Blushing Fiancée

6.3K 152 14
                                    

Chapter Seven

NAPATAYO si Anette mula sa kinauupuang couch sa study. "Am I hearing this right? Pakakasalan n'yo ang babaeng 'yon?"
"You heard me," sagot ni Luis.
"Are you out of your mind, Dad? Dating girlfriend ni Adam, pakakasalan n'yo?"
Inaasahan na ni Luis na magiging ganito ang reaksiyon ng panganay na anak. "Matagal nang patay ang kapatid mo, pero hindi pa rin nagbabago ang magandang pakikitungo sa atin ni Majoyce kahit na madalas mo siyang pakitaan ng pangit na ugali. Malaki na ang improvement sa pagsasalita at sa overall behavior ni Faye ngayon mula nang alagaan siya ni Majoyce. Napakalaki ng malasakit ni Majoyce kay Faye, Anette. I know it's genuine."
"Nagi-guilty lang 'yon sa atraso niya sa 'tin. Kung hindi niya kinaladkad si Adam sa malayong lugar na 'yon, hindi maaabutan ng buhawi ang kapatid ko. Buhay pa sana siya hanggang ngayon."
"Anette, stop it! Tigilan mo na ang paninisi kay Majoyce sa sinapit ni Adam. Aksidente ang nangyari sa kanila ng kapatid mo. Walang may gusto sa nangyari. Kahit hindi sila magkasama ni Majoyce kung talagang nakatakdang maaksidente si Adam, mangyayari pa rin 'yon sa ibang paraan. Kailan mo ba maiintindihan na hindi mo dapat sisihin si Majoyce?"
"Pero, Dad, dahil lang ba sa nagmamalasakit ang Majoyce na 'yon kay Faye puwede nang maging dahilan 'yon para pakasalan n'yo ang babaeng 'yon. Hindi ko maisip kung anong logic mayroon doon." Kunot-noong tinitigan siya nito. "Tell me, Dad. Baka naman tulad ni Adam noon, naakit ka na rin ng babaeng 'yon?"
Tumayo na rin si Luis upang mailihis ang mga mata sa mapang-usig na mga mata ng anak. "Anette, immaterial ang sinasabi mong 'yan sa gusto kong maunawaan mo. Kapag pinakasalan ko si Majoyce, mawala man ako, nasisiguro kong hindi niya pababayaan ang kapatid mo."
"Ang sabihin ninyo, kapag pinakasalan ninyo ang Majoyce na 'yan, baka isang araw, magising na lang kayong kanya na ang lahat ng mga kayamanan ng pamilyang ito."
Naiinis na binalingan niya ito. "Ano ka ba naman? Ginagawa mo ba akong tanga? Oo at totoo na kapag nakasal kami, legally, may mapupunta ring parte ng pag-aari ko sa kanya. Pero hindi ibig sabihin n'on na pati ang para sa inyong magkapatid mapupunta rin sa kanya. I've already told you, gawa na ang last will and testament ko. Mabago man 'yon, tinitiyak ko na hindi kayo madedehado ni Faye."
"Hindi ko pa rin gusto na magpakasal kayo sa babaeng 'yon," matigas na sabi ni Anette.
"Well, I'm sorry, but I've decided to marry her with or without your approval."

NAPAPITLAG si Majoyce nang maramdaman ang kamay ng tatay niya sa kanyang balikat. "'Tay?"
"Kanina pa ako salita nang salita rito, hindi mo naman pala naririnig." Dumako ito sa ibabaw ng pasamano ng balkon nila at doon naupo. "Anak, kung labag sa loob mo ang gagawin mong pagpapakasal kay Luis Miramonte, huwag mo na lang ituloy. Walang pumipilit sa 'yo na gawin ito."
Meron po, Tatay. Ang sitwasyon natin ngayon ang pumipilit sa akin para gawin ito. Pero hindi magawa ni Majoyce na bigkasin iyon. Ayaw niyang dagdagan pa ang paghihirap ng loob ng kanyang tatay. Nararamdaman niyang sinisisi nito ang sarili sa naging pasya niya. Alam nitong napilitan siyang pumayag sa alok na kasal ni Luis dahil sa magkakasunod na pagsubok sa buhay nila. "Nakapagpasya na po ako, Tatay. Hindi ko na po babaguhin ang desisyon ko."
Bumuntong-hininga ito. "Kung may magagawa lang sana ako para maiahon sa labis na kahirapan ang pamilya natin... Ayokong makita ka sa ganitong sitwasyon. Ayokong makita ang isa man sa inyong mga anak ko na napipilitang gawin ang isang bagay na labag sa loob ninyo, para lang matugunan ang pangangailangan natin. Anak, ayokong sumama ang tingin sa 'yo ng i-ibang tao," basag ang tinig na sabi nito.
Napaluha siya. Mas ayaw niyang makita sa ganitong kalagayan ang ama. Na tila napakaliit ng tingin nito sa sarili. Yumapos siya sa isang braso nito. "'Tay, lalong ayoko pong makita na sinisisi ninyo ang sarili ninyo sa mga nangyayari sa atin. Pamilya po tayo. Natural lang na magtulungan tayo sa problema. At tinitiyak ko po sa inyo, napag-isipan ko na po nang mabuti ang naging desisyon ko. Alam kong makabubuti ito kay Faye at sa ating lahat."
"Pero makabubuti ba para sa 'yo?"
Hindi matingnan ni Majoyce ang kanyang ama sa mga mata nito. Ngayon lang niya nakitang ganito ka-helpless ang tatay niya. Masakit iyon sa kalooban niya lalo na at naging mabuting ama ito sa kanilang magkakapatid. Dangan nga lang at napagkaitan ang ama ng kaginhawahan sa buhay. "'Tay, siguro po sa ngayon, hindi pa natin nakikita na makabubuti ito sa akin. Pero naniniwala po ako at umaasa na ano mang bagay ang pinahintulutan ng Diyos na mangyari, sa kabuuan, ito po ang makabubuti."
Dinampian nito ng halik ang kanyang ulo. "Napakabuti mong anak, Majoyce. Mabuti ang puso mo. Wala akong idinadasal sa Diyos kundi maging masaya ka. Sana nga maging masaya ka kahit na alam kong napipilitan ka lang na gawin ito. May isang bagay lang akong gustong ipaunawa sa 'yo."
"Ano po 'yon, 'Tay?"
"Anak, panghabang-buhay na desisyon ang pagpapakasal. Nakatatagal lang ang mag-asawa sa kanilang pagsasama kung mahal nila ang isa't isa. Alam kong hindi mo mahal si Luis. Kapag nakasal ka sa kanya, hindi ka na maaaring kumalas kapag naramdaman mong hindi ka pala magiging masaya sa piling niya."
"Tatay, sabi ko nga po, napag-isipan ko na ang tungkol dito. Naniniwala po ako na napag-aaralan ang pagmamahal. Sa tingin ko naman po, hindi mahirap mahalin si Tito Luis. Napakabait niyang tao at alam ko, ginagawa niya ito hindi lang para kay Faye kundi para na rin sa akin. Nagsasakripisyo rin po siya sa desisyon na pakasalan ako. Kaya sana huwag na po kayong mag-alala para sa akin."
Bumuntong-hininga uli ang ama ni Majoyce. "Hindi mo maiaalis 'yon sa akin, anak."
"'Tay, basta po isipin n'yo na lang na magiging maayos ang lahat. Na magiging masaya rin ako sa gagawin ko." Hindi siya sigurado roon. Pero kung pagbabasehan niya ang atraksiyon na naramdaman niya kay Luis sa ilang pagkakataon, at kung matututuhan din siyang mahalin nito, magkakatotoo rin siguro ang hinahangad ng tatay niya para sa kanya.
Mas optimistic naman si Kimi kaysa sa kanyang tatay nang ipagtapat niya sa kaibigan na inalok siya ng kasal ni Luis at tinanggap na niya ang proposal.
"Bru, ang guwapo ng mapapangasawa mo. Kahit forties na, papable pa rin. Wala bang kapatid 'yan o pamangkin o tito?" anito, sabay siko sa braso niya.
Natawa siya. "Luka-luka."
"Don't tell me hindi ka nagka-crush sa daddy ni Adam?" Muli na namang dinunggol ni Kimi ang braso ni Majoyce.
"Baliw ka talaga."
"Aminin mo na kasi. Ini-evade mo ang topic, eh. Pareho naman nating alam na mas cute ang ama kaysa sa anak kahit noong buhay pa si Adam."
"Tigilan mo na nga ang pang-iintriga diyan. Tulungan mo na lang ako sa pag-iisip kung anong oras magandang ikasal. Sa umaga ba, sa hapon o sa gabi?"
Umasim ang mukha nito. "Ang corny mo namang mag-plan ng sariling wedding. 'Yong design ng gown mo at honeymoon venue ang pag-isipan natin at hindi 'yang oras ng kasal."
"Iniisip ko lang 'yon dahil ayokong matagal na mawala kami sa paningin ni Faye. Doon siya nagkakaramdam ng sense of security, 'yong lagi niya kaming nakikita at hindi ang mga nurse lang. At ayoko ring mawala siya sa paningin ko nang matagal. Lalo ngayon na nag-start na siyang magka-seizure."
"Just the same, may mas dapat kang pag-isipan kaysa diyan. Pero kung seryoso ka sa pagtatanong sa akin, well, pareho naman nating alam na mas maganda kung gabi ang kasal, para sandali lang ang ipaghihintay mo sa oras ng honeymoon," sabi nito kasabay ng isang pilyang kindat.
Nabatukan niya ang kaibigan.

NAGSASALIN si Majoyce ng mainit na tubig sa thermos jar nang hangos na dumating ang tatay niya. Napalabas tuloy sa silid si Caloy.
"Majoyce, nasaan ang nanay mo?"
"Naghatid po ng tinahi niyang mga kurtina." Nagmano siya rito. "Bakit po, 'Tay? Parang excited kayo. Ano po ba'ng meron?"
"Excited nga ako, anak. Natanggap akong family driver ng isang pamilya diyan sa may Army Road."
"Yehey!" bulalas ni Caloy na napatalon pa.
Napangiti ang tatay niya. "Kinaawaan din tayo ng Diyos. Kakilala sila noong isang kumpare ko. Tinulungan ako para makapasok. Timing nga ang pagdating ko roon kanina. Mabuti na lang hindi pa sila nakakakuha."
"Kailan daw po kayo magsisimula?"
"Sa Lunes na. Kailangan ko munang magpa-X-ray. Kompleto naman ako ng papeles diyan. Medical lang ang wala. Medyo mahigpit sila sa requirements, pero ayos na rin. Ang mahalaga may panibagong trabaho na ako ngayon."
"Burger! Burger!" sigaw ni Caloy.
"Hayaan mo, bunso, sa unang suweldo ko, ibibili kita ng buy one-take one na hamburger diyan sa labasan."
Natigilan si Caloy. "Eh, 'Tay, malaki po ba ang magiging suweldo n'yo roon?"
Sinabi ng tatay niya kung magkano. "May mga benefits pa sila na ibibigay sa akin. May SSS at health insurance din."
"Pero, 'Tay, ang liit lang pala ng magiging suweldo n'yo."
"Mabuti na 'yon kaysa wala. Kahit paano hindi na mamomroblema ang nanay n'yo sa mga bayarin natin." Binalingan siya nito. "Anak, siguro naman, mapapagtulong-tulungan na natin ito. Puwede ka nang hindi magpakasal kay Luis."
Kahit naman may trabaho na uli ang ama ni Majoyce, wala pa rin halos mababago sa sitwasyon nila. "Itay, tulad nga po ng sinabi ko, nakapagbitiw na po ako ng pangako na pakakasal ako kay Tito Luis. Hindi ko na po babawiin ang nasabi ko na."
"Hayaan mo nang magpakasal siya sa lalaking 'yon, Manuel," sabad ng kadarating na nanay niya. "Ilang buwan na siyang doon halos tumitira sa kanila. Dalaga ang anak mo. Masagwang tingnan. Kaya tama lang na makasal sila para matakpan ang pangit na iniisip ng tao sa kanya."
"'Nay, wala naman pong nag-iisip ng masama sa akin kahit araw-araw akong nasa mansiyon," kontra niya.
"Hah! 'Yon lang ang akala mo. Bakit, sinasabi ba sa 'yo ng mga tagarito kung ano ang iniisip nila tungkol sa yo?"
"Aurora, lubayan mo na ang anak mo," pamamagitan ng tatay niya. Si Caloy ay nakita niyang tahimik na nagtungo sa silid nito at ni Jericho. Umiiwas lang marahil ang kapatid na madamay sa panenermon ng kanilang ina. "Mahirap para sa kanya ang gagawin niyang ito. Majoyce, pumaroon ka na muna sa kuwarto mo at mag-uusap kami ng nanay mo."
Tahimik lang siyang sumunod sa utos ng ama.
Napapaisip siya habang nakatanaw sa bintana ng kanyang silid. Totoo nga kaya ang sinabi ng nanay niya na may nag-iisip ng masama sa kanya dahil sa dalawang taong araw-araw na naroon siya sa mansiyon para alagaan si Faye?

"JOYCE, nag-usap na kami ni Anette. At tama ka, tutol siya sa pagpapakasal natin."
Parang hindi man lang nababahala si Luis habang sinasabi iyon. Parang trivial na bagay lang ang pinag-uusapan nila. Hindi man lang niya makitang malukot ang noo ni Luis. Cool na cool lang ang ayos. Samantalang siya, mula nang pumayag siya sa proposal ni Luis, para na siyang bibitayin. "Inaasahan ko na po 'yon, Tito."
"Pero walang magagawa ang pagtutol niya. Importanteng makasal tayo sa lalong madaling panahon. Kung nakapagsabi ka na sa parents mo, mamamanhikan na ako sa kanila sa makalawa."
"Ho?"
"O, bakit parang gulat na gulat ka? Kailangan nating sabihin sa kanila to get their blessing, right?"
Napabuntong-hininga si Majoyce.
"Why? Don't tell me you're getting cold feet now?" seryoso ang mukhang sabi nito.
Tanong din ang isinagot niya rito. "Tito Luis, alam na po ba ni Miss Krissy na magpapakasal tayo?"
"Wala akong obligasyon na sabihin sa kanya. Bakit mo naman naitanong?"
Naglihis siya ng tingin dahil mataman siyang tinititigan nito. Bakit ba nakakapagpakabog ng dibdib ang titig ni Luis? "'Di ba po siya ang girlfriend n'yo?"
Biglang tumawa ito sa pagkagulat niya. At pagkatapos ay itinutok na naman ang tingin sa mga mata niya na lalo niyang ikinailang. "You're acting like a jealous fiancée, Joyce."
Daig pa niya ang biglang nasalang sa pugon. Ang init-init ng mukha niya.

The Other Side Of Love COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon