Torn

6.8K 150 22
                                    


Chapter Sixteen

DALA ni Majoyce ang tray na naglalaman ng tanghalian ni Adam nang pumasok siya sa silid nito. Nakaupo si Adam habang sinusuotan ito ng pang-itaas ni Kimi, na napakahirap dahil nakasemento ang kanang braso ng binata. Hindi pa kayang tumayo ni Adam gamit ang crutches kaya kadalasan ay nakahiga lamang ito sa kama. Kapwa nakabenda rin ang magkabilang binti ng binata. Matinding effort din ang kailangan kapag lumilipat si Adam ng puwesto kaya madalas na dalawang tao ang tumutulong para lang makalipat ito sa wheelchair o makabalik sa kama.  
“Great!” bulalas ni Adam nang makita si Majoyce. “Lunchtime na, Nurse Kimi. You can go now. Kumain ka na rin sa dining room. Puwede mo na kaming iwan dito ni Majoyce,” sabi nito sa kaibigan niya. Pansamantalang si Kimi muna ang nakatokang nurse kay Adam habang hindi pa nakakakuha ng nurse para dito. Naiwan naman sa yaya ang pag-aalaga kay Faye.
“Huwag kang atat,” kontra naman ni Kimi. “Hindi pa napapalitan ang jersey pants mo.”
“Mala-Hitler talaga sa higpit nitong nurse na kinuha n’yo sa akin,” kunwaring reklamo ni Adam sa kanya.
Natawa si Majoyce. “Sumunod ka na lang.” Inilapag niya ang tray sa adjustable table na para kay Adam. Inilapit niya ang table sa kinaroroonan nito.
“Mamaya na ako magpapalit ng pants pagkatapos kumain,” hirit pa rin ni Adam kay Kimi.
“Sinabi mo, eh. Madali naman akong kausap.”
“Gusto ko sana saluhan mo ako sa pagkain,” sabi ni Adam sa kanya. “Gusto ko doon tayo sa dining room.”
“Adam, hindi pa puwede, mataas ang dining table. Mangangalay lang ang mga braso mo roon. At least dito, adjustable sa gusto mong height itong table. Kapag gumaling na ang kanang braso mo, saka ka na lang sumalo sa amin sa pagkain doon.”
Hindi na nagpumilit pa ang binata. “Alam mo ba, mababa rin lang ang dining table namin ni Papang Aldo sa Nagsasa,” kuwento nito. “Kasi raw 'yon ang nakasanayan niya. Four-eleven lang daw ang height ng namatay niyang asawa. Kaya iginagawa niya ito ng mesa na tama lang sa height nito.”
“May ipinagtataka lang ako,” sabi niya.
“Ano 'yon?”
“Kasi nakita ang kuwintas mo sa bangkay ng isang lalaking nakitang palutang-lutang sa karagatan ng Bataan, kaya nga ipinalagay namin na ikaw 'yon. Hindi na nga lang makilala ang bangkay kasi nasa advance stage of decomposition na.”
“Nang maaksidente ako sa puno ng niyog at bumalik na ang memorya ko, saka lang ipinagtapat sa akin ni Papang Aldo ang totoong mga nangyari noon. Dalawang katawan daw ang natagpuan niya sa laot, malayo sa Nagsasa. Pareho raw nakakapit sa iisang putol na puno ng kahoy at inaanod sa dagat. Patay na raw ang isa at ang isa ay ako nga. Maliit na bangka raw ang dala ni Papang Aldo kaya ako na siyang buhay na lang ang iniligtas niya. For some reason, inalis niya ang kuwintas ko at inilagay iyon sa bangkay ng lalaki bago niya hinayaang maanod iyon.
“Ipinagtapat niya rin sa akin na kahawig ko ang anak niyang pinatay noon kasama ng asawa niya. Nakatagpo raw siya ng pag-asa sa akin. Sa pamamagitan ko raw ay nabuhay uli ang alaala ng anak niyang si Eman. Kaya sa panahong may amnesia ako, pinapaniwala niya ako na ako si Eman na nag-iisa niyang anak.”
“Ang lungkot naman pala ng kuwento niya.”
“Oo, kaya nga hindi ko na siya sinumbatan na hindi siya gumawa ng paraan para maibalik ako sa tunay na pamilya ko sa loob ng dalawang taon na nagka-amnesia ako. Naaawa ako sa kanya dahil sa  nangyari.”
“At least, hindi ka niya pinabayaan. Itinuring ka pang anak niya.”
“Oo nga.” Ikinanginig ni Majoyce ang sinabi ni Adam sa kalagitnaan ng pagkain.
“Majoyce, magtapat ka nga sa akin, may samaan ba kayo ng loob ni Daddy?”
Pinigilan niya ang sarili na mapatingin kay Kimi na alam niyang nakikinig sa kanila kahit hindi ito nakaharap. “Wala. Bakit mo naman nasabi 'yan?”
“Eh, kasi, mula nang dumating ako, hindi ko na kayo nakitang nagkasabay dito o kahit doon sa ospital. Pakiramdam ko tuloy nag-iiwasan kayong dalawa.”
“Nagkataon lang sigurong hindi kami nagkakasabay sa pagpunta rito.” Napag-usapan na nila ni Luis na hanggang maaari ay iiwasan nilang magsabay sa pagdalaw sa silid ni Adam. Iyon lang ang alam nilang paraan para maiwasan nila ang awkward na sitwasyong magkaharap-harap silang tatlo. Natatakot silang madulas ang sino man sa kanilang dalawa, o mapansin ni Adam ang intimacy sa pagitan nilang mag-asawa. “Pero wala kaming samaan ng loob ng daddy mo. Malabong mangyari 'yon. Napakabait ni M—n-niyang tao. At napakahalaga mo sa kanya.”
Ngumiti si Adam. Nakahinga si Majoyce na nakumbinsi niya ito. “I know that. He’s the best dad in the whole world.”
“Tama ka. Sobra-sobrang pag-aalaga rin ang ibinibigay niya kay Faye.”
Umabot ang isang kamay ni Adam at hinawakan ang kamay niya. “Hon, kapag okay na okay na ako at natanggal na ang pagkakasemento ng braso at mga binti ko, pag-usapan naman natin ang tungkol sa ating dalawa.”
Hindi niya matagalang tingnan ang hopeful na mga mata ni Adam. At labis ang pagtutol ng loob niya sa endearment na itinawag nito sa kanya. Para lang iyon kay Luis. Ngunit paano niya tututulan si Adam sa gusto nitong itawag sa kanya? “Huwag ka munang mag-isip ng kung ano-ano,” sabi na lang niya. “Mag-focus muna tayo sa paggaling mo. Saka na lang natin pag-usapan ang ibang mga bagay kapag magaling na magaling ka na.”
Hindi na kumibo si Adam. Tila nasaktan ito sa sinabi ni Majoyce. Ngunit hindi na niya tinangkang suyuin si Adam o bigyan ito ng false hopes. Alam niyang mas masakit iyon sa bandang huli.
Siya na rin ang naglabas ng pinagkainan ng binata. Nasa pintuan siya nang makita niyang nakatingin sa kanya si Kimi. Alam niyang may sasabihin ang kaibigan sa kanya ngunit hindi sa harap ni Adam.
Gaya ng inaasahan ni Majoyce, pagkatapos ng shift ng kaibigan niya ay pinuntahan siya nito sa veranda. Nakausap na ni Kimi ang kapalitan na bagong nurse na lalaki.
“Hanggang kailan mo itatago kay Adam na kasal ka na sa daddy niya?” tanong ni Kimi.
“Ewan ko. Definitely, hindi sa panahong ito. Hindi ko alam kung ano ang magiging epekto sa kanya kapag nalaman niya ang totoo.”
“Nararamdaman ko na nahihirapan kang itago sa kanya ang totoo. Gaya na lang kanina, halatang-halata ang discomfort mo habang pinag-uusapan ninyo ang daddy niya.”
“'Yon na nga, Kimi, eh.” Hindi na niya itinago ang pag-aalala niya. “Para ba akong isang kriminal na itinatago sa batas ang krimen na nagawa ko. Ang hirap-hirap palang maglihim ng isang bagay na alam ng lahat liban lang sa taong gusto mong paglihiman. Pakiramdam ko, kahit anong oras, mabibisto ni Adam ang sekreto namin ng daddy niya.”
“Basta mag-ingat ka lang. At kung maaari, huwag n’yo na sanang patagalin. Sigurado ako na hindi magiging maganda ang pagtanggap dito ni Adam.”
Sumagap si Majoyce ng hangin. “Ang totoo, hirap na akong makatulog sa gabi dahil sa pag-iisip. Ngayon ko lang na-realize kung gaano kahirap ang sitwasyon namin ni Luis.”
Pinisil ni Kimi ang balikat niya. “Huwag kang mag-alala, may awa ang Diyos. Magdasal lang tayo na matanggap ni Adam ang sitwasyon kapag nalaman na niya ang totoo.”
Iyon nga ang pirming dasal niya. Na sana, maging maluwag sa puso ni Adam ang pagtanggap sakaling malaman na nitong mag-asawa na sila ng ama nito.
Hirap nga lang siyang iwaksi ang pag-aalala. Lagi niyang inilalagay ang sarili sa kalagayan ni Adam. Kaya alam niya, hindi magiging madali rito ang lahat kapag dumating na ang panahong malaman na nito ang totoo.

The Other Side Of Love COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon