12

482 16 1
                                    


“Nakakainis din talaga ang mga ganiyang lalaki, ang sarap ilibing ng buhay ‘eh.”

Kahit panay ang tulo ng luha ay hindi mapigilan ni Bullet ang matawa nang marinig ang sinabi ni ate Moneth. Kahera nila ito sa grocery store at night shift ang schedule nito. Ito ang madalas na kachikahan niya dahil kapag ganoong oras at hindi pa siya inaantok ay nakasanayan na niyang tumambay sa grocery store.

Bente kuwatro oras na nakabukas ang store dahil karamihan ng mga establishment na katabi nila ay late nang nagsasara.

“Kapag ako nagkaroon ng boyfriend na manloloko na katulad nitong Tikoy na ito, siguradong ipapakain ko sa kaniya ang forever niya!” umiiyak na sabi ulit ni ate Moneth.

Ang ibang customer na tumitingin sa mga estante ay napapatingin na lang sa kanilang dalawa.

Nakinig kasi sila ng love confession sa paboritong radio station ni ate Moneth at pareho silang naawa kay Mona—ang babaeng nagconfess kay Dj Jack. Ayon sa kwento ni Mona ay nabuntis ito sa edad na fifteen pero hindi naman ito pinanagutan ng boyfriend nito.

Nagtago daw ang lalaki mula nang malaman nito na dalawang buwan na palang buntis si Mona. Pinalayas si Mona ng mga magulang at nakitira sa kaibigan nitong si Jed. Dahil sa awa ay ang mga magulang ng kaibigan nito ang gumastos ng lahat ng pangangailangan nito hanggang sa makapanganak na ito.

“Mabuti na lang talaga ay may mga lalaking katulad ni Jed.” Humihikbing pinaglaruan niya sa kamay ang ballpen na hawak niya habang nakaupo siya sa mataas na stool.

Nakakatuwang isipin na may lalaki pang katulad ni Jed na kahit alam nitong may nakaraan si Mona ay minahal at tinanggap pa rin nito ang babae. Sa ngayon ay tatlong taon ng kasal ang mga ito at nag aaral na ng Nursing si Mona. Si Jed naman ay nagtrabaho sa ibang bansa para matustusan ang pangangailangan ng pamilya nito.

Habang pinupunasan niya ang luha ay hindi sinasadyang nagawi ang tingin niya sa glass door. Natigilan siya nang makita na nakaparada sa labas ang kotse ni Kent. Nakatayo sa tabi ng sasakyan ang driver nito at nang mapansin siya ay nakangiting kumaway pa sa kaniya.

“Lalabas lang ako, ate.” Nagmamadaling paalam niya sa kasamang kahera.

“Kuya,” tawag niya sa driver nang makalapit na siya dito.

“Ma’am, pasensiya na kung ganitong oras kami nagpunta dito.”

“May problema po ba?” nagtatakang tanong niya sa driver ni Kent.

“Ah, mukhang may problema po si sir.” Napakamot ito sa batok at nag iwas ng tingin sa kaniya. "'Bili lang po ako ng yosi at pagkain sa loob.” Paalam nito.

Nagtataka man ay hinayaan na lang niya ito at lumapit na sa bintana ng backseat at saka siya kumatok.

Ilang sandali pa siyang naghintay bago bumukas ang pinto ng sasakyan at bumaba mula doon si Kent. Naikurap niya ang mga mata nang makita ang hitsura nito. Black tuxedo ang suot nito na bumagay sa tangkad at magandang built nito. Brush up ang style ng buhok nito kaya mas nagmukha itong binatang binata kompara sa totoong edad nito.

Hindi niya mapigilan ang matulala habang pinagmamasdan ang binata. Pakiramdam niya ay parang may higanteng mga paruparo ang nagliliparan sa loob ng dibdib niya. Hindi niya magawang ilayo ang mga mata sa gwapong mukha ni Kent dahil parang may magnet ang biglang humila sa kaniya kaya nakontento na lang siyang titigan ito.

Naikurap niya ang mga mata nang marinig niya ang mahinang pagtikhim ng lalaki. Siguro ay nailang na ito dahil sa paraan ng pagtitig niya. Pinilit niyang ngumiti kahit parang gusto nang matunaw ng puso niya habang walang sawang pinagmamasdan ito.

BLACK SOULS SERIES BOOK 1: KENTON DEL TIERRO (Ongoing)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon