New Love

8K 183 8
                                    


“MULA ngayon, huwag ka nang magreregalo pa para lang makausap ako,” sabi ni Lani kay Xaniel. Nang makita niyang disappointed ito matapos na hindi niya tanggapin ang ibinibigay nitong bulaklak at tsokolate ay dinala niya ito sa sala para aluin. Naging mabuti ito sa kanya at hindi nito deserve na matanggihan kahit may malaki siyang dahilan para tumanggi. “Puwede naman tayong mag-usap kahit wala ng mga ‘yan. Ano ba ang gusto mong sabihin sa akin?”
Nagbuntong-hininga ito, sumulyap sa kanya, nagbaling ng tingin at muli na namang nagbuntong-hininga. “Alam ko, nararamdaman ko, may itinatago kang malaking sikreto sa amin ni Ayeth. Alam ko rin na hindi ka sa Bataan nanggaling nang makita ka ni Ayeth sa Recto. Although wala akong idea kung saan ka talaga nagmula, kung ano o sino ang tinatakasan mo…”
Biglang kinabahan si Lani. Kahit ano pala ang pagsisikap niyang pagtatago ay bistado na siya ni Xaniel. Mabuti na lang at hindi pa nito nahuhulaan kung saan siya nanggaling at kung ano ang buhay na iniwan niya sa pinanggalingan.
“At siguro, kahit ang pangalan na ibinigay mo sa ‘min, hindi din totoo…”
Nakagat niya ang ibabang labi. Napakadali lang para dito na mahulaan iyon.
“Pero Roma, hindi naging hindrance ‘yon para magkagusto ako sa ‘yo.” Hopeful ngunit may lungkot ang magagandang mata ni Xaniel habang sinasabi iyon sa kanya.
Nagbaba ng tingin si Lani. Kung naiba lang ang circumstances sa kanya, hindi siya mahihirapang magkagusto rin kay Xaniel. Napakaresponsable nito, magalang, mabuti at mapagmahal na kapatid, maalaga at maasikaso—mga katangian na inakala niyang nakay Valtus noong una.
Ngayong nalaman na niya na may pagtingin sa kanya si Xaniel, paano niya mapipigilan ang sarili na magkagusto rin dito? “Xaniel, kasi…”
“Hindi naman ako nagmamadali, Roma. Magkaibigan na tayo, di ba? Sa ngayon, ang friendship muna ang i-explore natin. Okay na ako do’n. Gusto ko lang malaman mo ang feelings ko. Kasi, hindi ko na gustong itago ito.”
“O-okay.”
“Sana lang mapaniwala kita na wala akong ibang gusto kundi kung ano ang makakabuti at kung ano ang best para sa iyo. Sana matutuhan mong pagtiwalaan ako, kami ng kapatid ko.”
Tumango lang siya. Wala itong ideya na mas makabubuti rito kung wala itong alam sa tunay na pagkatao niya.
“At gusto ko na maging malaya ka sa amin. Puwede kang maging kung sino ka talaga kapag kami ni Ayeth ang kasama mo. Hindi ka namin ipapahamak.”
Pero puwede kayong mapahamak dahil sa akin. “Salamat. Kahit hindi n’yo talaga kilala ang pagkatao ko, tinanggap ninyo ako. Naging mabuti kayo sa akin.”
“Kung malayo ka man sa pamilya mo ngayon, gusto kong isipin mo na pamilya mo na rin kami. Na dahil nandito ka, kasama kami—kami ang kakampi mo. Ang unang dadamay sa iyo. Hindi kita pababayaan, Roma. Poprotektahan kita. Hindi ka namin pababayaan.”
Pumatak ang luha niya sa puntong iyon. Missed na missed na niya ang pamiya niya—ang kanyang ina at si Robbie. Pero sa ngayon, para sa kaligtasan nilang pare-pareho, titiisin na lang muna niya ang pangungulila sa mga ito.
“Sorry, Roma. Hindi ko sinasadya na mapalungkot ka.” Hinawakan nito ang balikat niya.
Dahil sabik sa isang totoong kakampi sa matagal na panahon, yumakap siya kay Xaniel. Sa dibdib nito siya umiyak nang umiyak.
Wala itong sinabi. Hinayaan lang siyang umiyak habang hinahagod nito ang kanyang ulo at likod. Nagbiro lang ito nang mahimasmasan na siya. “Ganitong-ganito rin si Ayeth no’ng malaman na iba at hindi siya ang niligawan ng puppy love niya.”
Natawa na si Lani. Nang tingnan niya ang mga mata ni Xaniel, naroroon ang pang-unawa na hindi na kailangang sabihin pa.

GAMIT ang toothpick ay tiningnan ni Lani kung luto na ang nakasalang na mga liyanera ng leche flan sa steamer. May isang tagadormitoryo sa tapat na nagtanong sa kanya kung marunong siyang gumawa ng leche flan. Nang mag-order ito sa kanya ay nagsunuran din ang iba. Kaya ngayon ay dalawang dosenang liyanera ang ginagawa niya. Natapos na niya ang ibang batch. Huling batch na ng leche flan ang nakasalang.
Sa loob lang ng mahigit dalawang buwan ay malaki-laki na rin ang kinita niya sa pagluluto ng ulam ng mga boarders doon at sa katapat na dorm. Hindi bumababa sa pitong daang piso araw-araw ang tinutubo niya sa pagluluto para sa tatlumpong tao. Dahil malaki ang kamurahan ng mga iniluluto ni Lani kaysa sa fastfood restaurants—tulong na lang niya sa mga boarders na ang karamihan ay estudyante—parami nang parami ang bumibili sa kanya.
Nakakapagpadala na siya ngayon ng pera sa mama niya at unti-unti na niyang napapalitan ang perang nagamit niya mula sa kanyang ipon. Hindi nila alam kung nagpapadala pa rin ng pera si Valtus sa account ng mama niya. Bilang pag-iingat ay hindi na gumawa ang mga ito ng kahit na anong transaksiyon sa account na iyon.
“Favorite ko yata ‘yong masarap na naaamoy ko, ah.”
Napangiti si Lani. Paglingon niya ay si Xaniel ang nakakuwadro sa pintuan ng kusina. “Leche flan. Pasensiya na kung in-invade ko ‘tong kusina n’yo. Maliit kasi ‘yong sa taas. Kaya nagpaalam ako kay Ayeth na makikigamit muna ako ng kitchen ninyo. I hope you don’t mind.”
“Of course I don’t mind. Kahit nga maging forever na sa iyo na ang kitchen na ito, okay na okay lang sa akin,” pilyo na ang pagkakangiti na sabi nito.
“Wish mo lang.”
“Wish ko nga ‘yon. Swear.”
Nang makita ni Lani ang longing sa mga mata ni Xaniel ay binago na niya ang topic. Kung hindi siya mag-iingat, ano mang oras ay mahuhulog siya rito. Nakakaramdam siya rito ng fondness mula pa noong mga unang araw niya sa bahay nito. May kung ano sa binata na nagiging dahilan para makaramdam siya ng pagnanais na paluguran ito at alagaan.
Pero mayamaya ay ibinalik na naman ni Xaniel ang topic sa una nilang pinag-usapan. “Ang totoo, hindi lang naman itong kitchen o itong bahay ang na-invade mo. May iba ka pang na-invade, Roma.”
Clueless na tumingin siya rito.
“Ito.” Itinuro nito ang sentido. “Saka ‘to,” ang tapat ng puso naman ang itinuro nito.
Isang malamyang ngiti at isang malalim na buntong-hininga ang naging sagot niya roon.

