10

476 16 1
                                    

“Balitang balita sa radyong sira-sira, sino itong kaklase natin na napapabalitang jowa na daw ng leader ng Black Souls?”

Kahit abala sa pagbabasa ng science book si Bullet ay agad na nakuha ng baklang kaklase niya ang atensiyon niya. May meeting ang mga teacher kung kaya ang karamihan ng mga kaklase nila at iba pang mga estudyante ay pakalat kalat lang sa campus. Mabilis na tiniklop niya ang libro nang maramdaman ang pagsiko sa kaniya ni Megan. Tiningnan siya nito ng makahulugan pero hindi naman siya nagsalita.

“Naniniwala ba kayo, classmates?”

Naghiyawan ang mga kaklase nila at ang iba ay isinisigaw pa ang pangalan niya. Inis na napabuga siya ng hangin at wala na sanang balak na patulan pa ang mga ito pero muli na naman bumanat ang kaklase nya.

“Hindi ko akalain na may itinatago din pa lang kalandian itong si Bullet. Akala ko dati puro aral lang ang alam niya.”

“Pwede ba Ferdinand!” hindi na nakapagtimpi pa si Megan at galit na hinarap na nito ang kaklase nila.

Tumayo siya at inawat ang kaibigan niya. Kilala niya ito at alam niyang hindi ito magpapatalo.

“Ferrie ang pangalan ko, excuse me!” nakairap na wika nito.  

“Ferrie.. mukha ka ng superferry sa sobrang taba mo!” buska ni Megan dito.

Naghagalpakan ng tawa ang mga nakarinig. Nainis naman si Ferrie at tumayo na rin. Nakapamaywang na hinarap nito si Megan.

“Ano naman kung mataba ako? At least hindi ako malandi!”

Naikuyom niya ang mga palad at matalim na tumingin kay Ferrie. Tuluyan nang sumabog ang inis niya dahil sa huling sinabi nito.

“Anong karapatan mong husgahan ako?” galit na sinigawan niya ito.

Wala naman sana siyang balak na patulan ito pero kung may plano itong insultuhin siya ay hinding hindi siya magpapatalo.

“Talaga naman ‘eh. Manang mana ka sa mommy mo, sabi pa nga sa akin ni mommy, nabuntis lang naman daw ng daddy mo ang mommy mo kaya sila nagpakasal. Kaya ka nga walang daddy ngayon kasi hindi naman niya kayo mahal.”

“Tumigil ka na!” nanginginig ang buong katawan sa galit na sigaw niya. Tumawa lang ito nang mapansin na parang maiiyak na siya.

“Malandi!”

Tuluyan nang nagdilim ang paningin niya. Kahit mas malaki ito ay tuluyan na siyang hindi nakapagtimpi at mabilis na hinila niya ang kwelyo ng damit nito. Nagulat ito at hindi agad nakakilos kaya nagawa niya itong maisalya sa sahig. Hindi pa siya nakontento sa narinig na pagdaing nito dahil umibabaw siya dito at mariing sinabunutan niya ang buhok nito. Tinangka siyang awatin ni Megan pero kahit ito ay naitulak din niya.

“Wala kayong karapatan na insultuhin ang nanay ko! Hindi ninyo alam kung gaano kasakit para sa kaniya na iwan kami ng daddy ko. Hindi ninyo alam! Wala kayong alam sa nararamdaman namin!” pinagkakalmot niya si Ferrie at kahit nararamdaman na niya ang masakit na pagbaon ng mga kuko nito sa braso niya ay hindi siya natinag at patuloy lang na sinaktan ito.

“Kent!” sigaw ni Megan. Parang doon lang siya natauhan at hinihingal na binitiwan niya ang umiiyak na si Ferrie.

“Tama na.” awat ni Kent sa kaniya.

Hinawakan nito ang magkabilang braso niya at maingat na itinayo siya nito. Ang mga kaklase nila ay biglang natahimik at parang natakot dahil sa pagdating nito. 

Napasinghap siya ng hindi sinasadyang madiinan ni Kent ang mga sugat niya sa braso. Mabilis na umiwas siya sa lalaki habang basang basa na ng luha ang mga pisngi niya.

“I’m sorry…” natitigilang sabi naman nito.

Gulat na nag angat siya ng tingin dito. Pero nang maalala na ito ang dahilan kung bakit siya biglang ginulo ni Ferrie ay hindi niya mapigilan ang biglang pag alsa ng matinding galit sa dibdib niya. Pumiksi siya nang subukan siya nitong alalayan.

“Kasalanan mo ito, kasalanan mo kung bakit hindi na naging tahimik ang buhay ko sa eskwelahang ito!” mariing sumbat niya at mabilis na naglakad na palabas ng classroom.

Parang wala sa sarili na naglakad si Bullet ng walang kapaguran habang patuloy sa pagpatak ang mga luha niya. Mas lalo pa siyang napaiyak nang mapansin ang pagtataka at pagkagulat sa mukha ng mga estudyanteng nasasalubong niya.

Alam niya na mukha na siyang bruha dahil sinabunutan din siya ni Ferrie kanina. Hinaplos niya ang isang braso nang maramdaman ang pagtulo ng dugo niya mula doon. Awang awa siya sa sarili niya ng mga oras na iyon. Pakiramdam niya ay gusto talaga siyang pagkaisahan ng lahat dahil alam naman ng mga ito na wala siyang kalaban laban.

“Bullet!”

Nang marinig ang pagtawag ni Kent ay mas lalo pa niyang binilisan ang paglalakad. Pero huli na para maiwasan niya ito. Mabilis na nakalapit ito sa kaniya at marahang hinila ang isang braso niya. Nang pumihit siya paharap dito ay nakita niya ang matinding pag aalala sa mga mata nito.

“Shit!” malakas na pagmumura nito nang makapa ang dugo sa braso niya.

“Oh, God…a-are you okay?”
natatarantang tanong nito.

Nakataas ang isang kamay nito pero hindi naman alam kung saang parte ng katawan niya hahawak ng hindi siya nasasaktan.

“Dahil ba sa akin kaya ka niya ginulo kanina? I’m sorry—hey!” muli itong nataranta nang tuluyan na siyang mapabunghalit nang iyak. 

Hindi na siya tumutol pa nang hilahin siya nito at maingat na dalhin sa mainit na mga bisig nito. Wala na rin siyang pakialam kahit na nasa gitna pa sila ng hallway at maraming nakakita sa ginawa ni Kent. Ang tanging gusto lang niya ngayon ay ang makulong sa mga bisig nito at maramdaman na sa kabila ng lahat ng takot at galit na naramdaman niya kanina ay may kakampi pa rin siya.

Masuyong hinagod ni Kent ang likod ng ulo niya habang nakapatong ang braso nito sa balikat niya at ang isang kamay ay nakapaloob naman sa baywang niya. Tuluyan na siyang kumalma nang maramdaman ang ginawa nito.

“Walang mangyayaring masama sa'yo. Ako ang mismong aayos ng gulong ito.” Seryosong wika nito.

Tumango lang siya at nagsumiksik sa mga bisig ni Kent. Alam niyang ligtas na siya ngayon dahil nasa tabi na niya ito. Walang kahit sino man ang magtataka na mang insulto o manakit sa kaniya dahil proprotektahan siya ni Kent.

Ah! Sino ba ang may sabi na ang slave lang ang pwedeng magligtas sa master nito?

BLACK SOULS SERIES BOOK 1: KENTON DEL TIERRO (Ongoing)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon