Remembering Love-filled Nights

17.2K 312 87
                                    


HINDI inaasahan ni Majoyce na hahabulin siya ni Miss Krissy bago siya makalabas ng ospital. Dinala  siya ng babae sa cafeteria.
“Nakikita ko kung gaano kahirap kay Luis ang paghihiwalay ninyo,” sabi ni Miss Krissy.
“Kaya po ba inaaliw ninyo ang asawa ko?” Hindi niya naitago ang selos sa kanyang tinig.
Ngumiti ito. “Alam mo, buhay pa si Frances noon ay gusto ko na si Luis. Pero alam kong kahit kailan, hindi niya ako magugustuhan. Kaibigan lang talaga ang turing niya sa akin. At hindi ko naman ugaling mang-agaw ng asawa ng may asawa. I gave up my designs for him after you two got married. Dahil nakita ko sa mga mata niya kung gaano siya kaligaya sa iyo. He was devastated when he decided to leave you.”
“Ako rin naman.”
“Majoyce, this is not the time to give up on him. Ngayon niya higit na kailangan ang suporta mo. Iparamdam mo 'yon sa kanya magkasama man kayo o hindi.”
Nagpasalamat si Majoyce sa babae pagkatapos nilang mag-usap. Tama si Miss Krissy. Hindi niya dapat isuko si Luis. Mag-asawa sila, magkakampi dapat. Si Luis at siya ay iisa.
Imbes na umuwi ay hinintay na lang niya si Adam. Sumabay na siya rito sa kotse.
“You’re jealous with Tita Krissy, right?”
Tiningnan niya ito nang masama. “Ako dapat ang nasa lugar niya. Ako ang dapat na nagbibigay ng lakas ng loob kay Luis at hindi ang ibang babae.”
Dinig niya ang pagsagap at pagbuga nito ng hangin. “This is not easy for me… But I’m setting you free, Majoyce. Pababayaan ko na kayo ni Daddy.
Namilog ang mga mata niya. Iyon na yata ang pinakamagandang balita na narinig niya sa loob ng napakatagal na panahon.

NARINIG ni Luis ang mga yabag sa sala mula sa nakabukas na sliding door sa veranda ng condo unit na kanyang kinaroroonan.
“Sir Luis?”
Boses iyon ni Oca. Nilingon niya ito.
“Hindi na po ba kayo maghahapunan?”
“Hindi na.” Kape lang ang kaya niyang ilaman sa sikmura niya sa ngayon. Mula nang manggaling siya sa ospital kahapon at kanina, hindi pa rin niya makapa ang gana niya na tumikim ng pagkain.
“Ilalagay ko na lang po sa ref ang ipinadalang pagkain dito ni Manang Loida. Sir, kung wala na po kayong ipapagbilin, uuwi na po ako sa amin.”
“Wala na. Sige, umuwi ka na. Bumalik ka na lang sa umaga.”
“Eh, Sir, nagbilin po sa akin si Sir Adam na sunduin ko siya sa mansiyon bukas ng umaga. May pupuntahan daw po siya.”
“Okay. Puntahan mo na lang ako sa opisina bukas ng hapon.”
“Papasok po ba kayo kahit Sabado, Sir?”
Napangiwi si Luis. Nakalimutan niyang weekend na nga pala. “Sige na. Sa Sunday ng gabi ka na lang bumalik dito.”
“Salamat po.”
Nagbuntong-hininga siya nang wala na si Oca. Sunod-sunod ang problema at bigat ng dibdib na dinadala niya. At ang pinakabago, ang pagkamatay ng apo niya sa sinapupunan ng anak niyang si Anette.
Awang-awa siya kay Anette. Halos hindi maampat ang luha sa mga mata nito. Sumundot sa puso niya ang sinabi nito kanina. Parusa raw kaya ng Diyos dito ang pagkamatay ng anak nito dahil sa pangit na pakikitungo nito kay Majoyce?
Hindi niya sinagot ang anak. Niyakap lang niya ito. Hahayaan niyang magkaroon ng realisasyon sa sarili ang anak niya. May sariling buhay ito. Wala siyang karapatan para diktahan si Anette lalo at nasa edad na ang anak at may sarili nang pamilya. Alam nito ang masama at mabuti. May isip si Anette para piliin ang reaksiyon at desisyon nito sa lahat ng mga bagay na dumarating sa buhay nito. Hahayaan niyang matuto ang anak sa mga pagkakamali. Maging susi sana iyon para piliin nito ang tama at mabuti.
Ang isa pang iniisip ni Luis ay si Adam. Kinausap siya nito kahapon. Nagpaplano ang kanyang anak na kumuha ng masters degree in Business Administration sa States. Doon daw gustong hanapin ni Adam ang career na para dito. Sana raw ay payagan niya ito.
Kinabahan siya sa sinabi ni Adam. Ibig din bang sabihin ay isasama ng anak niya si Majoyce sa Amerika? Parang hindi yata niya makakaya na tuluyan nang mapalayo sa kanya ang kanyang asawa. Lalo na ngayon, ngayong nanumbalik na ang dating lakas ni Adam.
Iniisip na ni Luis na balikan si Majoyce. Kung mapapatawad pa siya ng asawa sa ginawa niyang paglayo. Dahil kahit sinasabi ni Majoyce na mahal siya nito at hindi tatalikuran ang sumpaan nila, nakikita niya naman kung gaano kalaki ang tampo at sama ng loob ng asawa sa kanya.
Nakarinig na naman siya ng yabag at kaluskos sa loob. Napakunot-noo siya. Sa pagkakaalam niya ay nakaalis na si Oca. Isinara niya ang sliding door sa veranda at pumasok na siya sa sala. Tiningnan niya ang kusina at ang staff room. Walang tao roon.
Nagtungo na si Luis sa kanyang silid. Nagtuloy siya sa banyo at mabilisang nag-shower. Hindi niya alam kung makakatulog siya. Kung gaano katagal siyang pipikit at muling didilat dahil mananatili lang na gising ang kanyang diwa. Kung ilang biling-baligtad ang gagawin niya sa kama.
Paulit-ulit na binabalikan niya sa isip ang iilang pagkakataon na doon sila nagpalipas ng magdamag ni Majoyce. Kung saan napupuno ng suyo at pagmamahalan ang bawat sandaling magkasama sila sa silid na iyon. Kung gaano katagal at kung gaano katigib ng kaligayahan ang bawat pagniniig nila.
Parang kailan lang iyon. Marahil, kung hindi sa mga matatamis na alaalang iyon ay matagal na siyang nabaliw sa labis na lungkot. Dahil sa pagdaan ng maraming mga araw ay hindi man lang pumusyaw ang pangungulila niya sa kanyang asawa.
Hindi na niya binuhay ang ilaw sa silid liban lang sa malamlam na ilaw na hinahayaan niyang bukas sa harap ng pinto ng banyo. Pakapang sumampa siya sa kama, para lang magulat nang mahawakan niya ang isang mainit na bultong nakahiga roon.
Napaunat siya. “Sino ka?”

KASABAY ng pagbuhay ng lampshade ay bumangon si Majoyce sa pagkakahiga. Ngunit hindi para umahon sa kama kundi para lang sumandal sa headboard niyon. Nakangiting pinagmasdan niya ang gulat na gulat na anyo ng mahal niyang asawa.
“Joyce?”
Tinapik niya ang espasyong katabi. Mabagal niyang inalis ang isang tirante ng suot niyang nightie. She flashed him a flirty smile.
Napalunok si Luis, kandautal nang magsalita. “B-bakit ka nandito?”
“Dahil nandito ang asawa ko.”
“Si Adam—”
“Hindi ko asawa si Adam. Hindi magiging asawa kahit kailan. Malakas na siya ngayon. Kaya na niya ang sarili niya. Lumipas na ang bitterness niya sa nangyari. Hindi pa siguro lahat pero sabi niya, hindi na niya tayo guguluhin pa.”
Nangislap ang mga mata ni Luis. “Talaga?”
“Oo. Kaya ano pa ang itinutunganga mo diyan? Sumampa ka na rito at missed na missed ko na ang yakap mo.”
Mabilis pa sa alas-kuwatrong sumampa si Luis sa kama at niyapos si Majoyce nang mahigpit. “Me, I missed your lips and the way they kissed mine…”
Napapangiting kumalas siya. Mabilis na inapuhap ng bibig nito ang mga labi niya. At ang mga tampo at sama ng loob niya rito ay naburang lahat ng halik. All the longings and the pent up emotions were spelled in that kiss.
“I love you, Joyce…” sabi ni Luis nang sandali silang huminto upang sumagap ng hangin. Puno ng pagsamba at pag-ibig ang magagandang mata nito. “Ayoko nang isipin ang mga araw na wala ka sa tabi ko. It was like being sentenced to hell.”
“I love you, too. So much… Hindi na natin iisipin ang mga araw na 'yon. Wala nang kahit na sino’ng makakapaghiwalay sa atin. I promise you.”
“And I promise you the same.”
“I believe you.” Kinintalan ni Majoyce si Luis ng halik sa tungki ng ilong nito. Parang inililipad siya sa labis na kaligayahan. Naroon siya ngayon, nakapaloob sa mga bisig ng asawa. And everything became right. Wala na siyang mahihiling pa.
“I’m sorry I left you. I’m so sorry na kinailangan kong iwan ka noon.”
Ngumiti siya nang pilya. “Bakit ka ba magso-sorry kung puwede mo namang bayaran ng halik at pagmamahal ang lahat ng mga atraso mo sa akin?”
Natawa ito. “In that case, I’ll start making up to you, lovely wifey.” Muling sinakop ng asawa ang mga labi niya sa isang marubdob na halik. Naging mapanuklas na rin ang mga kamay nito, tinatahak ang pamilyar na lugar na tanging ito lang ang maaaring tumuklas. Saglit pa at napuno na ng anasan at daing ang silid.

SINUNDAN ni Kimi ang itinuturong lugar ng flight attendant bilang seat assignment niya sa eroplano. Napanguso siya nang makitang nasa gitna iyon. Isang lalaki ang nakaupo na sa tabing bintana kahanay ng upuan niya. Iyon sana ang gusto niyang lugar.
Nagkibit-balikat siya. Better luck next time, Kimi.
Patungo na siya sa New Jersey. Isang kamag-anak nila roon ang tumulong at nagturo sa kanya para makapag-apply sa isa sa pinakamalaking ospital doon bilang nurse. Mabuti na lang at accredited ng POEA ang agency na ibinigay nito. Naging mabilis at maayos ang lahat ng pagpoproseso ng mga papeles niya.
At mabuti na rin lang na pasado na si Kimi sa CGFNS. Magkasabay silang kumuha noon ni Majoyce pagkatapos nitong pumasa sa nursing licensure board exam. Pero walang balak ang kaibigan niya na mag-abroad kahit pumasa rin ito sa CGFNS. Masaya na ang kaibigan na manatili sa Pilipinas kasama ni Faye at ng asawang si Luis.  
Huminga siya pagkaupo. America, here I come!
Binuksan niya ang inside pocket ng suot niyang vest at kumuha ng gummy candies doon.
“Pahingi naman ng gummy bear mo.”
Bigla siyang napalinga. At naroon, nakangisi, ang lalaking nakaupo sa tabi ng bintana—si Adam.
“Don’t tempt me,” pilyong sabi nito.
“T-tempt you?” tanong niya, litong-lito. Bakit naroon ang binata?
“Bibig mo, nakabuka. Baka ma-tempt akong halikan 'yan gaya ng ginawa mo sa akin noon,” sabi ni Adam sabay kindat.
Umakyat yatang lahat ng dugo sa mukha ni Kimi.

•••WAKAS••

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Jan 13, 2018 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

The Other Side Of Love COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon