Still Alive

6.8K 136 12
                                    

Chapter Fifteen

“GIRL, you’re glowing. Para kang isang halaman na sagana sa dilig,” nanunuksong sabi kay Majoyce ni Kimi.
Nginitian lang niya ang kaibigan. Kagabi pa sila nakauwi ni Luis sa mansiyon mula sa Baguio. Naidaan na nila ang mga pasalubong nila sa kanyang pamilya at maging kina Anette. Tuwang-tuwa ang nanay niya at si Caloy sa mga pasalubong.
Kabaliktaran naman ang reaksiyon ni Anette nang dumaan sila sa bahay nito. Hindi na lang daw sana sila nag-abala pa. Wala raw namang kakain ng mga pasalubong nilang Baguio delicacies doon. Ipamimigay lang daw nito ang mga iyon.
Matabang ang pakikiharap ni Anette sa kanila lalo na kay Majoyce. Kunsabagay, hindi na siya umaasa ng iba pa. Nasasaktan lang siya kapag nakikitang nalulungkot si Luis dahil doon. At tuwing hihingi ang asawa ng paumanhin sa ginagawang pangit na pakikitungo ng anak nito sa kanya.
Mabuti pa si Donnie, inistima sila nang mabuti. Si Donnie na ang nagpupuno sa kakulangan ni Anette. Hindi lang niya alam kung hanggang kailan nito mapapagpasensiyahan ang ugali ng asawa.
“Mukhang sinulit n’yo ang ilang araw na late honeymoon n’yo sa Baguio, ah,” tukso pa rin ni Kimi na may kasama pang bahagyang dunggol sa braso ni Majoyce.
“Nag-enjoy talaga kami roon, lalo na ako. First time kong mapuntahan at makita ang sights doon. Marami kaming pasalubong para sa 'yo. Nabili ko rin 'yong bilin mong walis at hinabing place mats.”
“Talaga lang, ha? Nagkapanahon pa kayong bumili? Naisip ko nga na baka hindi na kayo lumalabas ng kuwarto.”
Natawa siya. “Lumalabas din naman kami kapag araw.”
“So, how is he as a lover?” mahinang tanong nito na parang may ibang makakarinig sa kanila.
“Tigilan mo na nga ako, Kimi. Kumusta naman kayo rito noong wala kami?” pag-iiba niya. “Wala ba kayong naging problema?”
“Wala naman. Mabait naman kasi 'tong pasyente natin. Araw-araw lang kung mag-tantrum at palagi lang ang sabi ng ‘Ma’ kahit ako ang kasama niya. Sobrang attached sa 'yo nitong si Faye. Ano ba ang ipinakain mo rito?”
Tumawa si Majoyce. “Malunggay.”
“Sabi ko nga. Feeling talaga siguro ng batang ito ikaw na ang nanay niya mula ng ikasal kayo ng ama niya.”
“Dapat lang naman, kasi itinuturing ko na rin siyang anak mula nang pakasalan ko ang daddy niya.” Pinagmasdan niya si Faye na panay ang ngiti sa kanya kahit nagkakabalu-baluktot ang mukha at mga kamay nito. “Gumaganda na ang katawan mo, ah. Magaling mag-alaga si Nurse Kimi, 'di ba?”
“Mmmi… mmmi,” sagot ni Faye.
“Ginawa ko nang araw-araw ang paghahalo ng malunggay sa diet niya,” sagot ni Kimi. “Tingin ko kasi effective sa kanya.”
“'Pansin ko nga.” Biglang tumunog ang cell phone niya. Dinukot niya iyon sa bulsa niya. Si Luis ang tumatawag. Tumalikod muna siya kina Kimi at Faye bago iyon sagutin. “Mon, bakit?”
“You won’t believe this, Joyce,” medyo humihingal pang sabi ni Luis sa kabilang linya.
“Ang alin?”
“I’m on my way to Baypointe Hospital and Medical Center sa Subic Bay Freeport Zone now. Naroroon si Adam ngayon. Buhay siya.”
Hindi siya makapaniwala. Malinaw na narinig niya ang sinabi ng asawa. Kung buhay si Adam, sino ang inilibing nina Luis?

SA MAKATI Medical Center dinala si Adam pagkatapos itong sunduin ni Luis sa Baypointe Medical Center sa Subic. Nagtamo ito ng bali ng buto sa magkabilang binti at fracture sa kanang braso at mga pasa sa katawan bunga ng pagkakahulog nito. Sumailalim sa orthopedic surgery doon ang mga nabaling binti ni Adam. Isinemento naman ang kanang braso nito.
Kuwento ni Luis kay Majoyce, natagpuan daw si Adam ng isang mangingisda na palutang-lutang sa laot ng Nagsasa Bay sa San Felipe, Zambales may dalawang taon na ang nakararaan. Ipinagamot daw si Adam ng mangingisda. Dahil hindi kilala ni Adam ang sarili ay inari nang anak ng mangingisdang iyon at pinatira sa bahay nitong malapit sa dalampasigan ng Nagsasa Cove.
Ngunit nang mahulog daw si Adam mula sa itaas ng inakyat nitong puno ng niyog, nabalian man ito ng mga buto ay nagbalik naman ang alaala ni Adam.
Parang nakahanap ng lifeline na makakapitan si Adam nang makita si Majoyce. Halos ayaw na nitong mawala pa siya sa paningin nito. Masayang-masaya raw ang binata na naroroon siya at nabuhay pa para magkita pa sila. Nakikita niya sa mga mata ni Adam ang dating pagmamahal sa kanya bago mangyari ang aksidente.
Nagbigay iyon ng takot kay Majoyce. Kaya nga hindi niya masabi kay Adam na kasal na siya sa ama nito. Hindi niya alam kung ano ang aasahan at kung ano ang magiging reaksiyon ni Adam kung sakali.
“We need to talk,” magkasabay na sabi nila ni Luis sa isa’t isa nang mapagsolo na sila sa loob ng kanilang silid. Gaya niya, mukha ring problemado ang asawa. Ngayon lang niya nakita ang ganoong ekspresyon ni Luis.
“Go ahead. You first,” sabi nito.
“Mon, hindi muna natin puwedeng ipaalam kay Adam na mag-asawa na tayo ngayon.”
Pinagmasdan si Majoyce ni Luis, parang may binabasa sa kanyang mga mata. Bumuntong-hininga ito mayamaya. “'Yan nga rin sana ang gusto kong sabihin sa 'yo. Ayokong mabigla siya. Remember, he still loves you. He still remember what you had before the accident. I mean, it’s inevitable na masasaktan siya kapag nalaman niya ang totoo. But at least we can delay it for the time being.”
Napatango siya. Yumakap siya kay Luis, umaamot ng lakas ng loob sa kinakaharap nilang sitwasyon. “Wala akong idea kung paano niya ito tatanggapin.”
“I know.” Hinapit siya nito. Alam niyang nagpapakatatag lang ang kanyang asawa. Ngunit sa kanilang dalawa, higit na mahirap para kay Luis ang sitwasyon, lalo na kapag nalaman ni Adam ang totoo.
Kumalas na siya rito. “Kailangan kong lumipat ng kuwarto. Doon muna ako matutulog sa guest room. Magpapatulong na lang ako kay Manang Loida na ilipat doon ang mga damit ko.”
“Kailangan bang… ngayon na natin gawin ito?” napapabuntong-hiningang tanong ni Luis.
“Oo. Mas mahirap kapag nakita niya ako na pumasok o nanggaling dito sa masters bedroom. Paano natin ipapaliwanag 'yon nang hindi niya malalaman na mag-asawa na tayo kapag nagtanong siya?”
“Napakahirap nito para sa akin. Nasanay na akong kasama ka rito.” Hinawakan ni Luis ang mga kamay ni Majoyce. Humaplos ang hinlalaki nito sa kanyang ring finger.
“Oo nga pala,” sabi niya, “kailangan din nating hubarin muna ang wedding ring natin.” Mahirap para sa kanya na gawin iyon. Labag sa loob niyang gawin. Nangilid ang luha niya nang hubarin ang singsing sa kanyang daliri.
Niyakap siya nito nang mahigpit. “I promise you, hon, kapag dumating na ang panahong magagawa na nating ibalik sa mga daliri natin ang wedding rings, hinding-hindi na natin huhubarin ang mga ito sa kaparehong dahilan.” There was a catch in his voice that made her  cry even more.

KULANG na lang na tumalon-talon pa si Jericho habang naglalakad patungo sa office building nina Hyacinth. Masayang-masaya siya dahil sa wakas ay makapagpapakasal na rin sila. Nasa bulsa niya ngayon ang kanilang mga wedding ring na kabibili lang niya.
Kinausap siya ng kanyang ama. Habang hindi pa raw gaanong nahahalata ang tiyan ni Hyacinth ay magpakasal na sila kahit sa huwes lang. Ang kanyang ama na raw ang bahala sa mga gastusin sa pagpoproseso ng mga dokumento gaya ng lisensiya sa pagpapakasal. Sa kanyang ama rin nanggaling ang perang ipinambili niya ng mga wedding ring.
Ngayon pa lang kumikita ang kanyang ama. Mahigit isang buwan pa lang sa kanila ang dalawang jeep na pamasada. Ngunit nais na nito na ibigay ang mga kinita niyon sa kanya para maiayos ang kanyang buhay-may-asawa.
Sumakay si Jericho sa elevator na maghahatid sa kanya sa palapag ng opisina nina Hyacinth. Dalawang empleyadong babae ang lumulan doon kasabay niya.
“Usap-usapan na nga siya sa office kasi nagsisimula nang lumaki ang tiyan pero hindi pa pala napapakasalan,” sabi ng isa.
Naisip niyang iba-iba lang talaga ng venue ang mga tsismosa. Hindi lang sa mga pondahan at tabing-kalsada makikita ang mga iyon. Pati ang prestihiyosong gusali na iyon ay na-infiltrate na rin ng mga tsismosang mga nakauniporme pa.
“Kaya ba hindi na niya ginagamit ang BMW niya kasi ayaw niyang ma-stress sa traffic ngayong buntis na siya?”
“Naku, hindi. May palagay ang sekretarya niya na itinatago lang daw ni Miss Mercader sa BF na may posh car ito. Alam mo na, ayaw sigurong ipahiram. Balita ko kasi poor lang daw 'yong guy na nakabuntis…”
Miss Mercader?
“Takot siguro siyang ipaalam dito na marami siyang pera. Baka nga naman utangan siya o hingan. Magmumukha nga naman siyang sugar mommy n’on. Eh, alangan, 'di ba? Kasi ang ganda-ganda niya at successful pa. Sayang at sa isang poor na lalaki lang siya napunta.”
“Kahit naman poor lang 'yong guy, kung gusto niyang magpakasal, magpapakasal siya rito,” sabi ng mas may-edad. “Puwede namang siya ang gumastos. Uso na ngayon 'yon. Tutal mayaman naman talaga ang angkan niya. Isa pa, isa siya sa mga account executive ng Western Holdings. Sa laki ng suweldo niya rito kahit siya na lang ang gumastos sa kasal niya, puwede.”
“Sayang si Hyacinth, ano? Napakaganda, edukada, pero hindi ginamit ang talino.”
“Baka naman gusto lang magkaanak kaya nagpabuntis lang. Alam mo naman ang mga babaeng career-oriented sa panahon ngayon, karamihan gusto lang magkaanak at ayaw magpatali sa kasal. Lalo na kung hindi naman mayaman ang nakabuntis sa kanya.”
Patdang-patda si Jericho. Sumapit na siya sa palapag na dapat niyang babaan ngunit hindi niya magawang lumabas ng elevator. Walang duda na ang pinagtsitsismisan ng dalawang babaeng umibis ng elevator ay si Hyacinth. Maaaring tsismis lang ang mga narinig niyang pinag-uusapan ng dalawang babaeng nakasabay niya sa elevator. Ngunit may ilang detalyeng binanggit ang mga ito na sa palagay niya ay totoo.
Account executive pala si Hyacinth sa Western Holdings at hindi isang pangkaraniwang empleyada lang gaya ng pagkakaalam niya. May sarili pang sekretarya ito.
May kotse pala ang kanyang kasintahan at mamahalin pa gayong wala itong sinasabi sa kanya tungkol doon.
Posibleng gusto lang ni Hyacinth ng anak at ayaw talagang magpakasal sa kanya kaya hindi nagpipilit na pakasalan niya. Ayon pa nga rito noong minsang mapag-usapan nila ang tungkol doon, hindi raw siya pinaghahanapan nito ng kasal. Magsikap muna raw sila. May panahon daw para doon.
Hindi mahalaga kay Jericho kung ano ang posisyon ni Hyacinth sa pinapasukan. Lalong walang halaga sa kanya kung may sasakyan man o wala, o kung mayaman man ito o hindi, bagaman alam niya na may-kaya ang pamilya ng kasintahan. Pero sa ginawa ni Hyacinth na  paglilihim sa kanya ng ilang bagay, para na rin nitong tinapakan ang kanyang pagkalalaki.
“Sir, nasa top floor na po tayo. Saang floor po ba kayo?” untag sa kanya ng operator.
Nagising siya sa malalim na pag-iisip. “Ahm, sorry. Pakibaba na lang ako sa ground floor.”

The Other Side Of Love COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon