“OKAY, magpa-file na ako bukas na bukas din.”
Hindi matagalan ni Valtus na titigan ang magandang mukha ng asawa. Para siyang kinukutya ng pagkakataon. Gagawin niya ang lahat hanggang sa huling lakas na mayroon siya para lang hindi sila maghiwalay nito. Ayaw rin niyang ipawalang bisa ang kanilang kasal. Pero heto siya at siya pa ang tutulong kay Lani na mag-file ng annulment. “M-magpahinga ka muna. Ipinaayos ko ang guest room kay Manang Brieta. Sumunod ka na lang sa kanya. Kapag nagutom ka, nagbilin na rin ako sa kanya na ipaghain ka. O kung gusto mo, magpahatid ka na lang ng lunch sa kuwarto.”
“Sige, salamat.” Tinalikuran na siya ni Lani.
Isang mahabang buntong-hininga ang pinakawalan niya. Ngayon pa lang, parang ginugutay sa maliliit na piraso ang puso niya. Tumayo siya at nagtungo sa pool. Naglangoy siya nang naglangoy hanggang sa mapagod. Pero hindi man lang gumaan kahit kaunti ang bigat sa dibdib niya.
Sinubukan niyang isara muna ang isip sa lahat ng bagay at nag-float siya. Pero kahit pumikit siya, mukha pa rin ni Lani ang nakikita niya. Diyos ko, ngayon lang po ako tatawag sa inyo. Hindi ko po talaga kakayanin na mawala na nang tuluyan sa akin si Lani. Para akong masisiraan ng ulo. Please, tulungan N’yo po ako na makaya ito.
Hindi alam ni Valtus kung gaano katagal siyang nakadipa at nakapikit habang nakalutang. Pagdilat niya ay ang maputing bulto ni Lani agad ang nakita niya. Balot na balot ito ng mahabang puti na terry cloth robe. Sa gulat niya ay nakalimot siyang mag-float kaya siya lumubog. Pero nag-angat siya agad ng katawan sa ibabaw ng tubig.
“So, ‘yon na talaga ang gusto mo? Ang mag-file na ako ng annulment natin?” Nakahalukipkip ito habang nakataas ang baba. Ang stance nito ay kagaya ng isang legal wife na nilalait ang nahuling kerida ng asawa.
“Lani, hindi ko alam kung kakayanin ko kapag napawalan na ng bisa ang kasal natin. Pero sobrang mahal kita para hindi ko ibigay sa iyo ang kalayaan mo. You, too, deserve to be happy… And I’m sorry if I’ve made you so unhappy in the past. I’m sorry kung imbes na pagmamahal ay takot ang naibigay ko sa iyo noon.”
“Paulit-ulit ka na lang,” pasupladang sagot nito. “Nasabi ko na sa iyo dati na napatawad na kita. Kaya tigilan mo na ang kakahingi ng sorry. Nakakairita na.”
Hindi siya agad nakapag-react. Ngayon lang niya nakita ang ganitong side ng asawa. And it tickled his interest. Nakaka-frustrate isipin na mawawalan na siya ng karapatan na i-explore ang lahat ng facets nito.
“So ngayon, tatanungin kita. Bigyan mo ‘ko ng malinaw na sagot. Gusto mo bang ituloy ko ang pagpa-file ng annulment o hindi?”
“Kung magiging selfish ako—hindi,” hindi humihingang sagot ni Valtus.
“’Yon naman pala. ‘Arte-arte, ha.” Bigla nitong hinila ang tali ng robe na suot nito. Napanganga siya. Naka-two-piece bikini swimsuit lang ito!
Gulat na gulat siya sa ginagawa at sinasabi ni Lani. Pero mas nagulat siya nang tumalon ito sa tubig malapit sa kinaroroonan niya.
“O, ano? Tutunganga ka na lang ba d’yan?” Diniinan pa nito ng hintuturo ang dibdib niya.
Saka lang siya nagising sa pagka-shock. Tumatawang niyakap niya ito nang mahigpit. Parang lomobo ang dibdib niya na kasing laki ng globe sa SM MOA. “Tell me I’m not dreaming…”
“Tse! Pinasama mo ang loob ko kanina no’ng sabihin mo ‘yong tungkol sa annulment. Kaya galingan mo ang pambobola sa akin.”
Natatawang kumalas siya kay Lani pero nanatili ito sa maluwang niyang yakap. “I love you… So much. Hindi ‘yon nagbago. But I also love you so much to set you free. Only if you want it, that is… Kasi sinabi mo sa akin na si Xaniel na ang mahal mo, di ba? Kaya ka nga umalis?” Nakatutok ang tingin niya sa mga mata nito, hoping na makita roon na hindi na ganoon ang damdamin nito ngayon.
“I’ve broken up with Xaniel. Minahal ko siya sa puso, sa isip. At kinailangan kong kalimutan ang pagmamahal na ‘yon.”
Napangibit siya. Para na rin siyang sinampal. “And hearing you now saying that… You have no idea how that hurts, right?” Masakit tanggapin na marinig mismo ang katotohanan sa bibig nito.
“Valtus, masaktan ka man o hindi, kailangan mong malaman ang lahat kung gusto mong magkaayos talaga tayo. Walang nangyaring physical intimacy sa amin ni Xaniel. Not even a kiss. Dahil hindi umabot doon ang level ng pagmamahal ko sa kanya.
“Noong huling may mangyari sa atin, I realized, hindi lahat ng pagmamahal ko sa iyo ay nawala. Pero kailangan kong gawin ang tama. Kaya ako umalis. Personal akong nakipag-break kay Xaniel. Mabuti siyang tao at deserve din naman niya ang isang maayos na closure. At pagkatapos no’n, hinintay ko na maka-recover ang puso ko sa kanya bago ako bumalik dito.”
“So, you’re saying that… that you still love me? Or you’re starting to love me again?” Hindi na naman siya makahinga sa antisipasyon.
Diniinan na naman nito ang dibdib niya. “Hay, ang manhid! Ewan ko sa ‘yo!” Bigla itong kumalas at lumangoy palayo sa kanya.
Natatawang hinabol niya ito. Nang maabutan ay kinarga niya ito at iniahon sa ibabaw ng lounge chair sa tagiliran ng pool. “I know I don’t deserve your love. But I love you… And I would do everything I can to show you, to let you feel how much…” naiiyak na pahayag niya habang nakatitig sa mga mata ni Lani.
Napaluha na rin si Lani. “I’m sorry na sandali akong bumitiw sa pagmamahal sa iyo.”
“It’s nothing compared to the wrongs I did to you… After you left, it pains me to watch other people live their lives. I was envious… Because without you, there is no life for me to live. So please, don’t leave me ever again…”
Umangat ang isang kamay nito at hinaplos ang pisngi niya. “Hindi na. Alam ko, gagawin mo ang lahat para bumalik ‘yong dating pagmamahal ko sa iyo noong una.”
“That’s the first on my agenda, babe.” Dinampian niya ng halik ang labi nito. Pero nang uulitin niya ang halik ay inilayo nito ang bibig.
“At ang second?”
“I’ll show you now.” Walang babala na binuhat niya uli ito at itinuloy sa master’s bedroom. At muli, naranasan nila ang matatamis na halik, ang palitan ng pagmamahal, ang makaubos-ulirat na uri ng pagsasanib ng kanilang mga katawan. Halos maubos ang lakas ni Valtus sa intensity ng lovemaking nila ni Lani. It humbled him more. Paulit-ulit niyang sinasabi sa sarili na hindi siya worthy na mahalin nito at balikan muli. Pero dahil kinaawaan siya ng Langit, heto at kasama niya ang babaeng sinaktan at ginawan niya ng masama noon. At hindi niya sasayangin ang pagkakataon. For her, he will give his everything—his best shot.
“I love you…” bulong ni Lani sa kanya habang nakaunan ito sa kanyang braso. Nakapaloob ito sa yakap niya.
Wala nang mas tatamis pa na mga salita para kay Valtus nang mga sandaling iyon. At habang nakikita ang ngiti sa mga mata ng asawa, siya na siguro ang pinakamaligayang tao sa buong mundo. “I love you more… Don’t you ever forget, babe.” Pinatakan niya ito ng halik sa noo, sa tuktok ng ilong, sa mga labi. “I love you more.”
Ngiti at haplos sa kanyang pisngi ang naging ganti nito.-end-
http://www.phr.com.ph/
https://www.preciousshop.com.ph/home/
http://www.booklat.com.ph/

BINABASA MO ANG
Alias (COMPLETED)
RomanceAbout a woman who needed to escape from the sex-starved man she loved with all her heart. (Submitted July 2017) Unedited Rated R-18