“SO MAHAL mo na ba?”
Hindi kaagad makasagot si Lani sa tanong ni Ivony. Tinawagan siya nito para kumustahin. Basta sa loob ng isang linggo ay hindi ito pumapalya na tawagan siya. Mula nang makatakas siya sa poder ni Valtus ay mas naging madalas itong mangumusta. Sinabi niya sa kaibigan na nililigawan siya ni Xaniel. At kung gaanong pag-aalaga at pag-aasikaso ang ginagawa nito sa kanya.
“Okay, babaguhin ko ang tanong,” sabi ni Ivony nang mainip marahil sa sagot niya. “May nararamdaman ka na ba para sa kanya? May feelings ka na?”
“O-oo.”
“Grabe, kinilig naman ako do’n.”
“Pero Ivy, hanggang dito na lang siguro ‘to. Hindi ko na puwedeng i-entertain kahit ‘yong idea lang na magkagustuhan kami. Alam mong kasal ako kay Valtus.”
“Lani, huwag mong ikulong ang sarili mo sa isang kasunduan na siya naman ang unang lumabag. Di ba sa wedding vows ninyo, nangako siya na mamahalin ka at aalagaan. Pero anong ginawa niya? He violated you. Gano’n ba ang pagmamahal? Ikinulong ka niya sa pagsasama ninyo to the point na ayaw niyang makalapit sa iyo pati pamilya mo. Pag-aalaga ba ang tawag doon?”
“Ivy, sa batas, mali pa rin na magkaroon ako ng relasyon sa ibang lalaki liban lang sa asawa ko.” Iyon talaga ang unang dahilan kaya pinipigilan niya ang sarili na tuluyang mahulog kay Xaniel. Kapag tinanggap niya si Xaniel sa buhay niya, puwede siyang makasuhan ng adultery.
“To hell with the law! Habangbuhay ka na lang bang magtitiis? When in fact, malakas na grounds for marriage annulment ang rape na ginawa sa iyo ng Valtus na ‘yan sa loob ng walong buwan. More than that, puwede mo pa siyang kasuhan.”
Naantig siya sa impassioned statement ni Ivony. Ganito rin ito nang una niyang ipagtapat  ang dahilan ng pagtakas niya sa poder ni Valtus. Ito ang galit na galit. Bakit daw hindi pa niya ipinaalam dito sa simula pa lang. Para daw noon pa sana siya nasaklolohan sa Cagayan de Oro. “Paano ko gagawin ‘yon, Ivy? Isang matibay na pader ang babanggain ko. Maimpluwesiya si Valtus. May pera. Kaya niyang bilhin ang kalayaan kung sakali na kakasuhan ko siya.” 
“Just the same, mas mabuti pa rin na lumantad ka na at kasuhan siya. Kesa ganyan na ikaw na ang nagawan ng masama, ikaw pa ang parang kriminal na nagtatago. Saka hindi mo kailangang matakot. Kakampi mo kami ni Prince. Kung maimpluwensiya ang asawa mo, may impluwensiya din naman kami. May mga kakilalang magagaling na abogado. Sabihin mo lang sa akin kung kailan mo gustong i-file ang kaso. Tutulungan ka namin ng asawa ko.”
“Salamat, Ivy. Pinag-iisipan ko pa. Hangga’t maaari kasi, ayoko sana ng eskandalo. Hindi lang ang sarili kong reputation ang dapat na protektahan ko. Katungkulan ko rin na protektahan ang pangalan ni Valtus. Asawa ko pa din siya sa mata ng tao at ng Diyos.”
“Hay, ewan ko sa ‘yo, Lani. Pinauuso mo na naman ang mga martir.”
Ewan ni Lani kung mauunawaan siya ng kaibigan. Wala nang ibang pamilya si Valtus kundi siya. Twelve years old pa lang daw ito nang maulila sa ama. Ang tanging kamag-anak na kumupkop dito at nagpalaki ay ang stepmother nito na patay na rin ngayon. Naging parang halimaw si Valtus at posibleng dahil iyon sa mga masasakit na naranasan nito mula pagkabata. Wala nang ibang magmamalasakit sa kapakanan nito kundi siya. Ang sexual abuses lang nito ang tinakasan niya, hindi ang marriage nila. Katungkulan pa rin niyang pangalagaan ang kapakanan ni Valtus sa kabila ng kahayupan nitong ginawa. Kaya hindi siya agad makapagpasya na sundin ang payo ni Ivony.
Hindi niya alam kung anong puwedeng mangyari kapag nalantad na sa publiko na isang rapist ang asawa niya. It might blow out of proportion.

Alias (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon