New Place Of Refuge

8.1K 188 1
                                    


“HINDI MO man lang naisip na itanong ang pangalan niya bago mo siya dinala dito?” sita ni Xaniel kay Ayeth nang magkasarilinan sila. “Sobrang carelessness na ‘yon!”
Napakamot sa leeg ang kapatid niya. “Eh kasi naman, Kuya, ‘ate’ nga ang tawag ko sa kanya. Nakasanayan ko agad kaya nakalimutan kong itanong ang name niya.”
“Alam mo, ‘yang pagiging careless mo ang magpapahamak sa ‘tin. Basta huwag mong hahayaan na bukas ‘tong kuwarto kapag nandito si Roma. Sabihan mo na din ang ibang boarders natin na doblehin ang pag-iingat sa mga gamit nila at hindi natin talaga kilala ‘yang babaeng dinala mo dito.” Lima ang kuwarto sa bahay nila. Tatlo sa itaas at dalawa sa ibaba. Sila ni Ayeth ang umookupa sa unang palapag. Namana ng mga magulang nila ang lumang bahay na iyon mula sa mga magulang ng kanilang ama. Dekada sisenta pa raw nang ipatayo iyon ng kanilang lolo. Nakatirik ang bahay sa lugar na magkakadikit ang mga lumang building, apartelles at dormitoryo.
Nakatatlong ulit nang naipa-renovate ang bahay. Ang huling renovation ay siya na ang nagpagawa. Kinailangang i-retrofit ang mga haligi ng bahay para mas maging matibay sa lindol.
Ang tatlong malalaking kuwarto sa itaas ang pinauupahan nilang magkapatid. Sa kasalukuyan ay may apat na boarders sila na lahat ay mga babae. Tigdalawang tao sa bawat kuwarto. Magiging lima na ang boarders nila ngayong tinanggap na ni Ayeth si Roma.
“Kuya, hindi ko puwedeng sabihin ‘yon sa mga boarders. Ang pangit naman lalabas na pinagdududahan natin si Ate Roma.”
“Kasalanan ko ba kung bakit kailangan nating magdoble ingat?”
“Bakit ba sobrang nega mo kay Ate Roma? Ang ganda-ganda niya. Maamo ang mukha. Wala sa mukha niya na gagawa ng masama.”
“Hindi ako sa nagpapakanegatibo d’yan sa pinulot mong boarder. Ang sa akin lang, mahirap gawing basis ang hitsura para malaman kung mapagkakatiwalaan o hindi ang isang tao. Dahil ba sa nagkataon na maganda siya hindi na gagawa ng masama?”
“Uuy, si Kuya, nagagandahan kay Ate Roma.”
Kinunutan niya ng noo ang panunukso ni Ayeth. Oo at nagagandahan nga siya kay Roma, oo rin na gusto niyang maging tama ang palagay ng kapatid niya rito, pero paano kung mali ito? “Oy, babae, huwag mo akong libangin. Tandaan mo lahat ang mga binilin ko. Doble ingat. At obserbahan mo lagi ang mga kilos niya. Sabihin ko kaagad sa akin pag may napansin kang kakaiba sa kanya. Mabuti na‘ng nag-iingat kaysa magsisi sa huli.” 
“Kuya, uulutin ko, ibalato mo na sa akin si Ate Roma, okay? Unang kita ko pa lang sa kanya sobrang good na ng vibes ko. Alam ko na hindi siya katulad ng kinakatakutan mo. Hindi siya masamang tao, Kuya.”
“Hindi ko puwedeng panghawakan ang sinasabi mo. Wala sa hitsura ang tunay na pagkatao ng isang tao.”
“Kuya naman, eh. Bakit ba ayaw mong bigyan ng chance si Ate Roma?”
Itinigil na niya ang pakikipagtalo sa kapatid. Naisip niya na baka naglo-long lang ito sa isang kapatid na babae, o sa isang mother figure. Ang pangangailangang iyon ang hindi niya kayang ibigay rito.

HINDI makapaniwala si Lani. Nasa loob na siya ng bago niyang kuwarto, mag-isa at ligtas. Ganoon na lang ang pasasalamat niya sa Diyos. Nasagot kaagad ang mga dasal niya. Nakarating siya sa Manila nang hindi nahuhuli ni Valtus. At may matutuluyan na siya kaagad. Salamat sa dalagitang si Ayeth. Ito ang nagtiwala sa kanya para patirahin sa ipinauupang silid sa itaas. Kahit pa nga nararamdaman niya na hindi sang-ayon ang kapatid nitong si Xaniel sa kanyang pagtira doon. Hindi niya masisisi ang lalaki. Kahit isang ID card o sedula ay wala siyang maipakita. Wala siyang dala na kahit anong proof para maging karapat-dapat siyang pagtiwalaan.
Malaki-laki rin ang nabawas sa dala niyang pera. Twenty-three thousand na lang ang cash niya at twenty thousand na lang ang nasa ATM account niya. Sariling pera niya iyon noong dalaga pa siya. Ipon niya. Hindi niya iyon sinabi kay Valtus. Hindi gaanong iniintindi ng asawa niya ang tungkol sa pera. Basta regular itong naghuhulog sa joint accounts nila, at sa personal account niya, kasabay ng paghuhulog nito sa account ng mama niya na pang-monthly allowance. At hindi naman siya umaabuso sa paggasta. Halos hindi nagagalaw ang pera sa mga joint accounts nila at sa kanyang ATM at debit cards, kung hindi pa ito ang magtutulak sa kanya para bumili ng mga gamit niya.
Nakapanghihinayang si Valtus. Ulirang asawa sana. Good provider. Iisa lang ang kapintasan. Pero ang kapintasan namang iyon ay hindi niya masikmura.
Iniisip siguro ng asawa niya na sa eroplano siya sasakay sa kanyang pagtakas. At baka iniisip din nitong sa Minanga siya uuwi. Malamang na galing na si Valtus sa Bataan. At dahil wala itong madadatnan sa Minanga, tiyak na ang mga Tito Lino niya sa Morong ang tatanungin nito. Sana lang ay hindi mabanggit ng tito niya na may kapatid ang mama niya sa Cabanatuan.
Bakit nga ba nakalimutan niya ang detalyeng iyon? Bigla tuloy siyang kinabahan. Tinawagan niya si Robbie.
“Ate?” sagot agad nito. “Kumusta ka na? Nasa Manila ka na?”
“Oo. Makinig ka, Robbie. Tawagan mo si Tito Lino ngayon din. Sabihin mong huwag sasabihin sa kahit kanino na may kapatid si Mama sa Cabanatuan. Baka kasi biglang maligaw doon si Valtus at masabi niya na sa Cabanatuan kayo nagpunta. Hindi ko alam kung ano ang puwedeng gawin ni Valtus sa inyo. At baka madamay pa pati sina Tito Moi.”
“Ano ba talaga ang ginawa sa iyo ni Kuya Valtus, Ate? Sinaktan ka ba niya? Alam mo bang alalang-alala na si Mama sa iyo?”
Nakagat niya ang labi. Ayaw niyang bigyan ng ipag-aalala ang mama niya. Dahil sa maling pagpili niya, namumrublema tuloy ngayon pati ang kanyang ina. Pero sino nga ba ang nakakaalam na magiging isang halimaw pala ang kanyang asawa? Kung alam lang niya, kahit gaano pa niya ito kamahal ay pipigilan niya ang sarili na tuluyang mahulog dito. Hindi na sana siya nagpaligaw rito. Hindi na sana sila umabot sa punto ng pagpapakasal. “Tatawag na lang ako uli, Robbie. Gawin mo muna ang bilin ko, please. Hindi ako mapapalagay hanggang hindi nasasabihan si Tito Lino.”
“Okay, sige, Ate. Mag-iingat ka.”
“Kayo din. Mag-iingat kayo diyan. Ingatan mo si Mama.”
“Huwag kang mag-alala, Ate. Malilito si Kuya Valtus sa mga info na iniwan ko sa Minanga. Iyon din ang sasabihin ko kay Tito Lino pag tumawag ako ngayon. Para mas malito si Kuya Valtus kung hahanapin ka niya sa Bataan.”
Sa tono ni Robbie parang excited pa ito sa ginagawa nilang pag-iwas kay Valtus. Napangiti tuloy siya despite herself. Hindi sila magkaano-ano pero pareho pala sila ng takbo ng isip. Come to think of it, iniligaw din niya si Manang Brieta sa iniwan niyang note sa bahay nila. At nang tumubos siya ng ticket ay may mga binago siyang impormasyon tungkol sa sarili.
Sorry po, Lord sa mga pagsisinungaling ko. Iyon lang po ang alam kong paraan para protektahan ang sarili ko at ang mga taong mahal ko mula kay Valtus. Kahit alam niya na sooner or later ay matutunton din siya ng asawa. Natitiyak niya na mahihirapan muna ito.

Alias (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon