9

492 21 2
                                    

Naku talaga naman!

Parang sasabog na sa inis na tiningnan ni Bullet ng masama si Kent habang abala ito sa pagpili ng mga mamahaling damit sa loob ng isang kilalang clothing store. Kung makapag aksaya ito ng pera ay parang wala ng darating pang bukas.

Napangiwi pa siya nang maramdaman ang pangangalay ng mga braso niya dahil sa sangkaterbang poloshirts at t-shirts na bitbit niya. Lahat daw ng mga iyon ay bibilhin ni Kent kaya ibinigay sa kaniya.

"Mam, ako na po,"

"Thank you," nakaramdam siya ng matinding relief nang lumapit ang saleslady at kunin mula sa kaniya ang mga damit at dinala na nito iyon sa counter.

Inunat niya ang mga braso para mawala na ang pangangalay ng mga kalamnan niya. Umakto pa siya na sumusuntok sa ere at napagdiskitahan niya na itutok ang mga kamao niya sa likod ni Kent. Kahit hindi naman ito tinatamaan ay panay ang igkas ng mga kamao niya.

"Ay!" namutla siya ng biglang lumingon sa kaniya si Kent at hindi sinasadyang tinamaan ito sa kaliwang panga ng mahinang suntok niya.

"Ano ba kasing ginagawa mo?!" inis na bulyaw nito sa kaniya. Natutop niya ang mga labi at nakangiwing humingi ng pasensiya sa lalaki.

"Nag uunat lang ako, ikaw kaya ang magbitbit ng mga damit na sa sobrang dami ay hindi na siguro magkakasya sa aparador. Masakit ba?" lumapit siya kay Kent at sinapo ang kaliwang pisngi nito. Hindi agad ito nagsalita at nakatulalang tumitig lang sa kaniya. Nagtatakang sinalubong niya ito ng tingin. "Okay ka lang?"

"Huh?" kumurap ang mga mata nito at nalilitong tumingin sa kaniya.

Nanlaki ang mga mata nito nang mapansin ang palad niya na nakalapat sa pisngi nito. Siya naman ang natigilan at kumakabog ang dibdib na bumitiw na dito. Nagusot ang ilong nito at sa pagkagulat niya ay basta na lang pinagdadampot ang mga t-shirt na nakahanger at ibinigay sa kaniya.

"Ganito karami?" hindi makapaniwalang bulalas niya.

Kahit siguro isang linggo ay hindi sasapat kung gugustuhin nitong isuot ang lahat ng mga damit na napili nito.

"Marami akong pera at hindi ako maghihirap kahit bilhin ko ang lahat ng mga damit na nandito." Supladong sabi nito at basta na lang lumayas sa harap niya.

"Yabang!" nakaismid na turan niya at sumunod na dito sa counter.

Kahit nang makalabas na sila ng stall ay inis na inis pa rin siya kay Kent. Ginawa lang naman siya nitong tagabitbit ng sangkaterbang paperbags habang naglilibot sila sa third floor ng mall.

Kung siya lang ang masusunod ay may gusto pa niyang umuwi na lang at magpahinga. Masakit na ang mga paa niya dahil sa walang katapusan na paglilibot nila sa mall. Nang magawi sila sa isang maliit na stall ay natigilan siya ng biglang nakaramdam ng excitement. Hindi na niya inintindi pa si Kent at walang paalam na pumasok siya sa loob ng stall.

Inilapag niya sa sahig ang mga dalang paperbags at tumingin ng mga nakadisplay na bracelet sa loob ng estante. Dahil medyo mababa ang estante ay bahagya siyang yumukod para mas makita niya ng mabuti ang mga bracelet. Saktong bumaling ang ulo niya pakaliwa ay ang mukha na ni Kent ang tumambad sa kaniya. Nakayukod din ito na para bang ginagaya ang ginagawa niya.

"Ano ba!" inis na saway niya sa lalaki. Bahagya siyang lumayo dito ng muli siyang makaramdam ng pagkalito at para bang umiikot pabaliktad ang sikmura niya.

"Bakit kasi bigla ka na lang nawawala sa likod ko?" nakakunot noong tanong ni Kent.

Nakagat niya ang mga labi nang mapansin na parang kinikilig ang mga saleslady na nakatitig dito. Sa totoo lang ay kanina pa ito pinagtitinginan ng mga taong nakakasalubong nila sa mall pero parang balewala naman iyon dito. Parang wala itong pakialam kahit kanina pa ito sinusundan ng tingin ng mga babaeng naroon.

"Tumingin lang ako ng bracelet, tara na,"

"Ma'am, sir, baka po gusto ninyo ng couple bracelet? May bagong labas po kami ngayon." Alok ng saleslady sa kanila.

Nilingon niya ito para sana tumanggi pero nang ilabas nito mula sa estante ang couple bracelet ay napasinghap na siya.

"Ang ganda!" humahangang bulalas niya. Silver bracelet iyon na may infinity design sa bandang harapan.

"Pwede po bang isa lang ang bilihin?"
Magalang na ngumiti ang saleslady.

"Ma'am para po talaga sa mga couple ito. Hindi po pwedeng isa lang ang ibenta namin."

"Ganoon ba?" nanlumo siya sa narinig.

Matagal na kasi siyang naghahanap ng bracelet na may infinity design. May nakita naman siya sa ibang mall at online shop pero hindi niya gusto dahil masyadong maarte ang disenyo ng ibang bracelet. Ang infinity bracelet sa shop na iyon ang nagustuhan niya dahil sa simpleng design kaya lang ay hindi naman pala pwede na isa lang ang bilihin niya.

"Miss, pakiready na," singit ni Kent sa usapan nila ng saleslady. Nagulantang siya at nagtatakang tumingin dito.

"Ano?"

Hindi siya nito pinansin at muling inutusan ang babae. Ilang sandali pa ay nakapagbayad na si Kent at hawak na nito ang bracelet. Halos malaglag ang puso niya sa sahig nang hawakan nito ang kanang kamay niya. Aktong isusuot nito ang bracelet sa kamay niya ng bigla siyang magprotesta.

"B-bakit mo isinusuot sa akin iyan? Hindi tayo couple!" kumakabog ang dibdib na saway niya dito.

"So? Slave kita at ako naman ang master mo, dapat lang na sumunod ka sa akin." Nakakunot noong turan nito.

Tuluyan na siyang hindi nakaimik at nakatulalang tiningnan lang niya ang ginagawa nito. Mayamaya pa ay napahinga na lang siya ng malalim nang makita na suot na nilang dalawa ang couple bracelet na binili nito.

"So, hindi pala ito couple bracelet. Parang master-slave bracelet, ganoon?" walang kakurap kurap na anas niya.

Tumango si Kent. "Ang bracelet na iyan ang magpapaalala sa'yo na ako lang ang master mo."

"Wow, thank you, ha?" pasarkastikong sabi niya.

Ngumisi ito. "Ang bait ko ba?"

Inis na umismid siya at nagdadabog na binitbit na ang mga paperbags. Nang marinig ang mahinang pagtawa nito ay hindi niya mapigilan ang ngumiti. Parang sasabog ng malakas ang puso na napailing na lang siya at hindi na pinansin pa si Kent.

Parang bata talaga!

BLACK SOULS SERIES BOOK 1: KENTON DEL TIERRO (Ongoing)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon