ALAM ni Lani na posibleng ma-trace ni Valtus ang sinakyan niyang barko mula sa Cagayan de Oro patungo sa Pier 4 sa Maynila. Pero mas mahalaga na mapaalis niya ang kanyang ina at si Robbie sa Minanga bago pa may gawin sa mga ito ang asawa niya. Sana lang ay sapat ang mga sinabi niya nang tawagan ang ina para kumilos ito at si Robbie.
May kapatid na dentista ang mama niya sa Cabanatuan, si Tito Moi. Ang bahay at klinika nito ay katabing-katabi ng police station. Mas makakampante siya kung doon muna makikitira ang mama niya at si Robbie. At hindi niya matandaan na nasabi niya kay Valtus noon na may kamag-anak sila sa Cabanatuan. Ang nga Tito Lino lang niya sa Morong na pinsang buo ng papa niya ang kamag-anak nila na kilala ng kanyang asawa.
Ibinilin niya sa kanyang ina at kay Robbie na huwag sasagutin ang phone kapag nag-text at tumawag sa mga ito si Valtus. Nagbilin din siya kay Robbie na bumili agad ng bagong SIM card at i-text sa kanya ang numero niyon bago itapon ang dati. Mas mabuti nang hindi agad ma-trace ni Valtus ang mga ito.
Umaga siya umalis ng bahay. Itinaon niyang pumasok si Valtus sa opisina. Naglagay siya ng note sa labas ng ref para kay Manang Brieta na pupunta siya sa opisina ni Valtus, para hindi maalerto ang ginang kapag nakitang wala siya sa bahay.
Umaasa rin siya na sa loob ng tatlong araw at dalawang gabi niyang biyahe sa barko ay ligtas nang nakarating sa Cabanatuan ang kanyang ina at si Robbie.
Una niyang naisip na mag-eroplano na lang. Pero hindi niya puwedeng sugalan ang risk na ma-trace nang maaga ni Valtus ang plano niyang pag-alis kapag nagbigay siya ng mga personal na impormasyon sa airline. Hindi tulad sa pagbili ng ticket sa barko, hindi siya nagkaproblema kahit pekeng pangalan ang ibinigay niya.
Iilang damit lang ang dala niya. Tatlong blouse, tatlong leggings, isang cardigan at ang backpack. Lahat ng iyon, pati ang gray pashmina ay binili niya nang paisa-isa sa mga pagkakataong hindi niya nakakasama si Valtus sa pamimili. Itinago niya sa ibabang cabinet sa attic, sa lugar na hindi pag-aaksayahan ng panahon ni Manang Brieta na buklatin. Ayaw niyang magdala ng kahit na anong damit niya na makikilala ni Valtus.
Sumagap siya ng malamig na hanging sumasalpok sa kanyang mukha. Hinubad na rin niya ang suot na pashmina. Iyon ang ibinalot niya kanina sa ulo at leeg para magmukha siyang babaeng muslim habang nasa pier pa lang ng Cagayan de Oro. Nasa deck na siya ng barko na magdadala sa kanya sa pansamantala niyang kalayaan.
Pumikit siya at umusal ng panalangin. Diyos ko, pakiusap po, kailangang-kailangan ko po ng tulong Ninyo. Huwag po sana akong matunton ni Valtus. Kumakatok po ako sa puso Ninyo. Ayoko na pong balikan ang impiyernong buhay na iniwan ko sa Cagayan de Oro. Gabayan N’yo po sana lahat ng gagawin ko. Hindi po sana ako mapahamak sa pupuntahan ko. Dalangin ko po na ituro Ninyo ako sa tamang lugar at sa mga tamang tao. Salamat po, Diyos ko. Umaasa lang po ako sa tulong Ninyo para makapagsimula po akong muli.
![](https://img.wattpad.com/cover/128631552-288-k349184.jpg)
BINABASA MO ANG
Alias (COMPLETED)
RomanceAbout a woman who needed to escape from the sex-starved man she loved with all her heart. (Submitted July 2017) Unedited Rated R-18