito sa balikat niya kanina.
Naglakad siya at tinungo ang harap ng isang malaking cabinet bago niya mariing ipinikit ang mga mata. Kung hindi niya kakalmahin ang sarili ay baka bigla na lang siyang magbuga ng apoy dahil sa sobrang galit niya.
“Bwisit talaga ang kulugong iyon. Palibhasa walang magawa sa buhay!” nanggigigil na binuksan niya ang tokador para maghanap ng bagong bedsheet na ilalagay sa kama nito. “"Humanda ka lang talaga sa akin dahil kapag may pagkakataon ako—oh!” natigilan siya saglit at pinasadahan ng tingin ang mga bedsheet na nakasalansan ng maayos sa loob ng cabinet.
Nakatiklop ng ayos ang mga bedsheet at magkasama ang magkakaparehong kulay. Napangisi siya nang magawi ang mga mata niya sa hilera ng mga bedsheet na kulay pink.
Humalakhak pa siya na parang si Santa Claus at nagsimulang maghalungkat ng may maisip siyang magandang plano. Nang makapili na ay excited na bumalik siya sa silid ni Kent. Nakahinga siya ng maluwag nang mapansin na hindi pa rin ito bumabalik sa loob.Pero pakialam ba niya kung saang sulok ito ng mansiyon naroon ngayon? Mas mabuti na nga na wala ito sa paligid dahil kailangan na niyang maisagawa agad ang plano niya.
Pumalakpak siya at natatawang sinimulan na ang planong pagganti. Una niyang nilagyan ng punda ang mga unan. Kulay pink ang mga pillowcase na may mga puso pang disenyo. Pagkatapos ay inayos niya ang manipis at puting bed cover bago niya inilapat doon ang bedsheet. Hindi pa man siya natatapos sa ginagawa ay bigla nang dumating si Kent.
Habang nakaluhod siya sa kama at inilalapat ang malambot na tela ng bedsheet ay napatingin siya sa direksiyon nito. Ang nakahanda na sana nitong ngisi ay biglang naglaho nang mapansin ang ginagawa niya.
“Ano 'yan?” dumagundong ang tinig nito sa buong silid pero hindi naman siya natinag.“Naglalagay ng bagong cover sa kama mo. Ayaw mo?” painosenteng tanong niya.
“Marunong ka bang tumingin ng kulay?” parang mauubusan na ng pasensiya na itinuro nito ang bedsheet. “Sa tingin mo babagay ang kulay niyan sa kwarto ko?”
“Uh,” nagkunwari siyang natigilan at inilibot ang tingin sa buong silid.
Oo nga naman, talagang hindi bagay ang pink na bedsheet sa black and blue na motif ng silid. Pansin niya ay mahilig sa mga dark color si Kent kaya talagang magagalit ito sa kaniya.
“Palitan mo.” Utos nito.
“Ay, ayoko! Sa third floor pa ang stockroom 'eh. Halos hingalin na nga ako kanina sa paghahanap ng stockroom tapos pababalikin mo pa ako. Sa laki ng bahay ninyo sana naman nagpagawa ng elevator ang mga magulang mo. Nakakaawa naman ang mga maid na araw-araw naglilinis dito.”“Wala akong pakialam basta palitan mo 'yan.”
“Ayaw mo ba sa pink?”
“Sa tingin mo ba gusto ko ng pink?”
Napalabi siya. “Malay mo naman maging masarap ang tulog mo 'di ba? At saka okay naman ang kulay pink. Kapag umuwi ka galing school at badtrip ka pwede kang tumingin sa bedsheet tapos mapapangiti ka na lang at gugustuhin mo nang matulog.”
Kulang na lang ay tumalon na siya sa tuwa nang makita ang matinding inis sa gwapong mukha ni Kent. Oo, kahit abot hanggang sa dulo ng mundo ang inis niya dito ay hindi naman siya bulag para hindi aminin na talagang gwapo ito.Sa totoo lang ay masyadong maamo ang mukha nito at kung hindi lang niya ito kilala ay iisipin pa niya na isa itong mabait at inosenteng anghel.
Pero malayong malayo naman sa ugali ng mabait na anghel ang ugali niya!
Walang pangit sa mukha ni Kent at iyon ang talagang nakakainis. Kayang kaya niyang pintasan ang ugali nito pero pagdating sa pisikal na katangian nito ay wala naman siyang masabi.
Matangkad ito at dahil nga sanay sa pakikipagbasag ulo ay hindi na nakapagtataka na may porma na ang mga balikat at braso nito. Mestiso ito na mas lalong nagpalutang sa sex appeal nito. Ang una niyang napansin dito ay ang magandang pares ng mga mata nito na binagayan ng malalantik na pilikmata. Medyo makapal at parang sa babae ang pagkaarko ng mga kilay nito. Ang manipis na mga labi nito ay natural na mapula na parang palaging nakalipstick.
“Humanda ka sa akin kapag hindi mo pinalitan 'yan.” Banta ni Kent na nagpabalik sa naglalakbay niyang diwa.
Muli siyang tumingin sa lalaki. Napapalatak siya nang mapansin na magulo pa rin ang buhok nito hanggang ngayon.
“Ayoko.” Mariing sabi niya.
“Ayaw mo?”
“Talaga—aaaay!” malakas na tumili siya nang lumapit ito sa kaniya at agawin nito ang dulo ng bedsheet na hawak niya.
Ilang sandali pa at naghihilahan na sila sa bedsheet. Kahit pagod at unti unti nang nauubos ang lakas niya ay hindi siya basta nagpatalo dito.
Pero hindi siya nagtagumpay na maagaw ang bedsheet kay Kent dahil nang hilahin muli nito iyon mula sa kaniya ay nawalan siya ng balanse at gulat na bumagsak siya sa kama.
Natigagal siya ng aksidenteng mahawakan niya ang laylayan ng damit nito dahilan para matumba ito sa mismong ibabaw niya.
Nanlaki ang mga mata niya at gimbal na nahigit niya ang paghinga. Pakiramdam niya ay tumigil saglit ang normal na pagtakbo ng oras nang magtama ang mga mata nila ni Kent.
Para siyang hinihigop nang malakas na puwersa kaya hindi niya magawang umiwas ng tingin dito. Napakabilis na ng tibok ng puso niya ng mga sandaling iyon. Dahan dahan siyang lumunok at naikuyom ang mga palad na nakapwesto sa may bandang ulunan niya na mariing hawak naman nito.
“K-kent…” mahinang usal niya.
Hindi ito nagsalita at nanatiling nakatitig lang sa kaniya na para bang walang sawang pinag aaralan nito ang bawat sulok ng mukha niya. Ano ba ang plano nitong gawin sa kaniya?
Nahigit niya ang paghinga nang dumako ang mga mata nito sa mga labi niya. Napalunok siya at hindi na makapag isip pa ng maayos nang dahan dahang bumaba ang mukha nito palapit sa mukha niya.
“Ano ba ang nangyayari sa—Kenton!”
Pareho silang natigilan nang marinig ang boses ni manang Lolet. Sa pagkataranta niya ay nahawakan niya sa magkabilang balikat ang binata at itinulak ito. Hindi nito inaasahan ang ginawa niya kaya nagulat ito at bumagsak sa sahig.
“Ano ba!” bulyaw nito sa kaniya.
Nakangiwing bumangon ito habang sapo ang nasaktang balikat.
Tiningnan niya lang ito ng masama at nanginginig ang buong katawan na bumangon na siya habang tutop niya ang mga labi. Si manang Lolet naman ay nakatulala lang at nagpapalipat lipat ang tingin sa kanilang dalawa ni Kent. Kung hindi ito dumating ay baka tuluyan na siyang nahalikan ng lalaki. Mangiyak ngiyak na humingi siya ng pasensiya sa matanda bago tiningnan ng masama ang amo nito.
Natigilan naman si Kent nang magtama ang mga mata nila. Hinintay niya itong humingi ng tawad sa kaniya pero hindi naman nito ginawa kaya mas lalo lang siyang nainis dito. Hanggang sa hindi na niya napigilan ang pag iinit ng sulok ng mga mata niya.Namutla ito nang makita ang pag iyak niya.
“Bullet—I—”
Hindi na niya hinintay pa ang ibang sasabihin ni Kent at basta na lang siya tumakbo palabas ng silid nito.
BINABASA MO ANG
BLACK SOULS SERIES BOOK 1: KENTON DEL TIERRO (Ongoing)
Fiction généraleNagulo ang tahimik na buhay ni Bullet mula nang tulungan niya ang isang kaklase sa pambubully ng isang mayabang na schoolmate nila. Sa pag aakalang kasabwat ng mga bully si Kent ay aksidenteng nasuntok niya ito sa mukha. Mula noon ay naging magulo...