New Identity

8.8K 198 6
                                    

WALA SA sariling inilahad na lang ni Xaniel Revilla ang palad sa cashier ng drive-thru outlet ng fast food restaurant na binilhan niya ng kanilang hapunan ni Ayeth. Kasalukuyang nakapila roon ang kotse niya.  Kagagaling lang niya sa opisinang pinapasukan sa Escolta. Kausap niya ang kapatid sa cell phone. May tinanggap na raw itong boarder sa kuwartong paupahan nila na kababakante pa lang.
“Thank you, sir,” sabi ng cashier kasunod ng busina sa likuran.
Saka pa lang siya nauntag at pinausad na ang kotse. “Hiningan mo ba ng police clearance at ID ‘yang boarder na tinanggap mo?” patuloy na interogasyon niya sa kapatid.
“Kuya, di ba nga sabi ko sa iyo kanina, nag-stokwa siya? Kaya walang nadalang police clearance. Wala ding ID. Pati nga damit niya konti lang. Pero at least may pera. Kapag umoo ka, ibibigay na niya sa akin ang deposit at advance payment.”
“Ayeth, di ba kabilin-bilinan ko sa iyo, huwag kang tatanggap ng boarder na walang maipakitang ID, police clearance o NBI clearance? Paano kung psycho pala ‘yan o kriminal? Na sinabi lang na lumayas sa kanila pero ang totoo pinaghahanap na pala ng mga pulis dahil may nagawang krimen doon sa kanila? Kapag natunton sa atin ‘yan, madadamay tayo. Hindi mo ba naiisip ‘yon?”
“Promise, Kuya, hindi kriminal at lalong hindi baliw ang isang ‘to. Saka paano ko pa siya paaalisin? Maghapon niya akong sinamahan sa bookstore. Asang-asa ‘yong tao na sa atin na siya titira tapos papaalisin ko siya kung kelan gabi na? At take note, babae siya. Magandang babae. Puwedeng mapagtripan sa labas. Kapag pinaalis ko siya ngayon, nasa’n naman ang konsensiya ko no’n, Kuya?”
Nahagod ni Xaniel nang marahas ang kanyang buhok. “Bakit kasi ngayon mo lang itinawag sa akin? Bakit hindi pa kanina? Nagdidisyon ka nang hindi mo muna ikinukunsulta sa akin. Paano kung ikaw naman ang napahamak sa kamay ng babaeng ‘yan?”
“Hay, ang nega talaga ng kuya ko. Puwede ba, Kuya, ibalato mo na lang sa ‘kin ang isang ‘to? Promise, kung kagaya siya ng kinakatakutan mo, ipapapulis namin siya ng iba pang mga boarders dito. Saka one year kitang ipapagplantsa ng damit. Swear!”
Lalo siyang nayamot sa kapatid. “Hindi mo ‘ko naiintidihan! Makinig ka, Ayeth. Puwedeng member pala ‘yan ng organized crime group gaya ng Budul-budul Gang at magising na lang kayo na nalimas na ang valuables natin pati na ng lahat ng boarders d’yan.”
“Kuya, Kuya, mamaya na tayo mag-usap. Baka mahuli ka pa ng pulis na nagse-cell phone habang nagda-drive, ako pa ang sisihin mo. Nga pala, dagdagan mo ng isa pa ang order mong dinner ha? Hindi pa makakapagluto ngayon si ahm- Basta, Kuya. See you later. ‘Bye.” Nawala na ito sa kabilang linya.
Napabuga na lang si Xaniel. Wala siyang nagawa kundi ang umikot para bumalik muli sa pinaggalingang drive-thru. Mabuti na lang at wala na ang pila ng mga sasakyan doon. Napapatingin tuloy sa kanya ang cashier nang muli siyang tumapat sa counter ng fast food outlet.
Habang daan, hindi pa rin nawawala ang inis niya at pag-aalala para sa kapatid. Gaya ng dati, naging padalus-dalos na naman ito sa pagdidisisyon.
Bata pa talaga si Ayeth. Kailangan pa nito ng pagsubaybay niya. Sana lang ay sapat ang  pagsisikap niya na maingatan ito sa abot ng kanyang makakaya. Ito na lang ang mayroon siya sa ngayon. Hindi niya makakaya na pati ito ay mawala sa kanya.
Anim na taon na mula nang sabay na mawala ang kanilang mga magulang dahil sa isang road  accident. Ganoon katagal na rin siyang sabay na nagpapakaama at nagpapakaina sa kanyang kapatid. Sampung taon pa lang si Ayeth nang maulila sila. Mula noon, itinalaga na niya ang sarili na maging provider at protector ng kanyang kapatid.
Siya ang kasama nito sa lahat ng school activities na nangangailangan ng pagsama ng magulang. Siya ang bumibili ng mga gamit nito hanggang nang magsimula itong magdalaga. Sa kanya nito unang sinabi—na mangiyak-ngiyak pa—na may menstruation na ito. Pinasumpa pa siya ni Ayeth na huwag niyang sasabihin sa kahit kanino na dumating na ang unang buwanang dalaw nito.
Mukhang lumaki namang maayos ang kapatid niya. Pero may mga pagkakataon, tulad ngayon, na naiisip niya na kulang pa ang mga ginagawa niya para mapalaki ito nang tama.
Nasa garahe na siya ng kanilang bahay nang makaamoy ng nasusunog na pagkain. Bitbit ang pinamili ay patakbo siyang pumanhik sa loob. Para lang matigil sa pagpasok nang mabungaran niya ang isang napakagandang babae. Na sa tingin niya nasa pagitan ng twenty-three hanggang twenty-six ang edad. Napakaamo ng mukha nito at mapipintog ang mapupulang labi. Labi na sigurado siyang walang bahid ng lipstick. Mahahaba ang pilikmata ng babae at ang ilong ay mapayat at matangos. Bagay na bagay ang features at ang shoulder-length na buhok sa oval-shaped na mukha na wala kahit isang blemish. Mestisahin ito at mukhang napaka-delicate ng kutis.
Bigla, hindi siya makahinga. Bigla rin na parang naghabulan ang pintig ng puso niya. Tahimik na kinastigo niya ang sarili. Ganitong-ganito rin ang naging pakiramdam niya noon nang una siyang kausapin at ngitian ni Nollet may ilang taon na ang nakakaraan.
Hindi. Hindi siya maaaring magkagusto agad sa babaeng ito na posibleng kriminal o psycho.
“Hi Kuya!” Ang masayang bati ni Ayeth ang nagpabalik sa kanya sa kasalukuyan. “Welcome home!”
Kunot ang noo na tiningnan niya ang kapatid. “Ano ‘yong nasusunog?”
“Eh, Kuya, nakapatay na ang stove.Nag-try lang ako na magluto ng corn soup. Kaso hindi ko alam na dapat pala lagi hahaluin. Kaya ‘ayun, nasunog. Sorry, Kuya. Ayan, ha, nag-sorry na ako. Huwag ka nang magalit.”
Tahimik na ibinaba niya sa mesa ang mga supot ng kanyang biniling pagkain. Hindi niya mapigil ang sarili na mapasulyap sa magandang babae.
“Siya nga pala ang Kuya Xaniel kong guwapo,” pakilala sa kanya ni Ayeth sa babae. “The best kuya in the whole universe. Single and available pa ‘yan. Kabe-break lang nila ng girlfriend niya—”
“Ayeth!” babala ni Xaniel sa kapatid. Nakita niya ang pamumula ng mukha ng babae na nagbaba ng tingin. Lalong hindi niya magawang alisin ang tingin sa babae. Lalo itong gumaganda habang tinititigan.
“At Kuya, siya ang bagong boarder natin, si-” natigilan si Ayeth at tumingin sa babae, “Ano na ngang pangalan mo, Ate?”
“R-Roma. Roma Romasanta.”
“Roma. Nice name. Wala bang shake hands?” untag sa kanila ni Ayeth.
Iniabot kaagad ni Xaniel ang kamay sa babae. Naramdaman niya ang sagitsit ng kung anong puwersa nang magdaop ang kanilang mga palad. Kasunod noon ang pagtalon ng kanyang puso. Pinaalalahanan ni Xaniel ang sarili. Hindi pa siya handang magmahal muli. Pagkatapos ng heartbreak na ibinigay niya kay Libby, wala na yata siyang karapatan na magmahal at magpaibig na naman ng babae.

Alias (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon