Chapter Eighteen
“BAKIT mo pinakasalan ang daddy ko?” sumbat kay Majoyce ni Adam. “Of all people, bakit sa daddy ko pa?”
“Adam, ginawa ko lang 'yon para kay Faye at para sa pamilya ko.” Naramdaman niyang lumayo na roon si Kimi.
“Right. Ganyan nga rin ang isinagot sa akin ni Daddy,” nang-uuyam na sabi nito. “At iniisip n’yo ba na papaniwalaan ko kayo?”
“Look, Adam. Kapag humupa na siguro ang galit mo sa amin ng daddy mo, maiintindihan mo rin ang punto namin.”
“Masisira na lang siguro ang ulo ko pero hindi ko kayo maiintindihan. Isa lang ang naisip ko nang malaman ko ang kataksilan mo sa akin. Wala kang kuwentang babae! Pareho kayong walang-kuwenta ng ama ko!”
Napaluha siya. Ngunit hindi na siya umimik. Hindi na niya ipinagtanggol pa ang sarili. Bitter pa si Adam. Dapat niyang unawain na lang ang damdamin nito ngayon. Panahon na lang siguro ang makapagsasabi kung mapapatawad pa sila nito ng kanyang asawa.
Bumaba na siya ng mansiyon. Bago siya makaalis ay nasalubong niya sa ibaba si Manang Loida. Nang makita nitong luhaan siya, ibinuka ng matanda ang mga kamay at niyakap siya. Sa balikat nito siya umiyak nang umiyak.
“Majoyce, isipin mo na lang na mabuti na ring nalaman niya ang tungkol sa inyo ng daddy niya. Alam ko kung gaano kahirap sa 'yo ang makitungo kay Adam noong hindi pa niya alam. Pero ngayon, hindi mo na kailangang magkunwari sa harap niya.”
“P-pero, Manang, ang sakit-sakit ng mga sinabi niya sa akin.”
Hinagod nito ang likod niya. “Ganoon talaga ang mga taong nasasaktan at nabubulagan ng galit. Kung minsan, nakakapagsalita sila ng masasakit. Isipin mo na lang na lilipas din ang galit niya. Matatapos din ang ganitong sitwasyon ninyo. Huwag ka lang mawawalan ng pag-asa. Magiging maayos din ang lahat.”
“Manang, kayo na lang po muna ang bahala sa asawa ko. Hindi po muna ako puwedeng umuwi rito.”
Napakalas ito sa kanya. “Aba’y bakit? Asawa ka ni Sir Luis. Dapat lang na narito ka kung saan siya nakatira.”
“Lalo pong magiging mahirap para kay Adam kung dito rin ako titira. At ayoko rin pong mahirapan ang loob ng asawa ko.”
“Alam na ba ni Sir Luis ang desisyon mong ito?”
Umiling lang siya.
“Mas mabuti sigurong pag-usapan n’yo munang mag-asawa ito.”GUSTO raw siyang makausap ni Adam, iyon ang text ni Kimi kay Majoyce. Mahigit isang linggo na mula nang komprontahin siya ni Adam. Sa loob ng mga panahong iyon ay hindi siya nagpakita sa mansiyon.
Pakiramdam ni Majoyce, hindi iyon ang tamang oras para magkita sila ni Adam. Wala ngayon sa bansa si Luis. May dinaluhan itong business conference sa Singapore. Bukas pa makakauwi ang kanyang asawa. Ngunit naisip din niya na baka lalong lumalim ang galit sa kanya ni Adam kung hindi siya makikipagkita. Kaya ngayon ay patungo na siya sa mansiyon.
Isang malungkot at talunang Adam ang nadatnan niya. Nakaupo ang binata sa wheelchair. Kumislap ang mga mata nito nang makita siya. “Majoyce… you came.”
May-pag-aalangang tumango siya. Hindi siya umupo kahit isinenyas nito ang katapat na sofa. She was wary. May agam-agam siya sa kalalabasan ng pag-uusap nila. “Bakit gusto mo akong makausap?”
Pinagmasdan muna siya ni Adam. “Mahal mo na ba ang… ang ama ko?”
Tumango si Majoyce. Nakita niya ang haplit ng kirot sa mga mata nito ngunit saglit lang.
“Mas minahal mo ba siya kaysa sa akin noon?”
“Look, Adam, hindi ko alam kung ano ang dahilan mo para tanungin sa akin ang mga bagay na ito.”
“Sagutin mo ang tanong ko, please?”
“Adam, ayokong dagdagan pa ang sakit na n—”
Nagtagis ang mga bagang nito. “Answer me, please.”
“Oo.” Huminga siya nang malalim. “Sa loob ng mahigit dalawang taon na inakala naming patay ka na, hindi nawala ang pagmamahal ko sa 'yo, Adam. It just took a different form. Siguro ganoon talaga ang isang pag-ibig na walang katugon. Sa katagalan, hindi man ito mawala, pero nagbabago. At muling magmamahal ang isang tao sa isang tao rin na magbibigay ng pagmamahal sa kanya. Ganoon ang nangyari sa amin ng daddy mo. Nakatagpo kami ng lakas at kaaliwan sa isa’t isa nang mawala ka.
“Pero isang araw, kinausap ako ng daddy mo. Natatakot daw siyang mamatay at maiwan si Faye sa ganoong kalagayan. Kailangan daw niyang makasiguro na ano man ang mangyari sa kanya ay may isang taong legal na mag-aalaga sa kapatid mo. Kailangan din daw niya ng makakasama sa pagtanda niya. Nag-propose siya sa akin.”
“At tinanggap mo agad?”
“Tinanggihan ko ang proposal niya. Pero dahil sa pressure sa pamilya, at sa takot na rin na mawala siya at mapabayaan si Faye, katagalan, napilitan akong tanggapin ang alok niya.”
“At minahal mo na siya agad pagkatapos n’yong ikasal?”
“Bago pa kami ikasal ng daddy mo, attracted na ako sa kanya. Pero pilit kong iniiwasan. Alam kong hindi tama. Kaya noong maikasal na kami, dahil wala na akong lalabaging batas, wala nang taong sasaktan, naging madali sa akin na mahalin siya agad.”
Matagal bago muling nakapagsalita si Adam. “I understand. Ngayon, mas mahal mo na siya kaysa sa akin. Pero ngayon kasi… Majoyce, nang mawala ang galit dito sa dibdib ko, naiwan pa rin dito ang feelings ko sa 'yo. Hindi ko alam kung paano mawawala ito.”
Nilukuban siya ng awa para dito, pero nanlumo naman siya sa ipinagtapat nito. “Adam, kailangan mo sigurong kilalanin na asawa na ako ng daddy mo. Na kahit kailan, hindi na tayo puwede.”
“Alam ko,” malungkot na ayon ni Adam. “Pero hindi pa rin n’on maiwala ang feelings ko para sa 'yo. Mahal na mahal pa rin kita, Majoyce. At mahirap sa akin—napakahirap—na tanggapin ang katotohanang hindi na maaaring maging tayo. How can I? I can’t seem to see tomorrow without you, Majoyce.” Isinubsob nito ang mukha sa mga palad. Nang mag-angat ng mukha, namumula na ang mga mata ni Adam.
“Habang ganyan ka, hindi ako puwedeng bumalik dito. Ayokong makita na nahihirapan ka.”
Tumitig ito sa kanya, titig na humihingi ng awa at unawa. “Huwag mong sabihin 'yan. Gusto kong naririto ka. Gusto kong nakikita ka. I’m missing you so bad.”
“Adam!”
“Huwag kang maeskandalo, Majoyce. Gusto lang kitang laging makita. Makausap. Hindi naman siguro pagtataksil 'yon kay Daddy. Puwede ba 'yon? Puwede bang araw-araw kitang makita? Hanggang sa… ma-immune na ako sa presence mo. Hanggang sa hindi na kita ma-miss. Baka 'pag tagal-tagal, magawa ko ring iwala ka sa sistema ko. Baka magawa ko ring umalis dito para hindi na ako makagulo pa sa inyo ni Daddy…”
Pumatak ang luha sa mga mata nito ngunit hindi niya magawang magbaling ng tingin. Damang-dama niya ang paghihirap ng loob ni Adam. Hindi na rin niya naiwasang mahawa. Napaluha rin siya.
“Pero puwede ba, huwag ka munang mawawala ngayon? Kahit hanggang sa… hanggang sa makakaya ko lang. Baka lang puwede? Please, Majoyce?”ISANG tingin lang ni Majoyce kay Luis ay alam na niyang may malaki silang problema.
Kahapon, pagdating ng asawa mula sa Singapore ay nagtuloy ito sa kanila mula sa airport. Sandali lang silang nag-usap. Nasabi niya rito ang pagpapatawag sa kanya ni Adam pati na ang mga napag-usapan nila.
Nakita niya kahapon sa ekspresyon ni Luis na nakagulo sa isip nito ang ikinuwento niya. Hindi ito gaanong nagkomento. Hinalikan lang siya, niyakap nang mahigpit at matapos nitong ibigay sa kanya ang mga pasalubong ay nagpaalam nang uuwi sa mansiyon.
“Nag-usap ba kayo ni Adam?” salubong niya kay Luis. Dinala niya ito sa silid niya para magkaroon ng privacy ang kanilang pag-uusap. Kasalukuyan kasing nasa bahay ang nanay niya at si Caloy.
“Oo.”
“Ano’ng sinabi niya sa 'yo?”
Sa halip na sagutin siya ay niyakap na naman siya nito nang mahigpit. “Mahal na mahal kita, Joyce. Mahal na mahal. Do you believe me?”
Nakadama siya ng takot. Bakit ito nagsasalita ng ganoon na ang tono ay parang katapusan na ng mundo? “Oo naman. Noong una mo pa lang sabihin sa akin na mahal mo ako, pinaniwalaan na kita.” Kumalas siya rito at pinagmasdan ang mukha. Parang ilang taon ang nadagdag sa edad ng kanyang asawa. Mababakas ang ilang worry lines sa noo nito at gilid ng mga mata.
“Nang ikasal tayo nasabi ko sa sarili ko na ano man ang mangyari mananatili ako sa tabi mo. Na paninindigan kita bilang asawa ko kahit anong problema ang dumating at sumubok sa pagsasama natin. Hinding-hindi kita iiwan. At hindi ako papayag na madaig tayo ng ano man o sino man para iwan mo ako.”
“Ini-expect ko rin na 'yon ang gagawin mo dahil ganoon din ako. Pero bakit mo ba sinasabi 'yan?” kinakabahang tanong niya.
“Pero kagabi, nang mag-usap kami ni Adam, daig ko pa ang sinaksak ng matalas na kutsilyo sa puso nang makita ko ang hopelessness niya. Bilang isang ama, hindi ko matagalang tingnan ang paghihirap ng loob ng anak ko.
“For the first time in my life, I saw him cry. Umiiyak siya habang sinasabi sa akin na sana raw namatay na lang siya nang tinangay siya ng buhawi roon sa dagat. Hindi raw niya kayang tanggapin na ang babaeng mahal niya at pinagbalakan na pakasalan noon ay asawa na ngayon ng ama niya. Para ko raw siyang unti-unting pinapatay tuwing maiisip niya na magkasama tayo.
“Magdamag akong hindi nakatulog kagabi. Hindi mawala sa isip ko ang ayos niya habang sinasabi iyon sa akin. I knew that look will haunt me forever if I will not do something about it.”
“A-ano pala’ng gagawin mo?” The look he gave her was the look that would haunt her for the rest of her life. Napaluha siya.
“Joyce, kailangan munang mawala ako sa pagitan ninyo ni Adam. Kailangan kong isakripisyo ang sarili kong kaligayahan. Kung mawawala ako sa paningin niya, baka sakaling mabawasan kahit kaunti ang pagkamuhi niya sa akin. Kaya naisip ko na lumayo muna.”
“L-lumayo?”
“Hindi muna tayo puwedeng magsama, Joyce. Aalis ako sa mansiyon. Doon muna ako sa condo. Magiging napakahirap nito sa akin, pero kailangan kong humiwalay muna sa iyo.”
“No, Mon, hindi mo gagawin 'yan,” naaalarmang tutol niya. “Sabi mo sa akin dati, you will never give up on me no matter what. That you will never give up on our love. Pero bakit ngayon sumusuko ka na?”
Malalim na buntong-hininga ang isinagot nito.
“Mon…” May bikig sa lalamunan niya at nagsimula nang pumatak ang mga luha niya.
“Sinabi ko nga 'yon, Joyce. With conviction…” sabi nitong mukhang talunan. Bagsak ang mga balikat ng asawa, puno ng paghihirap ang anyo at halos hindi niya matingnan. “Pero hindi ko alam, there will come a time I’d be confronted with this other side of love… It was so hard to choose to sacrifice. It felt like giving up my breath… Like giving up life itself…”