“SIGURADO ka ba, Manang, na susunod talaga sa akin sa office si Lani? Nakita mo ba siyang umalis ng bahay?” tanong ni Valtus Contreras kay Manang Brieta pag-uwi niya ng hapon at hindi niya nadatnan sa bahay ang asawa.
“Naku, Sir, hindi ko siya nakitang lumabas kay nasa palingke ako. Basta paglipat ko dito ng pagtapos magkain ng tanghalian saka ko lang nalaman na wala siya. Nakita ko nga ‘yang sinulat niya na dinikit ng ref magnet.”
Normal na kung minsan ay nagpupunta si Lani sa kanyang opisina. Pero kapag lang pinapapunta niya. Wala naman siyang natatandaan na pinapunta niya ito sa opisina. Bigla siyang kinutuban ng masama. Tinakbo niya ang kuwarto nila.
“Sir Valtus, hindi kaya naaksidente si Ma’am Lani-”
Hindi na niya pinansin ang sinasabi ni Manang Brieta. Nagkulong siya sa kuwarto. Binuklat niya ang mga gamit ni Lani. Naroon naman lahat ng damit nito. Ang bag nito at wallet ay naroon. Intact ang pera, ATM cards, IDs. Naroon din ang mga gamit ng asawa. Kumpleto ang mga alahas. Ang cosmetics na ginagamit nito, ang bags, ang mga sapatos, walang bawas. Naroon din ang cell phone nito na walang battery.
Kahit nag-aalala si Valtus, medyo nakampante siya na walang bawas ang mga damit at walang nawawala sa mga gamit ni Lani. Naisip tuloy niya na baka nga tama si Manang Brieta.
Ngayon siya nagsisisi kung bakit inalisan niya ng battery ang cell phone ni Lani. Hindi tuloy niya ito matawagan.
Tumawag siya kay Fitch, ang matalik niyang kaibigan at may-ari ng security agency na nangangalaga sa kanya at sa kanilang opisina. Dito siya magpapatulong na mahanap si Lani. Magaling itong makaamoy sa posibleng kinaroroonan ng mga taong nawawala. Naniniwala siya na hindi siya tatakasan ng asawa. Wala itong kakayahang gawin iyon. At the back of his mind, kinatatakutan niya ang posibilidad na baka tama si Manang Brieta. Baka nga naaksidente si Lani kanina habang patungo sa opisina niya.
Hindi naman sana. Hindi niya kayang mawala ang asawa. Gagawin niya ang lahat para hindi ito mawala sa piling niya. Tinawagan niya ang biyenan. Pero, “Your number cannot be completed if dialled,” ang sabi ng recorded message ng telco. Nagtaka siya. Wala pang isang linggo mula nang tumawag silang mag-asawa kay Mama Lota. Bakit biglang hindi na ito makontak?
Tinigilan na niya ang pagsubok na makontak ang biyenan at inilabas niya ang sasakyan. Halos suyurin ni Valtus ang mga kalsada sa Cagayan de Oro sa pagbabaka-sakali na mahanap ang asawa. At habang nasa labas ay panay ang tawag niya sa mga ospital, nagbabaka-sakali na may nagdala roon kay Lani kung naaksidente man ito. Nakailang balik ang sasakyan niya sa kahabaan ng Grand Europa. Nagtanung-tanong na rin siya sa mga police stations. Pero bigo siya na mahanap ang asawa. Walang bakas na iniwan si Lani.
Para siyang masisiraan ng ulo. Hirap na hirap ang kalooban niya na hindi malaman kung nasaan ang kanyang asawa. Nakaka-frustrate na wala siyang magawa sa mga oras na iyon para matunton ito.
Nang sumunod na araw ay sa record ng airlines at pier naman siya naghanap. Pero bigo siya na makita ang pangalan ng asawa sa manifesto ng mga naglayag na commercial trips ng barko at flights ng mga eroplano. Maging si Fitch ay walang makuhang lead kung saan nagpunta si Lani.
“Sa tingin ko nag-travel siya under a fictitious name.” Iyon ang theory ni Fitch nang mag-report ito sa kanya. “Sa tingin ko rin naka-disguise siya nang sumakay ng barko.”
“Sure ka na barko ang sinakyan niya?”
“Oo, Valtus. Mas malilinaw ang mga CCTV camera at mas mahigpit ang security sa Laguindingan International Airport, unlike sa pier ng Cagayan de Oro. Siguradong pipiliin niya ang sasakyan na hindi siya mapapansin.”
“Kung i-review mo kaya sa CCTV lahat ng mga pasaherong sumakay ng barko mula kahapon na mawala ang asawa ko hanggang ngayon?”
Napamata sa kanya si Fitch. “Are you kidding? We’re talking about thousands of passengers here. At kahit makaya kong gawin ‘yon, kailangan pa rin natin ng permit para magawa ang gusto mong mangyari.”
Noon na nagpasya si Valtus na magpa-book sa pinakaunang flight pa-Clark International Airport kinabukasan ng umaga. Iyon ang mas malapit na airport sa Bataan. Pupuntahan na niya ang mga ito.
Sarado ang bahay ng biyenan ni Valtus pagdating niya sa Minanga. Ayon sa mga kapitbahay ay dadalaw raw ito at si Robbie kay Lani sa Cagayan de Oro. Na isang linggo raw na magbabakasyon ang mga ito roon.
Naguluhan si Valtus sa nakuhang impormasyon. Minabuti niya na hanapin sa Morong ang bahay ng Tito Lino ni Lani. Nang makausap naman niya ito, sinasabi rin sa kanya na nagpaalam ang biyenan niya at bayaw na dadalawin ang kanyang asawa sa Cagayan de Oro. At tulad niya, hindi na rin daw nito makontak ang numero ng biyenan niya.
Noon na siya naghinala na nakaplano ang pag-alis ni Lani sa bahay nila. Tinakasan siya ng asawa. At alam iyon ng biyenan niya. Kaya maging ang mga ito ay umalis na rin sa Minanga.
Galit na galit si Valtus. Napaglalangan siya ng mga ito.
Pero kahit gaano kahusay ang pagkakaplano ng mga ito para hindi niya matunton, alam niya at isinusumpa niya sa sarili, isa sa mga araw na ito, matatagpuan din niya ang asawa.
BINABASA MO ANG
Alias (COMPLETED)
RomanceAbout a woman who needed to escape from the sex-starved man she loved with all her heart. (Submitted July 2017) Unedited Rated R-18