Turn Her Back From Him

7K 139 17
                                    

ChapterTwenty

NAPALUHA si Majoyce nang ihayag na ng huwes na mag-asawa na sina Jericho at Hyacinth. Sa wakas, natupad na rin ang pangarap ng dalawa.
Napakasimple lang ng kasal. Iyon ang naging desisyon ng dalawa. Na isang simpleng kasalan na lang ang idaos.
Hindi niya maiwasang hindi mainggit sa dalawa. Puno ng pagmamahal ang tinginan ng mga ito sa isa’t isa. Hindi maikakaila sa kilos ang labis na kaligayahan.
Sa kabila ng hindi pa rin lubos na tanggap ng mga magulang ni Hyacinth ang kapatid niya, present doon ang mga ito pati na rin ang mga kapatid ni Hyacinth. Naroon din ang mga magulang niya at ang best man na si Caloy.
Malaki-laki pa ang kailangang patunayan ni Jericho sa pamilya ng asawa ng kanyang kapatid. Kailangan nitong matapos muna ang natitirang isang semestre sa kolehiyo. Kailangan din nitong makapagtrabaho na pagkatapos.
Alam ni Majoyce na hindi ginusto ng kanyang kapatid na mauna muna ang pag-aasawa bago magtapos sa kolehiyo at makapagtrabaho, ngunit napasubo na ito. Nakikita naman niyang nagsisikap si Jericho. Umaasa siya na magtatagumpay pa rin ito sa buhay sa kabila ng mga maling desisyon na nagawa.
Inabutan siya ni Adam ng panyo. Dumalo rin ang binata nang malamang ikakasal ang kapatid niya. “Punasan mo nga 'yang luha mo,” sabi nito. “Baka isipin ng ibang makakakita na ayaw mong makasal ang kapatid mo.”
“Salamat.” Ikinubli niya ang mukha habang nagpupunas siya ng luha. Pag-angat niya ng tingin ay nasalubong niya ang mga mata ng lalaking hindi man lang nawaglit sa isip niya. Naroon ito sa kabilang panig ng function hall na pinagganapan ng kasal. Luis.
Napatayo si Majoyce. Ngunit hindi pa man niya naihahakbang ang mga paa niya ay umatras na ang asawa. Tumalikod ito at tuloy-tuloy na lumabas ng hall.
Napaiyak na naman siya. Masamang-masama ang loob niya. Hindi man lang siya hinintay nitong makalapit.
Ayaw nang maampat ng mga luha niya. Nag-alala yata si Adam na baka makatawag siya ng pansin ng ibang naroroon kaya inakay siya ng binata sa labas.
Dinala siya ni Adam sa veranda ng gusaling kinaroroonan nila. “Bakit ka ba iyak ng iyak?” usisa nito. “Sino ba 'yong tinitingnan mo sa likuran kanina?”
“H-hindi man lang niya ako hinintay na makalapit. Hindi ko man lang siya n-nakausap.” Hirap na hirap siyang pigilan ang sarili na mapasigok.
“Sinong…?”
“M-matagal kaming hindi nagkita p-pero hindi man lang niya hinayaang mahawakan ko siya… o mayakap.”
“Si Daddy ba ang nakita mo?”
“Alam k-ko, gusto rin niya akong makita. Gusto rin niyang makasama ako. P-pero bakit pinipigilan niya ang sarili niya? I-isang yakap lang naman ang hihingin ko. Isang yakap lang k-kapalit ng  maraming mga araw at gabi na hindi ko marinig kahit boses niya.”
Inalo si Majoyce ni Adam. Niyayakap siya nito ngunit umiwas lang siya. Patuloy siya sa pag-iyak at pagsigok.
May kalahating oras yata sila roon bago niya nagawang husayan ang sarili. Magang-maga na ang mga mata niya. Muli siyang pumasok sa bulwagan para batiin ang mga ikinasal. May-pagtataka sa mukha ng kapatid niya habang pinagmamasdan siya. Nagpaalam siya sa dalawa na hindi na siya magtatagal doon. Nag-alok naman si Adam na ihatid siya sa kanila matapos niyang tumanggi na sumama sa mansiyon.
Hindi siya umiimik habang bumibiyahe sila. Puno ng kapanglawan ang kanyang puso. Pakiramdam niya nakadagan sa kanya ang lahat ng bigat ng mundo. Parang kinuha na ng kabigatang iyon ultimo kaliit-liitan niyang kakayahan na maging masaya.
Pumapatak na naman ang luha niya ngunit hindi siya kumilos para pahirin iyon.
“Sobra-sobra talaga ang pagmamahal mo kay Daddy, ano?” mayamaya ay sabi ni Adam.
Hindi umimik si Majoyce.
“How I wish na makita kitang ganyan din sa 'kin. Napakasuwerte talaga ni Daddy.”
Nanatili siyang walang-imik hanggang sa maihatid na siya ni Adam sa kanila.
“Tama nga si Kimi,” malungkot na sabi nito bago siya makababa ng sasakyan. “Sinisira ko ang buhay n’yo ni Daddy. I’m sorry, Majoyce. Pero huwag kang mag-alala. Babawi ako sa 'yo.”
Tumango lang siya at bumaba na ng kotse. Hindi na niya ito nilingon.
Nagpapahinga na siya sa kanyang silid nang tumunog ang kanyang cell phone. Si Manang Loida ang tumatawag. “Majoyce, tumawag dito si Donnie. Isinugod niya raw si Anette sa ospital. Bigla raw dinugo.”
“Diyos ko, sana naman po makaligtas silang mag-ina. Tinawagan n’yo na po ba ang daddy niya?”
“Oo, katatawag ko lang kay Sir Luis. Pupunta na raw siya agad sa ospital. Kinakabahan ako para kay Anette, Majoyce. Magpipitong buwan pa lang ang ipinagbubuntis niya.”
“Ipagdasal na lang po natin na walang mangyaring masama sa kanila ng baby. Hayaan n’yo po, babalitaan ko kayo agad kapag dumalaw ako roon ngayon.”
“Salamat, Majoyce.”
Nagmamadali siyang kumilos. Higit kailanman, ngayong nanganganib ang buhay ng anak ni Luis at apo, ngayon kailangan ni Luis ang suporta.
Pagdating niya sa ospital ay nakita niya agad si Donnie. Nasa delivery room na ang asawa nito. Sapilitang aalisin sa katawan nito ang fetus. Wala na raw heartbeat iyon. Ayon kay Donnie, malakas naman ang heartbeat ng bata sa mga nakaraang checkup ni Anette. Kaya ipinagtataka raw maging ng mga doktor kung paanong humina ito hanggang sa mamatay sa loob ng tiyan ng ina.
Nanlulumong napaupo na lang si Majoyce sa isa sa mga silyang nasa gilid sa loob ng waiting area. Maaaring masama ang loob niya kay Anette dahil sa mga pangit na ipinakita ng babae sa kanya, ngunit kahit kailan ay hindi niya hinangad na mapahamak ito at ang ipinagbubuntis nito.
Tinanong niya kay Donnie si Luis.
“Nasa cafeteria sila,” sagot nito. “Halos magkasunod lang kaming dumating dito.”
Tumayo siya para puntahan sana roon ang kanyang asawa. Ngunit nakasalubong na niya ito sa hallway. Kasama nito ang family friend ng mga ito na si Miss Krissy.
Parang tinarakan ng patalim ang dibdib ni Majoyce nang makitang nakakapit pa ang kamay ng babae sa braso ng asawa niya. Hindi na niya magawang ihakbang ang mga paa.
“J-Joyce?” gulat na sabi ni Luis pagkakita sa kanya.
“Majoyce!”
Napakagat-labi siya. Boses ni Adam ang tumatawag sa likuran niya. Kaninong tawag ba ang pakikinggan niya?

The Other Side Of Love COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon