Prologue

34.8K 433 27
                                    

UMAALIMBUKAY ang tubig sa bawat daanan ng Jet Ski. Humihiwa iyon ng maputing landas sa kulay-asul na dagat. Maingay na maririnig ang ugong ng motor niyon. Iyon lang ang aktibidad na makikita sa dalampasigan nang mga oras na iyon. Hindi iniinda ng nagpapatakbo ang matingkad na sikat ng araw. Aliw na aliw ito sa ginagawa. Naiinggit tuloy si Majoyce habang pinanonood ang mabilis na takbo ng Jet Ski, pumapaibabaw sa mga alon at malayang sinasalubong ang salpok ng hangin.
Napukaw siya nang maramdaman ang pag-akbay ni Adam mula sa kanyang likuran. Tinabihan siya nito sa kinauupuan niya.
Naroon sila sa isang private resort sa Subic na ngayon ay pinarerentahan na ng may-ari sa mga taong gustong mag-nature trip at ayaw paistorbo sa maraming tao.
“Gusto mo bang mag-Jet Ski?” tanong ni Adam. “Halika, iaangkas kita.”
“Ano ka ba? Alam mo namang ayokong sumasakay sa mga ganyan.” May phobia siya sa bisikleta, sa motorsiklo, at sa lahat na yata ng sasakyan na dalawa ang gulong. Naranasan na niyang madisgrasya sa motorsiklo noong anim na taong gulang pa lang siya. Matagal nang nangyari ngunit hindi niya makalimutan. Nakaangkas siya sa kanyang ama noon sa harap. Nasa likuran nito ang Kuya Thor niya, nang mula sa likuran ay bigla silang bungguin ng isang humahagibis na closed van. Namatay ang kuya niya sa aksidenteng iyon. Humagis ang kuya niya pagkatapos silang mabundol at nasagasaan pa ng isang ten-wheeler truck. Nabalian siya ng tadyang at nagtamo naman ng mga sugat, pasâ at galos ang kanyang ama. Sa biglang tingin ay parang walang gaanong naging pinsala ang tatay niya. Ngunit saksi si Majoyce kung gaanong sakit ang idinulot sa tatay niya ng pagkamatay ng kanyang kapatid, na nagkataong sa minamaneho pang motorsiklo napatay. Wala mang gaanong sinasabi ang kanyang ama, ngunit alam niya, hanggang ngayon ay sinisisi pa rin nito ang sarili sa nangyari.
“Pero paano mawawala ang takot mo sa mga motorbike kung hindi mo lalabanan ito? Isa pa, tubig naman ang babagsakan mo kapag tumaob tayo. You have nothing to fear. Magaling ka namang lumangoy,” sabi ni Adam.
“Basta. Ayoko talaga.”
“All right,” sumusukong sabi nito. “So, tayo na, ha, Majoyce?” may tiwalang sabi ni Adam.
Tinawanan lang niya ang binata. Sumama siya kay Adam bilang treat daw nito sa kanilang mga sarili dahil sa wakas ay graduate na sila sa kolehiyo. Nang mga oras na iyon ay sila lang ang tao roon at ang nagpapatakbo ng Jet Ski.
Tila na-offend si Adam sa tawa niya. “O, bakit? 'Di ba sabi mo sa akin dati sasagutin mo ako kapag natapos na tayo sa college?”
“Bakit? Two months ka pa lang nanliligaw sa akin, ah.” She flashed him a playful smile.
“Pero five months na tayong magkaibigan.”
Mas mapanuksong ngiti ang ibinigay niya kay Adam.
Hinawakan siya ng binata sa mga kamay. “Has anyone told you how special you are?” sabi nito, namumungay ang mga mata.
Umiling siya, demure na ngumiti.
“Well, you are special. Very special. Your eyes… they smile at me as if to say that in your heart, I’m special, too…”
Pakiramdam ni Majoyce ay nagsitayuan ang lahat ng balahibo sa kanyang katawan kasabay ng paglukso ng kanyang puso. Si Adam ang espesyal. Lalo na ngayong nakikita niya kung paano siya tingnan ng binata. Na para bang siya ang pinakamagandang babae sa buong mundo.
“Alam ko, crush mo ako noon pa.”
Pabirong siniko niya ito sa tagiliran. “Presumptous?”
Ngumisi si Adam. “Hindi ako gano’n. Malakas lang ang pakiramdam ko.”
“I don’t think so.”
“Bakit mo naman nasabi?”
“Eh, kasi hanggang ngayon, hindi ka pa nakakahalata.”
Kumunot ang noo ni Adam pagkatapos ay nanlaki ang mga mata. Naagaw na naman ang pansin niya ng maingay na tunog ng Jet Ski sa tubig.
Nagulat na lang si Majoyce nang bigla siyang umangat sa ere. “Aay!!!”
Kinarga pala siya ni Adam. Umirit siya nang tumakbo ito patungo sa dalampasigan. Nagpatibuwal ang binata hindi pa man umaabot sa baywang ang tubig. Kapwa sila nalublob sa tubig ngunit mabilis na lumangoy si Majoyce palayo kay Adam.
Nang makabawi, nagsabuyan sila ng tubig hanggang sa siya na ang sumuko. “Awat na! Awat na!”
Nilubayan naman siya nito. “O, ngayon, sasabihin mo pa rin bang manhid ako?”
Nakangisi na umiling siya.
Hinawakan siya ni Adam sa baywang, bahagya siyang hinapit palapit sa katawan nito. “So, this is official. Tayo na at wala nang bawian.”
Kumalas siya. “Teka lang.” Humalukipkip siya at naghahamon na tiningala ang binata. “Kaya mo ba akong pangatawanan sa family mo? Baka kapag minata na naman ako ng Ate Anette mo, hindi mo ako maipagtanggol sa kanya.”
Minsan niyaya siya ni Adam at ang mga kaklase nilang mag-videoke sa bahay ng mga ito. Pinagsabihan ang binata noon ng panganay na si Anette. Ang pag-aaral daw ang atupagin ni Adam at hindi ang pagbabarkada. Wala raw mapapala ang binata sa kanila dahil katamaran lang ang matututuhan.
Mabuti pa ang ama ni Adam na si Tito Luis, maganda ang pakikiharap sa kanila. At sa dalawang okasyon na naisama si Majoyce ni Adam sa mansiyon ng mga ito—ang una ay noong birthday ni Adam at ang ikalawa ay ang despedida sa lolo’t lola nito na bumalik na sa Houston—naging mabuti ang pakikitungo ni Tito Luis sa kanya at sa iba pang mga kaibigang kasama noon ni Adam. Ang ginoo pa nga ang nagboluntaryo noon na kunan sila ng group picture. At natatandaan ni Majoyce na ikinuha pa siya noon ni Tito Luis ng dessert nang maubusan siya ng crema de fruita sa buffet table. 
“Majoyce, gano’n lang noon si Ate kasi ayaw niyang masira ang pag-aaral ko.”
“Gano’n nga lang kaya o si Yvette lang ang gusto niya para sa 'yo?” Schoolmate rin nila ang mayamang si Yvette na family friend nina Adam. Nasa ikatlong taon pa nga lang si Yvette sa college.
“Hmm, nagseselos ka lang ba kay Yvette?”
Nilukot niya ang ilong. “Hindi, 'no.”
“Umamin ka na. Nagseselos ka sa kanya, ano?”
Napatili na naman si Majoyce nang sundutin siya ni Adam sa tagiliran. Aatras sana siya ngunit naipalibot na ng binata ang braso sa likod niya.
Hinapit siya nito. “I love you, Majoyce… I can’t begin to describe how I feel for you. Nothing and no one can change the fact that I’m in love with you.”
Unti-unting bumaba ang mga labi ni Adam sa mga labi niya. Nakadama siya ng magkahalong antisipasyon at pananabik. Ngunit hindi pa man lumalapat ang bibig ng binata sa mga labi niya nang mabulabog sila ng bumirit na Jet Ski. Nakalapit na iyon sa kanila na tila sinadya ng driver niyon na gambalain sila.
Naiinis na nilingon iyon ni Adam. “Ang yabang ng isang 'yon, ah.”
“Huwag mo na lang pansinin. Mali naman kasi tayo, nasa public place tayo 'tapos…”
Ngumiti na ito, tinitigan siya. “I have a better idea.”
“Ano?”
“Nasabi sa akin ng caretaker nitong resort na puwede nating gamitin ang speedboat nila rito. Magdadagdag lang daw tayo sa renta natin.
Tinanaw ni Majoyce ang laot na nahaharangan sa dakong kanan ng hindi kataasan ngunit mahabang bundok na hitik sa naglalakihang puno. Isa raw iyon sa ipinagmamalaking view ng beach resort. Natitiyak niya na higit pang maganda ang view kung mapapalapit sila roon. “Pero parang kumukulimlim na,” sabi niya. Hindi alam ni Majoyce kung saan nanggaling ang ulap na ngayon ay unti-unting lumalatag sa kalangitan. Kanina ay wala iyon doon at napakainit ng sikat ng araw. Ayon sa balita kaninang umaga ay may bagyo raw sa karagatan ng La Union ngunit papalayo na.
“Ganyan talaga kapag tag-ulan. Mamaya aaraw din 'yan. Halika na.” Hinawakan ni Adam ang braso niya at marahang hinatak patungo sa kinadaraungan ng speedboat. Kinawayan nito ang katiwala na sa tingin niya ay lampas-kuwarenta na ang edad. “Manong, gusto po sana naming magamit itong speedboat ninyo,” sabi ni Adam sa katiwala nang lumapit sa kanila.
“Walang problema. Nandito naman sa akin ang susi.” Iniabot ng katiwala ang susi kay Adam. “Huwag lang kayong pakakalayo at baka maubusan ng gasolina. Nagamit na kasi 'yan ng mga nagrenta kahapon.”
“Diyan lang naman po kami. Sige po, Manong. Salamat.”
“Sandali, may kukunin lang ako.”
Nang tumalikod ang katiwala ay sabik na sumampa sila ni Adam sa speedboat. Ngunit nang mapaandar na ang sasakyan at tumulak na iyon palayo sa katihan ay nakita nilang kinakawayan sila ng katiwala. May hawak na malaking supot at may isinisenyas sa kanila na hindi nila maintindihan. “Bumalik muna tayo,” sabi niya kay Adam.
“Wala 'yon,” sigaw nito sa gitna ng ingay ng makina. Binilisan pa ang takbo nila. “Baka ipinapaalala lang uli niya na kakaunti na ang gasolina nito. Diyan lang naman tayo. Hindi ito mauubos.”
Nasa kalagitnaan pa lang sila ng dalampasigan ng mahabang bundok nang mapansin ni Majoyce ang coral reef. “Wow! Ang ganda. Adam, tingnan mo!”
Binagalan nito ang pagpapatakbo sa speedboat hanggang tuluyan nang patayin ang makina. Tiningnan nito ang tinitingnan niya sa ilalim ng tubig. “Ang ganda nga pala rito.” Napakalapit lang ng pampang sa dalisdis na tinutubuan ng mga puno at palumpong. May limang minuto muna ang lumampas bago muling binuhay ni Adam ang makina ang speedboat.
Habang umaabante ang sinasakyan nila, paganda nang paganda ang coral reef. At tuwing humihinto sila, hindi nagtatagal at nakikita nilang lumalangoy sa gawing iyon ang mga makukulay na isda.
“Majoyce, look!”
Pag-angat ng tingin ay nakita niya ang dalawang ibon na palipat-lipat sa mga sanga ng isang puno na may malabay na dahon. Pinaghalong blue at orange at itim ang kulay ng balahibo ng mga iyon at mas malaki sa pangkaraniwang parrot. “Ang ganda!”
“Sandali, kukunan ko ng pictures.”
Napatingala siya habang abala si Adam sa pagkuha ng litrato. Kumakapal na ang ulap na nagmumula sa kanluran. “Adam, bumalik na tayo. Parang uulan na.”
“Okay lang namang maulanan tayo. Hindi pa naman tayo nakakapagbanlaw. Besides, hindi pa natin nararating ang dulo nito. 'Ayan na lang naman, o, mga thirty meters na lang siguro. Hey, look,” turo nito sa gawing unahan ng bundok, “may maliit na waterfalls pala ro’n, o. I think we can check it out before we go back.” Ibinulsa ni Adam ang camera at pinaandar uli ang speedboat.
Ngunit ayaw nang umandar ng speedboat. Kahit ano ang pagsisikap nito na mapaandar ang motor ay hindi na umandar iyon. Nakaturo na sa “empty” ang fuel gauge at nang tingnan ni Adam ang tangke ay wala na palang gasolina.
Lalong dumilim ang paligid nila. Kinakabahan na tuloy si Majoyce dahil kakaiba ang dilim. Napakadilim at lumalakas na ang ihip ng hangin. Nanlaki ang mga mata niya nang mapatingin siya sa laot. “Adam, water spout, o!”
“Ha?” Nag-angat ng ulo ang binata at tiningnan ang itinuturo niya. “Blast!” Frustrated na binayo nito ang manibela.
Palaki nang palaki ang water spout, indikasyon na masasakop na rin niyon ang kinaroroonan nila. “Ano’ng gagawin natin? Kailangan na nating makaalis dito.” Hindi na kailangang sabihin ni Majoyce kay Adam na natatakot na siya. Natitiyak niyang masasalamin iyon sa kanyang mga mata.
“Now I know kung ano ang isinisenyas ni Manong sa atin kanina—life jackets. Kukuha sana siya ng life jackets para sa atin pero umalis kaagad tayo.” Muli na namang binayo ni Adam ang manibela. “This is all my fault.”
Wala silang ibang pagpipilian kundi ang subukang lumangoy patungo sa pampang. Ngunit nang bumaba sila ng speedboat ay naramdaman agad nila ang malakas na undercurrent. Natangay agad si Majoyce ng agos. Nagkalayo sila ni Adam. Kahit ano ang pagsisikap niyang kumampay at pumadyak paitaas ay walang saysay. Higit na malakas ang puwersa sa ilalim ng tubig.
Ang huling natatandaan ni Majoyce ay tumama ang likod at ulo niya sa isang matigas na bagay. Wala na siyang natandaan pagkatapos.

Vote po, please ;)

https://www.preciousshop.com.ph/home/

http://www.booklat.com.ph/

http://www.phr.com.ph/

The Other Side Of Love COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon