Chapter Nineteen
“DITO ka maupo sa tabi ko,” turo ni Adam kay Majoyce sa katabing stone bench. Gabi noon, hindi pa kabilugan ng buwan ngunit maraming bituin sa langit. Naroon sila sa hardin. Doon gusto ni Adam na magpalipas ng oras pagkatapos maghapunan. Nakaupo ito sa wheelchair. Pagod na raw si Adam. Siya naman ay piniling maupo sa hammock na paborito niyang upuan kapag naroon.
Maaliwalas ang kalangitan. Mabini ang simoy ng hangin. Si Adam ang kasama ni Majoyce ngunit naglalakbay ang isip niya sa isang gabing tulad din noon. Nakaupo rin siya sa duyan habang pinagmamasdan ang paglapit sa kanya ng hubad-barong si Luis, basa ang katawan, tumutulo ang tubig mula sa buhok. She was mesmerized back then. Alam niyang anuman ang gawin niya ay hindi na mawawala pa sa isip niya ang alaala ng tagpong iyon.
“Majoyce.”
“Huh!”
Napailing si Adam. “Nandito ako, kasama mo pero napakalayo yata ng iniisip mo.”
“Sorry.”
“Ipinaaalala ko lang, Majoyce, hindi pa ako handang iwan mo.”
Tumango lang siya, at malungkot na tumungo.
“Ano ba ang puwede kong gawin para mawala muna sa isip mo ang ama ko?”
Sumagap at nagbuga siya ng hangin. Hanggang maaari sana, ayaw niyang dumako ang usapan nila sa binubuksang paksa ni Adam.
“Akala mo ba madali sa akin ito? Akala mo ba natutuwa ako na makasama ka pero napakalayo naman ng isip at puso mo? Majoyce, you made me feel like a villain. Ayoko naman ng ganito, ah. Hindi ko gustong makita na nahihirapan ang loob mo dahil ako ngayon ang kasama mo at hindi ang daddy ko. Gusto ko lang namang maging masaya pagkatapos ng mga nangyari sa akin.”
“Nagsasakripisyo na kami ng ama mo, Adam. Nandito na ako at kasama mo. Makontento ka na sana roon. Sorry kung hindi magawa ng puso ko na mahalin ka uli.”
“Kung hindi ba ako mahina ngayon, kung kasing normal ba ako noong dati, mamahalin mo uli ako?” Tila humihingi ng awa ang tinig ni Adam.
“Kung nagkapalit kayo ng kalagayan ni Luis, kung siya ang nakaupo riyan at hindi ikaw, hindi ko siya pagsasawaang mahalin.”
Nagtagis ang mga bagang nito. “You’re heartless.”
“Mas gusto mo bang magsinungaling ako?”
“Bakit hindi? Kung ang pagsisinungaling mo ang magpapagaan sa dibdib ko.”
“Hindi ko kayang mabuhay sa kasinungalingan. Hindi ko sinadyang mahalin ang daddy mo. Kusa ko na lang naramdaman ito.”
“Minahal mo na ako noon. Makakaya mo naman sigurong ibalik 'yon kung gugustuhin mo lang.”
Iniisip ba ni Adam kung ano ang sinasabi nito sa kanya? “Adam, asawa ko ang ama mo, hindi boyfriend lang.”
“Marami rin namang mga tao na nakikipaghiwalay sa una nilang pinakasalan, ah.”
“Sila 'yon, hindi ako. Look, minahal din ako ng daddy mo. Sana naman i-consider mo 'yon at irespeto.”
Saglit na natahimik muna si Adam bago muling nagsalita. “Bakit ba kasi ganito akong magmahal? Nasasaktan na, nagmamahal pa rin.” Puno ng pait ang tinig nito. “Tell me, Majoyce, kung hindi ka ba minahal ni Daddy, mamahalin mo pa rin siya?”
“Kung hindi niya ako minahal, handa kong kalimutan na lang ang pagmamahal ko sa kanya. Hindi ako hahadlang kung sino man ang pipiliin niyang mahalin. Ganoon ang nagmamahal, Adam. Pinipiling magparaya kaysa ipilit ang sarili sa minamahal.”
“Alam ko naman 'yon. Pero ganito ako. Ito ako. Mas gusto kong papaniwalain ang sarili ko na mamahalin mo uli ako kaysa magmukmok at umiyak sa isang sulok dahil hindi ko na magawang paibigin ka.”
Ang totoo, kahit magawa ni Adam na paibigin si Majoyce ay malabong tanggapin niya ito sa kanyang puso. Nakapili na ang puso niya ng isang taong mamahalin niya nang totoo. She had married that man. He now had a hold to her heart. And her life, together with her morals went with him.
Pero paano nga kung pagtagal-tagal, maramdaman na lang niyang minamahal na niya uli si Adam?“O, SMILE, Majoyce!”
Nagising siya sa pagkakatulala pagkarinig sa boses ni Adam. Nasa bakuran sila noon ng mansiyon. Nagpapaaraw ito roon. Dala marahil ng pagkainip ay napagdiskitahan nitong kumuha ng pictures gamit ang isang maliit na digital camera kahit iisang kamay pa lang ang nagagamit nito.
Iniharang niya ang mga kamay sa kanyang mukha. “Sorry,” sabi niya. “Ayokong mag-pose for pictures. Kunan mo na lang ng picture ang ibang bagay huwag lang ako.”
“Bakit?”
Umiling lang siya ngunit hindi ito sinagot. Si Luis lang ang gusto niyang kumuha ng larawan niya. Sa asawa niya nais mag-pose at hindi sa isang lalaking pinipilit na agawin ang pagmamahal niya kay Luis. “Pagod na ako,” sabi na lang niya. “Tatawagin ko na lang si Kimi. Kayo na lang ang maglaro.” Hindi pa ito sumasagot ay iniwan na niya. Nang makita niya si Kimi ay sinenyasan niyang puntahan sa bakuran si Adam.
Mabigat na mabigat ang loob ni Majoyce mula nang umalis sa mansiyon si Luis. Kung dati ay nagagawa niyang matulog doon, ngayon ay hindi na. Umuuwi siya sa kanila kahit araw-araw pa siyang sumakay papunta at pabalik. Maaalala lang niyang lalo si Luis. Bawat sulok ng mansiyon ay ito ang nakikita niya. Dalawang linggo pa lang silang hindi nagkikita ay parang masisiraan na siya ng bait.
Isinubsob niya ang mukha sa mga palad niya. Kapag pumipikit siya, lalo lang nagiging malinaw sa isip niya ang anyo ni Luis.
Bakit ba kailangan nilang magdusa dahil lang sa nagmalasakit sila sa anak nito? Bakit kailangang suklian ng galit at pagpapahirap ng loob ang kabutihang ibinigay nito kay Adam?
“Kung ako sa 'yo, ipapa-annul ko na lang ang kasal ninyo ni Daddy.”
Gulat na napaangat siya ng tingin. Naroon pala sa sitting room si Anette. Malaki na ang tiyan nito ngayon.
“Look at you, halatang hirap na hirap ka na sa sitwasyon mo rito. Kung mananatili kang kasal sa ama ko, siguradong hindi na kayo mapapatawad ni Adam.”
Nakatingin lang siya rito. Hindi galit kundi awa ang nararamdaman niya para kay Anette. Binubulag ito ng galit sa kanya at pagkagahaman sa kayamanan ng pamilya nito.
“What? Don’t you think it was a brilliant idea? Dahil konsiyensiya mo naman na habang-buhay na lang na magkagalit sina Daddy at Adam kung hindi ka makikipaghiwalay. Tutal naman, si Daddy na rin ang nag-initiate na layuan ka. Baka hindi lang niya masabi sa iyo na ipa-annul mo na ang kasal ninyo. At oo nga pala, hindi ka rin puwedeng bumalik kay Adam. Not after your marriage was consummated.”
Iniiwas niya ang tingin sa nakakalokong ngiti ni Anette.
“Kaya nga tutulungan ko na lang ang kapatid ko.”
“A-anong tulong?”
Ngumisi ito. “You’ll see.” Tinalikuran na siya ni Anette at lumabas na roon.
Iniisip niya kung ano ang tulong na sinasabi nito nang makarinig siya ng tawanan sa labas. Sumilip siya sa bintana. Nakita niya roon ang isang magandang babae. Parang pamilyar sa kanya ang mukha ng babae. Ito na ang nagpo-pose sa harap ni Adam.
“O, mag-pose ka naman ng ‘look up,’ Yvette.”
Yvette. Nakauwi na pala ng Pilipinas ang dating schoolmate nila ni Adam noong college. Natatandaan niyang matagal nang inirereto ni Anette ang babae kay Adam. Ngunit siya ang niligawan ni Adam noon.
Kung ang paglalapit ni Anette kay Yvette para kay Adam ang sinasabing tulong nito, ikatutuwa niya nang malaki iyon. Sana nga ay mabaling kay Yvette ang pansin ng binata. Pero dapat ba siyang magduda sa “tulong” sa kanya ni Anette? Hindi mawala sa pakiramdam ni Majoyce na may masamang motibo ang babae.“MAGPAKABAIT ka na, Adam. Hanggang bukas na lang ako rito,” sabi ni Kimi. Malakas na ito, nakakalakad na sa tulong ng tungkod, kaya na ng binata ang sarili. Ang theraphy nito ay sa PT clinic ginagawa tatlong beses sa isang linggo.
Nagulat si Adam. “Aalis ka na?”
“Oo. Kaya mo naman na ang sarili mo. Nakapag-apply na ako sa ospital. Sa Lunes na ang final interview ko. Kailangan ko nang seryosuhin ang pagkompleto sa requirements para makapag-abroad na ako pagkatapos.” Dumukot siya ng gummy candy sa bulsa niya at kinain iyon.
Inilahad ni Adam ang palad kaya napilitan siyang bigyan din ito. “Bakit mag-a-abroad ka pa?”
“Siyempre. Pangarap ko 'yon, eh. Gusto kong magkaroon ng magandang career bilang nurse. Saka pangarap kong magkaasawa ng green-eyed Caucasian. Paano ko matutupad 'yon kung hindi ako mag-a-abroad?”
“Puwede ka namang magkaroon ng career kahit nandito ka lang sa Pilipinas, ah.”
“Pero hindi ako magkakaroon ng asawang green-eyed kung nandito lang ako.”
“Ayaw mong makapag-asawa ng Pinoy?”
“Hindi naman sa ayaw. Nadala lang kasi ako doon sa Pinoy na minahal ko.”
“Bakit?”
Muli na namang inilahad ni Adam ang kamay para bigyan niya ng gummy candy. Ngunit naubos na ang baon niya. “Sorry.”
“Bakit nga,” tanong uli nito.
“Ibang babae kasi ang minahal niya.”
“Bakit hindi mo na lang siya subukang paibigin?”
“Hindi ko ugaling ipilit ang pagmamahal ko sa taong hindi ako mahal.”
“Malay mo naman kung ipapakita mong mahal mo siya, baka mahalin ka rin niya pagtagal-tagal?”
“Kaya ba ipinipilit mo rin ang sarili mo kay Majoyce kahit alam mong iba ang mahal niya? Iniisip mo na pagtagal-tagal, malilipat sa 'yo ang pagmamahal niya sa daddy mo?”
Sumimangot si Adam. “It’s none of your business.”
“Siguro nga. Pero nagmamalasakit lang ako sa kaibigan ko. Nasasaktan din ako kapag nakikita ko siyang nahihirapan dahil sobra na ang pagka-miss niya sa daddy mo na nagkataon lang naman na asawa niya,” pagdiriin ni Kimi. Hindi tuloy siya sigurado kung papasa si Majoyce sa katatapos lang na nursing licensure board exam. Problemado ang kaibigan niya mula pa nang maghiwalay ito at si Sir Luis.
“Kimi, I’m warning you. Don’t meddle with our lives.”
“Bakit? Nagi-guilty ka ba? Nakokonsiyensiya ka na ba na habang lumalakas ka at bumabalik sa dati ang pangangatawan mo, namamayat naman si Majoyce dahil sa hindi nila pagkikita ng asawa niya? Na napalayo lang sa kanya dahil sa kagagawan mo.”
“Shut up!”
“Hindi ako tatahimik lang hangga’t hindi ko naipapasok diyan sa malabakal mong kukote na sinisira mo ang buhay ng dalawang taong kini-claim mong mahal mo. Pagmamahal ba ang tawag doon?”
Nagliliyab ang mga matang tumayo si Adam. Ngunit bago pa man nito mahagilap ang tungkod ay nakalapit na siya. Itinulak niya ito upang muling mapaupo sa sofa. “What the—”
Nalunod na ang iba pang sasabihin nito nang walang abog na hinalikan niya sa bibig. Nalasahan pa niya ang katas ng gummy candy sa bibig ni Adam.
Mapangahas ang ginawa niyang paghalik, mapag-angkin. Hindi niya ito nilubayan hanggang halos hindi napugto ang kanilang hininga. Binirahan na niya ng alis pagkatapos.
Gaputok man ay wala nang nasabi si Adam hanggang sa makabig niyang pasara ang pinto.
Napapangiti at puno ng satisfaction na bumaba na siya ng mansiyon.